Sorry


Sorry.

At nagsalita na ang simbahan.

Sa pangunguna ng CBCP, humingi ng paumanhin ang simbahang katoliko sa milyon nitong mga laiko,mga kleriko at relihiyoso, at sa mga hindi kasaping naniniwala sa kabutihan ng relihiyong ginagabayan ni Kristo at ng Amang Diyos.

Pero linawin natin ang lahat. Bakit nag-sorry ang CBCP? At gaano kalaki ang halaga ng paghingi ng paumanhing ito ng CBCP sa mata ng mga mananampalataya?

1.Ang pangunahing objective ng ‘sorry’ ng CBCP ay apulahin ang apoy ng pagkalitong maaaring kumalat sa hanay ng mga mananampalataya, sanhi ng mga kaganapang kinasasangkutan ng ilang iginagalang na Obispo at Kaparian.

2.Ang ‘sorry’ ng CBCP ay isang statement na nagsasabing hindi naman aksyon ng buong Simbahan ang mga wala sa tonong aksyon ng iilan lang sa hanay ng mga kleriko.

3.Isa rin itong simpleng pahayag na nagsasabing sa isang banda’y may pagkukulang din ang CBCP lalo na’t ilan sa kanilang hanay ang may direktang partisipasyon sa isyung komukonsumo ngayon sa atensyon ng buong sambayanan.

4.Ang ‘sorry’ ng CBCP ay hindi lang isang simpleng paghingi ng paumanhin. Kinalakipan din ito ng matibay na paninindigang panghawakan ang mga turo at aral ni Kristo, at ng Social Doctrine, sa pamamagitan ng paglalahad sa publiko na ang susunod na pangulo ng CBCP ay isang environmentalist at human rights advocate na si Archbishop Jose Palma, at ang pangalawang tagapangulo ay si Retired Archbishop Socrates Villegas. Ito, para sa akin, ay sapat nang paraan ng pagtutuwid sa mga pagkukulang ngayon ng CBCP, sa kanilang hanay, at sa buong simbahan.

5.Ang ‘sorry’ ng CBCP ay ‘sorry’ ng simbahan. Isa itong imbitasyon ng pagkakaisa ng buong simbahan (read: laiko at kleriko), para masikhay na itayo ang kaharian ni Kristo dito sa lupa, ngayon mismo.

Sa limang puntong ito, tumpak sabihing napakalaki ng halaga ng pag-sorry ng CBCP. Nagpakumbaba ang pastol sa kanyang mga tupa. At tama lang naman ito. Dahil katulad ng pangangailangan ng mga tupang magkapastol ang pangangailangan ng pastol na magkatupa. Ang esensya ng kaganapan ng isa ay matatagpuan nila sa bawat isa. Kung wala ang isa sa kanila, tiyak na wala naman ang isa.

Pero kung pagbabatayan ang pananaw ng mga Pilipino sa katarungan, ang pag-sorry ng CBCP ay purong aksyon lamang na nakatuon sa sarili nitong self-preservation. At tama lamang ito. Pero may hinahanap pa ang mga Pilipino, ang kaganapan ng katarungan at paumanhin, ang kaparusahan.

Para sa atin, hindi ganap ang katarungan kung walang karampatang kaparusahang maigagawad sa nagkasala. At dahil minimal ang kasalanan dito ng simbahan, madali lang tanggapin ang sorry nila.

Pero ibang usapin na kung mapapatawad ba agad ang mga klerikong na-imbwelto, lalo na si Bishop Juan de Dios Pueblos. Sa mata kasi ng publiko, hindi lang simpleng niregaluhan ang nabanggit na Obispo ng mamahaling sasakyan. Siya pa ang humingi ng ‘regalo’ sa taong lubhang nagpalugmok sa taumbayan sa kahirapan.

Kaya kung isasalarawan natin sa isang away ng mga tambay ang mga kaganapang kinasangkutan ni Bishop Juan de Dios Pueblos, ganito ang maaaring daloy ng usapan:

Tambay
1: (kay Pueblos) Letse. Napagtripan mo ko! Grr. Kita mo nang may tao dito, dumura ka pa! ha?

Tambay
2: (sa Tambay 1) Tol. Tol. Tol. Awat na. Sorry na. Di naman sinasadya ng kasama ko.

(Sa paulit-ulit na palitan ng dayalog ng dalawa, tahimik lang sa tabi ang inirereklamo)

Well, pagsasalarawan lang yan mga kaibigan. Dahil kung talagang naganap ito sa kalye, wala nang mangyayaring usapan, tiyak na bugbog sarado na agad ang nandura at damay ang kaibigan niyang humihingi ng paumanhin.

Na siyang magbibitbit sa atin pabalik sa ating punto. Hindi kayang maisalba ng ‘sorry’ ng CBCP ang mga klerikong nadawit sa kalokohang ito, pati na rin ang mga kaparehong kalokohang nagaganap sa mga diocese at parokya. Bagamat may pahaging ito ng pangungumbinsi na isabay na ang ilan nilang kasama sa mga mapapatawad.

Ito, sa tingin ko, ang pinakamababang sagad, sa ‘sorry’ ng CBCP. Pero di ko na ito papatulan. Sabihin na lang natin na ito’y isang porma ng “kung makakalusot lang” na paraan. Pero hindi ibig sabihing hindi seryoso ang CBCP sa kanilang pangkalahatang paghingi ng paumanhin.

Sa pagkakataong ito, na nakapagsalita na ang simbahan, oras naman nilang akuin ang responsibilidad at panagutan ang kanilang mga pagkakamali. Kumbaga, naihiwalay lang ng ‘sorry’ ng CBCP ang puti sa de-kolor. Saved na ang puti. Humanda naman ang de-kolor.

Dahil sa pagkakataong ito, katulad ng hinangad natin kay Gloria, hindi sapat ang ‘sorry’ lang.

(Pahabol na punto: ang korapsyon sa simbahan ay di lang solong responsibilidad at pananagutan ng mga kleriko at relihiyoso. Dahil may mga laiko ring involved sa korapsyon – sa loob at labas ng simbahan – marapat ding marinig natin ang kanilang sorry, at makitang panagutan nila ang kanilang mga kasalanan sa Diyos at sa taumbayan.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: