Pagmimina at militarisasyon sa Masinloc


Lala Bautista/Mitch Santos

Minahan ng GGHI sa Brgy. Sta. Rita, Masinloc, Zambales

BUNSOD ng matinding pagtutol ng mamamayan ng Masinloc, Zambales sa operasyon ng pagmimina ng Golden Global Harvest Inc. o GGHI, pormal na itinatag ang alyansang Sagip Masinloc noong Setyembre 10, na binubuo ng mahigit 100 estudyante, magsasaka, residente, at makakalikasan.

Noong Hulyo 2, ibinaba ng Sangguniang Bayan ang Temporary Restraining Order laban sa GGHI, sa udyok ng nagrereklamong mga residente.

Ayon sa Sagip Masinloc, matagal na hinayaan ng lokal na pamahalaan ang operasyon ng kompanya kahit na hindi kinonsulta ang mga residente ng apektadong mga barangay.

Sa panayam noong Hunyo, sinabi ni Roberto Emilao, bise-alkalde ng Masinloc, na nagkasundo ang Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan ng Zambales na hayaan ang pagmimina ng nikel ng GGHI. Aniya, “’Wag nating isara ang ating pag-iisip sa makabagong progreso gaya ng minahan na ito dahil magbibigay ito ng trabaho sa mga tao at tulong pinansiyal sa bayan.”

Gamit sa pagmimina ng GGHI

Pagkasira sa kabuhayan at kalikasan

Ngunit ayon sa pagsusuri ng Siera Tapulao Adventure Group o STAG, isang grupo ng mountaineers na nangangalaga sa watershed ng Masinloc, P6 Milyon ang mawawala sa kita ng mga magsasaka sa Sitio Paglana, Brgy. Sta. Rita pa lamang. Higit na mas malaki raw ito kumpara sa P1-M buwis na ibinabayad ng minahan sa isang taon sa lokal na pamahalaan.

Nais ng mga residente sa mga sasakuping barangay na itigil ang operasyon ng pagmimina ng nikel at pagbayarin ang GGHI sa mga pinsalang idinulot nito gaya ng pagkasira ng lupang taniman.

Umano’y patuloy ang pag-agos mula sa kabundukan patungo sa ilog, na siyang nagsisilbing patubig para sa palayan, ng hindi maipagkakailang mga katas ng nakalalasong kemikal gaya ng mercury, cyanide, at oribe (ores) mula sa minahan. Kumakapit sa bato at lupa ang kulay nito na kung dati-rati ay malayang pinaliliguan, iniinuman o pinaglalabahan ng mga residente, ngayon ay hindi na. Maging sa mga hayop gaya ng kalabaw ay delikado na itong ipainom.

Sampung ektarya ng palayan na ang natabunan ng putik mula sa pagguho ng lupa sa bundok sa loob lamang ng pitong buwang operasyon ng GGHI. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin nakapagpupunla ng palay ang mga magsasaka. Nagdulot din ang pagmimina ng pagkasira ng watershed, ayon sa STAG.

Bilang tugon sa pag-aalala ng mga mamamayan sa negatibong mga epekto ng pagmimina, iminungkahi ang lokal na pamahalaan na magbuo ng kanal sa perimetro ng minahan.

Bukirin na natabunan ng pagguho ng putik na dulot ng pagmimina

Pero ayon sa Sagip Masinloc, hindi ito solusyon. Sa karagatan pa rin umano tiyak na dadaloy ang nakalalasong basura mula sa minahan na tiyak na papatay sa mga isda at iba pang organismo na pinagmumulan ng kabuhayan ng mamamayan na Masinloc.

Presensiyang militar

Bukod dito, malakas ang presensiya ng militar sa mga lugar na saklaw ng minahan—banta umano ito sa karapatang pantao at kalayaang sibil ng mga mamamayan.

Binugbog kamakailan ng mga sundalo sa kanyang bukirin si Martin Ilago, isang magsasaka sa Brgy. Sta. Rita. Sa karatig-bayan naman ng Sta. Cruz, dinukot at tinortyur ang apat na sibilyan na kasalukuyang inaalipin sa kampong militar, ayon sa ulat ng mga residente.

Ayon kay Vic Delara, presidente ng STAG, inaasahan na niya na at ng kanilang grupo ang mga atake ng mga nagmamay-ari ng minahan, katuwang ng ilang awtoridad.

Hindi na sila malayang nakakaakyat sa mga kabundukan lalo na sa lugar na malalapit sa minahan dahil mahigpit umano ang pagbabantay ng pribadong mga security guard at sundalong militar.

Sinabi rin ni Nelson Mallari ng Central Luzon Aeta Association na lubos na apektado ang mga katutubo sa magkatambal na problemang pagmimina at militarisasyon.

Zambales: Mining capital

Mistulang mining capital ang Zambales. Noong panahon ng panunungkulan ni Governor Vic Magsaysay, malalaking minahan lamang ang namamayagpag. Pero sa ilalim ng kasalukuyang lokal na pamunuan ni Governor Amor Deloso, mas pinaigting ang kampanya para sa pagsusuporta hindi lamang sa malalaking minahan kundi maging sa small-scale mining o SSM.

Hinihikayat ng lokal na pamahalaan na mamuhunan kahit ang pangkaraniwang mamamayan, maging ang magsasaka, sa pamamagitan ng pagbebenta ng lupain nitong may potensiyal sa mina.

Kaiba sa malalaking minahan, walang malalaking makinarya at traktora ang mga operasyon ng SSM. Manu-mano ang operasyon. Kulang o kundi man ay walang safety measures para sa mga manggagawa na pulos kontraktuwal lamang. Ibinabase sa metro-kuwadrado na lalim at tinatamaang bato ang sistema ng pagbabayad sa manggagawa nito.

Kamakailan pumutok sa balita na ang ilang SSM ay pag-aari din ng mga ilang dambuhalang lokal at dayuhang mamumuhunan kabilang na si dating presidential spokesperson Mike Defensor.

Ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, mahigit kalahating milyong ektarya ng lupain sa Pilipinas na ang nakalaan ngayon para sa 200 proyekto ng dayuhang pagmimina.

“Sa kabuuan, mas maraming kabuhayan ang mapipinsala ng pagmimina kumpara sa lilikhain nitong kabuhayan para sa mga mamamayan. Ang maliliit na kilos-protesta na isinasagawa ng Sagip Masinloc ay panimula lamang patungo sa tuluy-tuloy na mas malawak at organisadong pagbabantay para sa mas matagumpay na pagkilos kontra sa pananamantala,” ayon sa STAG. (PinoyWeekly)

Leave a comment