Sanhi’t lunas sa katiwalian


Jeffrey Ocampo

Sayaw kontra sa katiwalian

Sayaw nina Lito Kamahalan at Marili Ilagan ng Tag-ani Performing Arts Society na sumisimbolo ng panata laban sa kultura ng korupsiyon ng mga nagsipaglahok sa kumperensiyang CenPEG. (Photo Courtesy of CenPEG)

HINDI na nga marahil kalabisan na sabihing talamak ang katiwalian sa pamahalaan. Sa mga pag-aaral, lumalabas na ang pamahalaang Arroyo ang pinakatiwali sa Silangang Asya at isa sa pinakatiwali sa buong mundo. Kabi-kabila ang pagsisiwalat ng iba’t ibang indibiduwal at puwersa ng oposisyon ng mga kaso ng katiwalian ng pamahalaan. Laman din ng balita sa telebisyon, radyo at mga pahayagan ang mga pagbubunyag na ito.

Kaya hindi nakapagtataka na kung saan mang dako o sulok mayroong Pilipino, mayroong huntahan hinggil sa katiwalian sa pamahalaan. Andiyan nang pinag-uusapan ang fertilizer scam sa sabungan; Cyber Education Project bago, habang at pagkatapos ng klase; North Rail Rehabilitation Project sa inuman ng mga negosyante; ang National Broadband Deal sa lingguhang tipunan ng mga migrante sa Hong Kong.

Sa National Study Conference on Corruptionary: An Innovative Cultural Tool for Good Governance na ginanap noon lamang Disyembre 2008, inugat ang sanhi ng katiwalian, sinuri ang sistema kung saan ito namumugad, at ang mungkahing mga programa na maaaring magwakas sa kalakarang ito.

Proyekto ng Center for People’s Empowerment in Governance (CenPeg), sa pakikipagtulungan sa National Commmission for Culture and the Arts, tagumpay itong nailunsad at nakapagbalangkas ng mga hakbang para malutas ang problema ng katiwalian sa bansa. Kabilang sa mga tagapagsalita si dating Bise Presidente Teofisto Guingona Jr., sina Prop. Alice Guillermo at Prop. Roland Tolentino, si Jun Lozada at marami pang iba mula sa iba’t ibang makabayang mga organisasyon, mga grupo at miyembro ng simbahang Katoliko.

Kultura ng katiwalian’

Tila bahagi na ng panlipunang kalakaran ang katiwalian.

Ayon kay Temario Rivera ng CenPeg, ang katiwalian sa bansa ay isa nang suliranin na maiuugat sa mismong sistema at istruktura ng pamahalaan at “mauunawaan lamang at matutugunan kung titingnan sa konteksto ng panlipunan, pang-ekonomiko at pulitikal na mga kalakaran at institusyon na nagsusustina nito.” Ibig sabihin, sa mismong uri ng panlipunang kaayusan – noon at hanggang ngayon – namumugad at umaalagwa ang katiwalian.

Itinukoy naman ni Prop. Guillermo ang kalakarang ito bilang “burukrata kapitalismo” o ang “paggamit ng katayuan sa pamahalaan para sa ilegal na pagkamal ng salapi at masiguro ang pananatili sa kapangyarihan.” Aniya, itinuturing na pagpapatakbo ng isang korporasyon ang pagpapalakad sa pamahalaan na ang pangunahing layunin ay ang “personal na ganansiya.”

Ang mas nakapangngangalit umano ay habang walang patumangga sa paggastos ang pamahalaan at “pangungulimbat” ang mga opisyal nito, wala namang inilalaan para sa batayang mga pangangailangan ng mga mamamayan tulad ng pagkain, damit at tahanan at mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan.

Pinakatiwali sa lahat ng tiwali?

Sa pag-aaral ng kilalang mga institusyon, lumalabas na malala ang rekord ng administrasyon ng pangulo sa katiwalian. Ayon sa United Nations Development Program o UNDP noong 2004, umabot sa P100 Bilyon mula sa pambansang badyet para sa unang taon ng pangulo sa puwesto ang nauwi sa bulsa ng matataas na opisyal ng pamahalaan. Batay naman sa pag-aaral ng Tranparency International na nakabase sa London, Great Britain, isa ang Pilipinas sa may pinakatiwaling pamahalaan sa rehiyon ng Asya-Pasipiko samantalang ayon sa World Bank, ito ang may pinakatiwali sa Silangang Asya.

Sa sarbey ng Pulse Asia noong Disyembre 2008, lumabas na si Pang. Arroyo ang pinakatiwali sa naging mga pangulo ng bansa. Binanggit ni Prop. Tolentino na mas masahol pa si Arroyo kay Marcos at Joseph Estrada na pawang napatalsik dahil sa popular na pag-aalsa ng mamamayan na may kaugnayan sa mga kaso ng katiwalian.

Gayundin, mismong ang Office of the Ombudsman ay nagsasabing halos P200-B ang nawawala sa kaban ng bayan taun-taon dahil sa katiwalian.

Laman ng mga reklamong impeachment laban sa pangulo ang mga kaso ng katiwalian na direkta umano siyang sangkot. Nakahanay sa kategoryang graft and corruption at betrayal of public trust, ilan sa mga kaso ng katiwalian na nakasaad sa mga reklamong impeachment ang maanomalyang mga transaksiyon ng pamahalaan sa kompanyang Tsino na Zhong Xing Telecommunications Equipment Corporation (ZTE Corp.) gaya ng National Broadband Network deal (NBN) at Mt. Diwalwal Project. May malaki umanong kickback mula sa overpricing ang napasakamay ng Unang Pamilya at iba pang malalapit na mga opisyal sa pangulo dahil sa mga proyektong ito. Para sa NBN deal, $130 Milyon umano ang pinaghatian ng Unang Ginoo, dating tagapangulo ng Commision on Elections na si Benjamin Abalos at iba pang kaalyado ng pangulo. Samantala, ang $1-B naman mula sa mining deal sa Diwalwal ay ibibigay umano sa iba pang kaalyado ng pangulo na di naambuan ng pera mula sa naunang nabanggit na proyekto.

Niyanig ang administrasyong Arroyo ng kabi-kabilang pagkakabunyag ng mga kaso ng katiwalian. Isa na dito ang pagsisiwalat nina Jose de Venecia III at Lozada dahil sa NBN-ZTE deal.

Nito namang nakaraang Disyembre, sumalang ang dating undersecretary ng Kagawaran ng Agrikultura na si Jocelyn “Joc Joc” Bolante sa pagdinig sa Senado dahil sa P728-M fertilizer scam.

Samantala, nakikita ng mga kritiko ng pangulo na ang maniobra sa Mababang Kapulungan para mailusot ang panukalang pagbabago sa Saligang Batas o charter change ay isang hakbangin upang pahabain ang termino ng pangulo. Sa ganitong paraan, maililigtas niya ang kanyang sarili sa mga kasong magkukulong sa kanya sa bilanguan sa oras na wala na siya sa kapangyarihan.

May magagawa pa ba?

Ayon sa statement ng nasabing kumperensiya: “Sumasahol ang katiwalian hindi lamang dahil sa kawalan ng sistema ng transparency at accountability para sa mga tiwali ngunit sa dahilan ding ang pangunahing mga institusyon na dapat tupdin ang kanilang tungkuling maging mapagbantay (gaya ng Kongreso at mga saray ng Hudikatura) ay nabigo o naging tiwali na rin.”

Gayundin, ayon kay Rivera, ang mahabang kasaysayan ng dominasyon ng mga “elite” sa “pang-ekomikong istruktura” at “pulitikal na institusyon” ay nagbigay-daan upang maligtas ang mga ito sa kanilang mga pananagutan gaano man kalaki o kabigat ang mga kasong kinasangkutan nila.

