Truth Crisis (How to Bury the Messenger)


At inilibing si Jun ng buhay.

=======================

Isang Pagtingin sa Nakapagtatakang “Krisis sa Bigas”

Totoong may banta ng krisis. Maraming sektor at institusyon na ang nagsabi ng mga dahilan. May mga nakabatay sa haka-haka, may mga naglatag ng siyentipikong paliwanag. Lahat sila iisa sa pagsasabing meron nga, totoo nga, merong krisis sa bigas sa bansa.

Pero dahil sa kaabalahan sa paglalahad ng mga punto, ng mga kapani-paniwalang punto, ang bawat komentarista o kritiko o may-alam o mga concern, kasama na ang mga komersyalisadong institusyong pangmidya, ay nagiging mabisang instrument ng pamahalaang ito para labusawin ang isyu hinggil sa karapatang-tao, katotohanan, kapayapaan at katarungan.

Totoong may banta ng krisis. Pero wala namang pakialam dito ang pamahalaan. Sa totoo nga lang eh, sila ang dahilan ng krisis. Di ba nga’t programa nila ang liberalisasyon ng agrikultura at pagmimina? Di ba nga’t pirma nila ang naging dahilan ng pagkakasadlak natin sa kulungan ng mga kapitalistang kung tawagin ay World Trade Organization(WTO), sa bisa ng General Agreement on Tariff and Trades (GATT)? Di ba nga’t sila ang nagpasa ng dispalinghadong Comprehensive Agrarian Reform Program at Law (CARP/CARL) na naging instrumento ng ilang hidhid na mga panginoong may-lupa, para mas lalo pang kontrolin ang mga lupang agrikultural sa bansa?

Di ba nga’t sila ang nagpapatupad ng malawakang kumbersyon sa lupang sakahan patungong lupang industriyal at komersyal? At ngayong naipwesto na nila ang lahat nilang subdibisyon ay saka sila mananawagan at mag-uutos ng moraturyom sa palit-gamit ng lupa? Di nga ba’t sila ang pumayag na ikalat dito sa atin ng International Rice Research Institute(IRRI) ang mga klase ng palay na isahan lang ang pakinabang, dahilan para unti-unting maubos ang lokal na klase ng palay sa atin? Di ba nga’t sila ang nagpapasok sa mga kemikal pang-agrikultural dito sa atin, ganundin ang mga pesteng katulad ng golden kuhol at janitor fish, na naging dahilan naman ng malawakang negatibong epekto sa sektor ng agrikultura?

Di ba?

Pero dahil ayaw nilang mapahiya at amining totoo ang mga pagbasa ng uring magsasaka at ibang progresibong sektor ng lipunan, pinatungan nila ang krisis sa produksyon ng palay ng ilang mga panandaliang lunas. Mga panandaliang lunas, na hindi maiiwasang maging tahanan ng komisyon(korapsyon), tulad ng maramihang importasyon ng bigas. Ilang taon ding napagaan (naitago) ng mga lunas na ito ang suliranin natin sa suplay ng bigas.

Hanggang ngayon.

Ngayong tatlo sa bawat limang Pinoy ang naniniwala sa mga ipinahayag ni Jun Lozada hinggil sa walang habas at malawakang pangungurakot sa bansa. Ngayong Umiinit na ang panawagan ng bawat sektor laban sa nakaupong pamahalaan. Ngayong napakababa ng pangkalahatang gradong tinanggap ng pamunuan mula sa kanyang mamamayan.

Ngayon ang pinakamagandang tyempo para paputukin ang isang krisis na yayanig sa lahat.

Isang krisis na pagpipistahan ng midya, ng mga komentarista, ng mga kritiko. Isang krisis na epektibong tatakip sa krisis na hinaharap ng pamahalaang ito: krisis sa katotohanan, at katarungan.

At ngayong bahagya nang nawala sa mga frontpage ang krusada ni Jun Lozada, may maaasahan ba tayong lunas sa “krisis” mula sa pamahalaang siya rin lang gumawa nito? Anong klaseng lunas ba ang aasahan natin sa pamahalaang nais lang habulin ang hoarder ng bigas sa bansa, at hindi ang mga big time na smuggler nito?

Ah. Oo nga pala. Kamote.

Leave a comment