Dito, tulad sa rehimen ni Arroyo, ang halinghing at iri ay sabayang nagsasaad ng pagbulwak ng at pagdisiplina sa bawal. Basta may pera, hindi nabubura, bagkus lalong tumitingkad, ang distinksyon ng bawal at hindi sa mundong ibabaw.
NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, No. 22, July 6-12, 2008
Pejoratibo ang tingin sa mga motel at lodge sa bansa. Pero mas nega (negatibo) ang tingin sa gawain sa loob ng mga motel. “Liko biglang yuko” dahil hindi nga inaakalang marangal ang gawain dito, kahit pa pribadong espasyo naman ito.
Dati ay built-in sa laylayan ng syudad at mga bayan ang night clubs na may dagdag na atraksyon. Sa Bocaue, Bulacan at Calumpang, Marikina ang dinadayo pa para magkaroon ng good time ang kalalakihan. Sa aking pagkamulat, sa Diversion Road sa San Leonardo, Nueva Ecija, malayo-layo sa poblacion, matutunghayan ang mga bar, inaanunsyo gamit ang pulang ilaw sa loob at christmas lights sa labas.
Kumbaga, sa simula, parang nakasona ang mga lugar ng aliw. Red-light district ang turing dito bilang sex tourism na atraksyon ng magkakahilerang bars sa Ermita, EDSA Pasay at Quezon Avenue. Pang-high-end. Supporting role ang mga motel sa daloy ng komersyal na aliw. Mula sa bars at clubs, at maging lansangan, tungo sa espasyo ng higit pang konsumpsyon—ang konsumasyon—ng sex.
Sta. Mesa at Pasay Rotonda ang mga kalsadang naging enclave ng motels. Two-story na gusali—parang precursor ng modernong townhouse—ang disenyo. Yung high-end nito ay may mala-Disneyland na kwartong nagtatanghal ng tema. Sa Anito Lodge sa Monumento, ito raw ay kinabibilangan ng Egyptian, Filipino, Japanese, European, at iba pang motif na kwarto.
Ang two-story na building ay nagsasaad na ng gitnang-uring panuntunan sa bawal na sexual na pagnanasa. Ang ground floor ay car park na rin, inaasahang may dala ang kliyente ng kotse o naka-taxi man lamang. Bawal, kasi nga ay hindi motel ang angkop na lugar at panahon ng sex, batay sa isang bansang mayorya ay Katoliko. Kung hindi ito angkop, lantaran at patagong dinadaot ang karanasan dito.
“Cheap” at “paka”(pakawala) ang tingin sa babaeng sumasama sa motel. “Macho” at balahura (hindi sinsero) ang lalakeng nagdadala naman sa motel. Kung ganito na nga ang tingin, at sa mas mumurahing kwarto sa Quiapo, Avenida at Pasay pa tutungo ang mga kliyente, nagiging dobleng kacheapan ang karanasan.
Ang nangyari sa tagumpay ng negosyo ng Sogo Hotels (Hotel Sogo sa kanilang “under construction” na website) ay gawing stand-alone ang karanasan sa bawal na pagnanasa (illicit desire). Hindi na kailangang tumungo sa bars bago tumungo sa motel. Maaring dumiretso na kaagad ang seryosong tagpuan mismo sa motel. Magtagpo na lamang sa neutral na lugar (convenience store, mall, kalsada o fastfood outlet) at tumungo na sa motel.
Nakakalat sa prominenteng lugar ang Sogo Hotels. Katabi ng malls, tulad sa may SM Sta. Mesa at Sta. Lucia Mall. At tulad ng kahon ng sapatos na disenyo ng naunang henerasyon ng malls, ang disenyo ng Sogo Hotels ay kahon din. Kakaunti ang bintana rito. At kung mayroon man, may nakatakip na struktura sa labas ng building para hindi lubos na matunghayan ang nasa loob.
Tulad sa malls, maaaring mawala sa espasyo at panahon ng Sogo. May kontrol sa panahon ang mga kliyente: madilim o maliwanag sa pribadong kwarto, pero tulad sa mall, parating maliwanag ang publikong erya. Ang espasyo ng kwarto ay magkakahalintulad. Pare-parehong may salamin, banyo, libreng gamit ng twalya at sabon, kobre-kama, telebisyon at remote, kahit pa may mas mahal at murang kwarto.
Kapag nakapaloob sa Sogo, mahirap tunghayan kung anong oras na. Kapag nakapaloob sa mall, hindi rin nakakatiyak kung nasaan na ang kliyente. Tulad sa mall—ang mga tindahan, in-house na establisyimentong hawak ng SM, lokasyon ng sine at fastfood, at iba pa—pare-pareho ang mga laman ng Sogo Hotels: lobby na napakaraming pang-pares na silyang antayan ng kwartong binu-book, front desk, security door, nag-iisang makitid na elevator, at mga hile-hilerang kwarto sa bawat palapag.
Lumikha ng sariling pagpapadaloy ang Sogo Hotels. Hindi na nakayuko dahil nga nagkakakitaan na ang mga nag-aantay sa lobby. Slight na lamang nakatungo. Tanggap din kung same-sex ang nagpapa-book ng kwarto. Pero ang dinodoble ang bayad ay kapag three-some ang nagnanais umakyat.
Ang ginawang inobasyon ng Sogo Hotels, bilang improvement sa naunang henerasyon ng two-story na motel at lodge, ay gawing abot-kaya at mabilisan ang pag-order ng pagkain. Limitado ang opsyon sa marangal na hitsura ng menu. At balita ko na naman ay marangal naman ang kalidad ng pagkain. Na sa kaunti pang panahon, ang pagkain sa kwarto ay magiging tulad na ng pagkain sa panonood ng sine: integral, affordable, at magkatambal sa iba’t ibang pleasure na binabayaran para matamo.
Efficient ang Sogo Hotel. Parang walang nakakalamang. Maging ang mga pulis na nag-aantay ng libreng kwarto ay pumipila. Mayroon ding channel para sa mas mahalay na palabas. Mabilisan at sistematiko rin ang paglilinis sa mga kwarto. Na palabas pa lamang ng kwarto ay tinatanong na ang kliyente kung “check out” na ang kliyente para kagyat na malinis at muling maisaayos ang nabakanteng kwarto para sa susunod na pares.
Stand-alone ang malalaking building ng Sogo Hotel. Ang kanyang logo ay isang geisha na parsyal na nakatakip ng pamaypay ang mukha. Geisha na nagsisimbolo ng pagiging entertainer at binabayarang pagsasama, sunod-sunuran na nagbibigay ng aliw. Pati ang pamaypay ay simbolo ng leisure.
Kaya rin may karapatan ang mga gusali na sumiksik sa mga komersyal na lugar sa Metro Manila. Aliwan paradise ang inaalok na serbisyo nito. Sa mall ay publikong-pribadong aliw ang inilalako: sa nilikhang publiko natutungyahan ang mga serbisyong bibilhin at iinternalisa ng pribadong konsyumer.
Sa motel ay pribadong-pribadong aliw ang pinatatamasa: sa pagpasok sa pribadong kwarto maiinternalisa ang pribadong kasiyahan para sa konsyumer na pumiling bumili ng tatlong oras—ang “short-time” na kalikasan ng mga motel. Sa kliyente ang kwarto sa loob ng nirentahang tatlong oras.
Free sex, perverted sex, sex with non-adults na mukha namang adults, extra-marital sex, premarital sex, gay sex, lesbian sex, kahit ano sa pagitan ng dalawang partner, maaari sa motel. Ang kapangyarihan sa kontrol sa panahon at espasyo ng kwarto ay nasa kanila sa loob ng itinakdang tatlong oras o lampas pa rito.
Sexual liberation ito na nakaangkla sa sexual tolerance, lalo na sa sex work, na nagsimula sa panahon ng Amerikanong kolonyalismo. Sa panahong ito, naging bukas na usapin ang premarital at extra-marital na relasyon, maging ang sex work. “Casa” mula sa Kastila para sa bahay-aliw ang designated na lugar para rito.
Ang pagiging bukas sa sex ay itinumbas sa bisyo, tulad ng sugal, alak at pambababae. Bukas pero hindi maganda ang tingin. Bukas dahil napapag-usapan na sa diyaryo at panitikan. Kung gayon, ito ay parang sikreto—bukas kapag natunghayan pero sa pangkaraniwang pagkakataon, saradong bukas.
Ang tagumpay ng Sogo Hotels ay gawing komersyal ang kalakaran para sa higit na nakararami. Nasubukan na ninyo bang magpa-book kapag Biernes ng gabi, o pay day ng a-kinse at katapusan? My gad, parang ahas na paikot-ikot ang taong nakaupo, magkatapat sa silya, magkatalikod, at nakatayo sa tagiliran ng lobby, at nagmamadaling pumasok sa security gate para umakyat sa kwarto.
Tila isang champion ang Sogo Hotels, kung gayon, sa liberalisasyon ng sexual na pagnanasa. Nagiging katanggap-tanggap na kalakaran sa dumarami pang bilang ng itinatayong gusali. Ang discontinuity ng Sogo Hotels sa naunang espasyo ng casa at unang henerasyon ng hotel ay gawing mas accessible ang bawal na karanasan. Wala na sa Diversion Road o dating liblib na lugar na makikipagsapalaran sa biyahe pa lamang, hindi na major production tumungo sa motel.
Ang continuity sa naunang mga espasyo ng aliw ay gawing mas komersyal ang kalakaran ng bawal na pagnanasa. Magkakatulad ang mga kwartong kulang sa hotel ang standard, pero dahil nga mas abot-kaya naman ang halaga (lalo na kung may 20 percent discount card) ay OK lang, at mataas ang efficiency ng serbisyo.
At dahil ito ay nasa friendly neighborhood komersyal na lunan sa Metro Manila, mas madali ang akses dito. Hindi nakakatakot tumungo, walang pakikipagsapalaran sa biyahe. Na maari ngang trip-trip lang kahit hindi naman literal na nagbiyahe para sa figuratibong trip to heaven.
Substansyal na katuwang na inihanda ng Sogo Hotels ang bansa sa neoliberal na karansan sa sex, sa abot rin ng makakaya ng Katoliko at estadong konserbatismo. Sex—maging paid sex o leisure sex—ay integral na komponent sa service sector na binibigyan-diin ng gobyerno, lalo na ng admiistrasyon ni Gloria Arroyo.
Walang malisya, dahil kanya-kanyang adult na desisyon itong pribadong karanasan. Walang malisya lalo pa’t ginagawa ito sa lehitimong espasyo at panahon ng motel, tulad ng Sogo Hotels. Na may pagtanggap sa ehersisyo ng bawal na pagnanasang ito dahil mas matimbang ang konsumpsyon ng nakakapagbayad na gitnang uri kaysa sa moral na indictment ng kawalang-angkupan ng sexual na pagnanasa.
Mas matimbang ang finansyal na kapital kaysa sa moral na kapital. Sino ang mas papanigan ng estado? Wala naman kailangang pagpilian. Tasitong sinusuportahan ni Arroyo ang negosyo dahil may napapala itong pang-ekonomikong aktibidad na mahalaga sa kanyang inaasam na statistikong inuulat kapag SONA (state of the nation address).
Na ang sex ay pwedeng pagkakitaan ay pangarap na naabot ng Sogo Hotels sa 20 branches nito sa Metro Manila. Malaking negosyo na nagsasaad sa negosyante at kliyente na “ramdam ang pag-unlad.” Sino ang hindi mamaximisahin ang kaligayahan—kahit pa illicit na pagnanasa ito—kung nagbayad ka para matamo ang rurok ng inaasam na tagumpay?
Ginawang empowered na pribadong mamamayan na nakakatamo ng pribatisadong konsumpsyon ng sariling pagnanasa. Na ang sex ay integral na ekonomikong aktibidad basta nananatili sa pribadong spero ng publikong buhay. At ang madilim, walang bintana at aircon na kwarto ay ang materialisasyon ng pribadong spero na ito.
Sa loob ng tatlong oras, ang buhay at kamatayan sa labas ay tumitigil para bigyan buhay ang pagsasakatuparan ng bawal na pagnanasa. Bawal pero nababayaran para maging lehitimo. Bawal pero mayroong pribadong spero sa publikong buhay maaring matamasa ito.
Dito, tulad sa rehimen ni Arroyo, ang halinghing at iri ay sabayang nagsasaad ng pagbulwak ng at pagdisiplina sa bawal. Basta may pera, hindi nabubura, bagkus lalong tumitingkad, ang distinksyon ng bawal at hindi sa mundong ibabaw. Bulatlat