Marami ding nagsasabi na bagamat may mga batas para sugpuin ang katiwalian gaya ng Republic Act (RA) 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Law at RA 7080 o Anti-Plunder Law, hindi mapagpasyang naipatutupad ang mga ito at nagagamit laban sa mga tiwaling opisyal sa “iba’t ibang kadahilanan.”

Ayon pa rin na nasabing pahayag: “Sa napakahabang panahon, binaluktot ng katiwalian ng ating moral at nakapaglikha ng isang subculture na nagawang malaganap at katanggap-tangap ang katiwalian.”

Bagamat ganito na kasahol ang kalagayan, hindi pa huli ang lahat. Ayon kay Guingona: “Kailangan natin ng pagbabago, isang pagbabago para sa nakabubuti. Kailangan nating magkaroon ng mabubuti at matatapat na mga mamamayan at tagapamuno.”

Anila, ang katiwalian ay isang “panlipunan at pulitikal na kanser” na kailangan sugpuin sa kagyat ng mga mamamayan.

Tungkulin ng bawat sektor

Para naman kay Prop. Bobby Tuazon, Director for Policy ng CenPeg, kailangan ng “kultura ng pagtugon at pakikisangkot” upang tapatan, tungaliin at wakasan ang kultura ng katiwalian.

Dagdag pa, bawat “susing sektor” ng lipunan ay may kani-kaniyang tungkulin sa paglutas sa problema ng katiwalian.

Ang sektor ng edukasyon umano ay kailangang maging institusyong sinusuportahan ng pamahalaan para sa pag-unlad na kabataan at muling pagpapatibay ng patriyotismo. Samantala, ang sektor ng midya ay may malaki umanong tungkulin sa “pagbubunyag ng katotohanan, pag-iimbestiga sa mga kaso ng katiwalian at iba pang iregularidad sa pamahalaan at pagpapalaganap ng konsepto ng makabayang pamamahala.”

Ang kultural na sektor naman ay dapat magpatimo sa taumbayan ng “pangkulturang kamalayan sa laban sa katiwalian.”

Maging ang mga malalaking negosyante at mga abogado ay may magagawa rin.

Sa pamamagitan ng pananawagan para sa mabuting pamamahala at “pagtatakwil sa katiwalian bilang pamamaraan para magkamal ng kita” makakatulong ang malalaking negosyante. Hinikayat din ng pahayag na gamitin ang kanilang negosyo para sa “tunay na paglago ng ekonomiya at sa kagalingan ng taumbayan.”

Ang mga abogado, sa kabilang banda, ay makakatulong sa “pagpapatibay ng rule of law habang isinusulong ang panlipunan, pang-ekonomya, kultural at demokratikong mga karapatan ng mga tao na magtitiyak ng isang pantay at makatarungang lipunan.”

Pinakahuli, anila, ay ang tungkuling gagampanan ng makabayang mga organisasyon at ng buong sambayanan sa “pag-uugnay ng kampanya laban sa katiwalian sa pagtatayo ng mahusay na pamahalaan” kung saan taumbayan ang laging inaalala sa paggawa at pagpapatupad ng mga batas at polisiya.

Sa ganitong paraan umano maaaring tugunan ng mga mamamayan ang problema sa katiwalian sa bansa. Kailangan din umano, higit sa lahat, ng kolektibo, malawakan at mapagpasyang mga pagkilos laban dito.

Ngunit sa huli, dahil sa mismong sistema nabubuhay ang katiwalian, maaaring sabihin na kailangang na ngang palitan ang buong istruktura nito. Pagpapalalim ni Propesor Guillermo, naabot na ng katiwalian sa bansa ang “isang kritikal na yugto” na sa kasalukuyan ay kailangan na ng “panlipunang pagbabago” upang lunasan ito.

At mismong taumbayan ang magsasakatuparan nito.(PinoyWeekly)

One Response to “Sanhi’t lunas sa katiwalian”

  1. ella Says:

    tama!!!😦

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: