Kalbaryo ng obrero sa Calabarzon at iba pang tala ng tanggalan


Jeffrey Ocampo

"Timaura," Antipas Delotavo, 1991

Manggagawang Pilipino: lalong nasasadlak sa kahirapan
dahil sa dependensiya ng ekonomiya ng bansa sa ekonomiya
ng US (“Timaura,” likhang sining ni Antipas Delotavo, 1991)

UMAGA ng Enero 5, inatasang mag-ulat ang manggagawang si Miriam Loyola, 25, sa human resources department ng Gemphil Technologies, isang semiconductor company sa Laguna Technopark Incorporated (LTI) sa Biñan.

Ito na ang ikatlong pagawaan na kanyang pinasukan. Matapos ang kanyang tig-limang buwan na kontrata sa SPI Corporation at Unilane Electronics, pumasok siya sa Gemphil noong Enero 2007. Sa loob ng dalawang taon, hindi naging regular si Miriam bagamat aniya, nitong nakaraan ay pinangakuan siya ng manedsment na gagawin siyang regular. Disyembre ng nakaraang taon, maraming manggagawa ng GemPhil ang pinapirma ng clearance at pinakuha ng kanilang huling sahod at 13th month pay. Kaya nangamba si Miriam sa maaaring dahilan kung bakit siya pinag-ulat.

Pagdating sa pabrika, sinabi sa kanya ng assembly line leader ng kanilang departamento na siya ay kasama sa sinisante na mga manggagawa.

Kuwento ni Miriam, napaluha na lamang siya sa binalita sa kanya.

Isa lamang si Miriam sa libu-libong manggagawa na natanggal sa trabaho mula noong huling kuwarto ng 2008 hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na si Marianito Roque, bunsod ito ng tumintinding resesyon sa Estados Unidos at iba pang mga bansa. Aniya, kung magpapatuloy ang ganitong kalagayan, aabot sa 200,000 ang mawawalan ng hanapbuhay sa loob lamang ng unang hati ng taon.

Nakababahalang daan-daang katao ang natatanggal sa trabaho kada araw habang walang tiyak na patutunguhan ang mga ito. Maging ang pamahalaan ay wala pang malinaw at kongkretong hakbang upang sila’y tulungan. Sa ganitong kalagayan, ang kabuuang 2.7 milyong Pilipino na walang hanapbuhay sa bansa noong 2008 ayon sa Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES) ay madadagdagan pa ng signipikanteng bilang.

Malawakang tanggalan sa Calabarzon

Sa kasalukuyan, mayroon nang 18,641 na tuluyan nang natanggal sa trabaho ayon sa DOLE. Samantala, umabot naman sa 33,568 na manggagawa ang binawasan ng oras at araw ng paggawa bilang iskema ng iba’t ibang kompanya sa “pagtitipid ng gastos sa  operasyon.”

Sa lahat halos ng rehiyon sa bansa nagaganap ang malawakang tanggalan ng mga manggagawa. Sa mga ulat, ang mga rehiyon ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan ang may pinakamalalaking kaso ng tanggalan. Samantala, marami ring natanggal at matatanggal pa sa trabaho sa Baguio, Cebu, at Davao.

Malaking bahagdan ng  bilang nito ay nanggaling sa export processing zones (EPZs) ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batanggas, Rizal at Quezon). Nasa industrial belt na ito ang mga planta at pagawaan ng iba’t ibang industriya partikular ang garments, semiconductor at electronics. Marami ring car at automotive manufacturing na kompanya sa rehiyong ito, laluna sa Laguna. Paliwanag ng manedsment ng mga kompanya, bumaba ang pandaigdigang demand sa kanilang produkto kaya kailangang babaan din ang production volume.

Ito umano ang lohika kung bakit kailangan ding magbawas ng mga manggagawa.

Ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), natural na tatamaan ang mga EPZ  dahil sa “inaasahang pagbaba ng pandaigdigang konsumo” sa mga produkto na linilikha sa mga ito. At dahil export-oriented umano ang bansa, apektado nito ang buong daloy ng lokal na ekonomiya.

Paliwanag naman ni Emilia Dapulang, presidente ng unyon sa NXP Semiconductors Incorporated, bihira ang nakakapagbuo ng unyon sa mga EPZ kaya mas madali para sa mga kompanya na magpatupad ng tanggalan at iba pang polisiya na tatama sa karapatan ng mga manggagawa.

Sa taya ng Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU), aabot ng 40,000 ang matatanggal sa trabaho sa mga EPZ at iba pang pagawaan sa Calabarzon sa loob lamang ng anim na buwan.

Nagpahayag na ang Intel Corporation, isang chip testing plant sa Trece Martirez, Cavite, noong kalagitnaan ng Enero na sila ay magsasara na ng pabrika. Ayon sa kanilang pahayag, “wala talagang demand [sa produkto].” Kaugnay ng napipintong pagsasara, mayroon umanong ipagkakaloob na severance package sa 1,800 na manggagawang mawawalan ng hanapbuhay.

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagsasara ng Intel ay siyang hudyat ng tuluy-tuloy pang pagsuong ng bansa sa pandaigdigang krisis pampinansiya. Dagdag ng Eiler, ang ordinaryong mga manggagawa – sa porma ng sahod at kalagayan sa paggawa – ang  bubuno sa pinakamalulupit na hagupit ng krisis na  ito.

Kaugnay nito, sunud-sunod na ang mga kaso ng tanggalan ng mga manggagawa sa Calabarzon ang naganap. Ayon sa ulat ng mga manggagawa sa Pamantik, tinanggal sa Amkor Technology Incorporated, isang electronics company sa LTI, ang 3,000 na kontraktuwal na mga manggagawa nito noon pang Setyembre. Sunod nitong sisisante ang 2,000 na regular na mga manggagawa.

Samantala, umabot din ng 3,000 ang tinanggal na kontraktual na mga manggagawa sa Integrated Microelectronics Incorporated (IMI) sa LTI. Sa EDS Manufacturing Incorporated (EMI)-Yasaki sa Imus Cavite, 1,500 ang tinanggal sa trabaho. Sa Laguna Dai-Ichi, ang 77 bilang ng tinanggal ay madadagdagan ngayong Pebrero.

Bukod sa mga nabanggit, talamak din ang tanggalan sa Daeyoung at American Power Conversion sa Cavite EPZ at Zirtex, Sanyo Plastic Philippines at Testech sa LTI. May power plants at pagawaan din sa Quezon at Batangas ang magtatanggal ng mga manggagawa.

Iba pang iskema

Liban sa tuwirang pagtatanggal sa mga manggagawa, may iba pang mga iskema ang ginagamit ng manedsment ng mga kompanya upang “makaagapay” sa pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at “maiwasan ang pagkalugi.” Kabilang dito ay ang forced leave, reduced at compressed working days at pagbabago sa shifts ng mga manggagawa. Mayroon ding inaalok ng separation pay sa ilang kompanya upang tuluyang nang magbitiw ang mga manggagawa.

Ang lahat ng ito, sa mismong pagsusuri ng mga manggagawa, ay hakbang lamang upang tuluyan silang masisante.

Isa sa mga nagpatupad ng forced leave ay ang IMI. Umabot sa 1,000 na regular na empleyado nito ang sapilitang pinatigil sa pagtatrabaho. Ganito rin ang nangyari sa mga manggagawa at empleyado sa Achi-Wool Industrial Plant Technology sa Rosario, Cavite.

Ipinapatupad naman sa car at automotive manufacturing na mga kompanya ang pagbabawas ng oras at araw ng paggawa. Sa Toyota Motors Philippines, ipinatupad ang “Monday-no-production day.” Samantala, sa EMI-Yasaki, 3 araw na lamang magtratrabaho ang mga manggawa sa loob ng isang linggo, ayon sa mga ulat.

Bawat oras at araw na ibabawas sa panahon ng pagtratrabaho ng mga mangggawa ay ibabawas din sa sahod ng mga ito. Ibig sabihin, kapag wala silang trabaho ay wala ring silang kikitain. Marami pang ibang kompanya ang magpapatupad ng tatlo hanggang apat na araw na lamang ng paggawa.

Sa NXP na nasa LTI din, inaalok ang mga manggagawa ng MSDP o management-decided separation pay upang manghikayat ng kusang pag-alis ng mga manggagawa.

Kalagayan ng mga natanggal sa trabaho

Lubhang napakahirap ng buhay ngayon ng mga natanggal sa trabaho. Si Miriam, na dating nakakapagpadala pa sa kanyang magulang sa Surigao, ay nakikitira na lamang ngayon. Dahil sa kakarampot ring kita noong nagtratrabaho pa sa GemPhil, hindi na niya nagawang makapag-ipon. Sa kasalukuyan, suliranin niya ang pang-araw araw na pangangailangan gaya ng pagkain at pamasahe. Liban dito, mabigat din para sa kanya ang paggastos para sa pagsusulit sa mga hiring agency upang makahanap muli ng trabaho.

Ang mag-asawa namang Levi at Christine Pasignahin ay kapwa natanggal sa trabaho. Ayon kay Levi, umaga ng Disyembre 15, hinarang ang mga manggagawa sa Laguna Dai-Ichi, isang plastic molding company sa LTI, ng mga guwardiya at sinabi na kailangan nilang mag-ulat sa kanilang hiring agency. Pag dating sa Topserve Manpower Supplier, sinabi sa mga manggagawa na natapos na ang kontarata nila sa Laguna Dai-Ichi kaya wala na silang trabaho. Ang kanya namang asawa ay natanggal sa pagawaan ng Ogino Philippines Corporation.

Hirap ngayon ang mag-asawa sa pang-araw-araw na gastos at sa buwanang renta sa inuupahang tirahan. Problema din nila ang gatas ng kanilang maliit na anak.

Ang kanyang kasamahang natanggal na si Blesildo Rosario ay hirap din sa paghahanap ng bagong trabaho. Umabot siya ng 12 na taon sa Laguna Dai-Ichi kaya ngayon ay overaged na siyang tinuturing sa mga kompanyang inaasam niyang pasukan. Aniya, tinutulungan na lamang niya pansamantala ang kanyang asawa sa sideline nito na pagtitinda ng saging at itlog upang maitaguyod ang kanilang dalawang anak.

Lunas?

Malalim na suliranin ang kawalan ng trabaho sa bansa sa gitna ng pandaigdigang krisis pampinansiya. Sa kasalukuyan, 36 milyon ang lakas paggawa ng bansa. Ngunit ayon mismo sa DOLE, katlong bahagi nito ay unemployed o kaya’y underemployed. Iba sa datos ng BLES, ginigiit pa ng Ibon Foundation na umabot ang bilang ng walang trabaho sa 10.7 milyon noong nakaraang taon.

Ang laksa-laksang matatanggal sa trabaho, dadagdag pa sa bilang na ito.

Marami nang mungkahi ang pamahalaan at iba’t ibang mga grupo upang lunasan ang kasalukuyang suliranin ng mga manggagawa. Ayon sa pamahalaan, maaaring bigyan ng livelihood program, skills training at job seminars ang natanggal na mga manggagawa upang makapagsimula ng negosyo. Ngunit ayon kay Dapulang, dadaan pa sa proseso ang pagpapalago nito habang kailangang ibsan sa kagyat ang hirap ng mga natanggal sa trabaho.

Sinasabi rin na maaaring mangibang bayan ang mga manggagawa. Ngunit tanong ng marami, paano ito ngayong marami nang overseas Filipino workers ang nagbalik na sa bansa dahil na rin sa mismong tanggalan sa ibayong dagat.

Para naman sa Makati Business Club, maaaring gawing option ang pagbabawas ng sahod ng mga manggagawa upang maiwasan ang tanggalan. Subalit inaasahang lalong isasadlak lamang ng hakbang na ito ang aba nang kalagayan ng mga manggagawa. Ang kasalukuyang sahod pa lamang ng mga manggagawa ay wala pa sa kalahati ng cost of living ng kani-kanilang rehiyon.

Sa kasalukuyan, ang family living wage sa Calabarzon ay umaabot na sa P809 para sa pamilyang may anim na miyembro. Ang ipinapatupad namang minimum wage sa rehiyong ito ng Regional Tripartite Wages and Productivity ng DOLE ay P236 hanggang P320 lamang. Halimbawa, ang sinasahod ni Miriam noong nagtatrabaho pa siya sa GemPhil bilang kontraktuwal na manggagawa ay P298 lamang. Ang mga regular, P15 lamang ang lamang sa mga kontraktuwal, ayon kay Monalisa Larion, manggagawa rin ng Gemphil.

Ayon naman sa mismong mga manggagawa gaya nina Miriam, Levi at Blesildo, kailangang ilaan ang napapabalitang stimulus package na nagkakahalaga ng P330 Bilyon para sa dapat paglaan nito: ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho at iba pang naghihirap na mga mamamayan bunsod ng krisis pampinansiya. Maaari umano itong gawin sa porma ng subsidyo sa pang-araw araw na pangangailangan ng mga manggagawa.

Ayon naman sa KMU, kagyat at kongkretong solusyon ang pagtataas ng sahod at pagbabawas sa buwis ng mga manggagawa na sa kasalukuyan ay umaabot sa 19 hanggang 30 porsiyento.

Pahayag naman ng Eiler, matagal nang kailangang pagtuunan ng pamahalaan ang pambansang industriyalisasyon na magtitiyak ng maramihang paglikha ng hanapbuhay sa mga manggagawa at magbubunsod ng tunay na pag-unlad sa sambayanang Pilipino.
(PinoyWeekly)


One Response to “Kalbaryo ng obrero sa Calabarzon at iba pang tala ng tanggalan”

  1. geove Says:

    “alam mo mga sideline ng ibang pinoy? sumali sa mga online
    contest tulad nito.(www.antonovstars.com) hehe.. I tried joining
    contests din before but I dont have time now.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: