Sampung yumanig sa 2008


PW Editorial Staff

Pinoy Weekly top 10 stories of 2008


MAKAILANG-BESES nagbago ang klima ng pulitika sa bansa noong taong 2008.

Sa pagsisimula ng taon, laluna noong Pebrero, muling humagupit ang malalakas na mga protesta laban sa administrasyong Arroyo bunsod ng mga imbestigasyon sa NBN-ZTE. Tulad ng inaasahan na tuwing unang kuwarto ng taon (ano ang nasa unang kuwarto at palaging natataon dito ang malalaking kilos-protesta?), bumuhos ang mga tao sa kalsada para irehistro ang kanilang disgusto sa panunungkulan ng nakaupong pangulo.

Pero mahusay maghanda sa panahon ng bagyo ang administrasyon. Muling napahupa nito ang sigwa — kapwa dahil sa hina pa rin ng tradisyunal na oposisyon at kilusang masa, at ng tusong pagmamaniobra ng nasa puwesto para makaiwas sa pananagutan sa taumbayan.

At nang makabawi ang administrasyon, muling bumigwas ito sa mga kalaban: sa mga oposisyon sa Senado at Kamara, at sa progresibong mga organisasyon. Nagpatuloy ang pamamaslang, pagdukot, panunupil at pagkaso sa militanteng mga lider.

Kalagitnaan ng taon, dumating ang balitang inakalang mabuti ng taumbayang Moro. Ito ang pagbuo ng kasunduang gagarantiya dapat sa kanila ng karapatang magpasya sa sariling lupain. Pero lumabas na bahagi lamang ito ng maniobra ng administrasyon. Lalo lamang nasadlak sa ligalig ang Mindanao.

Krisis naman — krisis sa pagkain at mga bilihin, sa presyo ng langis, sa pandaigdigang pinansiya — ang bumayo sa pangalawang bahagi ng taon. Hindi lang nagkataon na sa taong 2008 naganap ang mga ito. Sabi nga ng progresibong mga ekonomista, resulta lamang ito ng deka-dekadang pagpapatupad ng neoliberal na ekonomiya na nakatuon sa interes ng kakarampot na kapitalista.

Krisis, digmaan, korupsiyon, karalitaan at panunupil: Masalimuot ang kalagayan ng bansa at mundo sa nagdaang 2008. Pero sabi nga ng isang pantas,”rehearsal” o ensayo lamang ang nakaraang mga kaganapan sa inaasahang lalo pang malalaking kaganapan sa taong 2009.

10. Pamunuan ng dalawang Kongreso, binalasa

Sukob sa taong 2008, napalitan ng pamunuan ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso. Tulad ng inaasahan, mga kaalyado ng Malakanyang ang ang pumalit sa kanilang puwesto.

Unang pinalitan noong Pebrero 4 si Espiker Jose de Venecia Jr, kilalang alyado ni Pangulong Arroyo. Nagsimula ang paghihiwalay ng landas ng dalawa nang ibunyag ni Joey de Venecia, anak ni JDV, ang overpricing na $200 Milyon sa national broadband network (NBN) deal.

Co-owner ng Amsterdam Holdings Inc. (AHI) si batang de Venecia na aniya’y naisantabi sa bidding dahil sa pagmamaniobra ni Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo para mapunta ang kontrata sa kompanyang Tsino na ZTE Corporation.

Matapos ang paghihiwalay na ito, ibinunyag na rin ni JDV ang malawakang dayaan ng eleksiyon noong 2004, ang mga iregularidad sa pagbebenta sa Transco pabor sa malalapit sa mga Arroyo, ang maanomalyang paggamit sa road users’ tax at iba pang korupsiyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Nagbitiw naman sa pagiging Pangulo ng Mataas na Kapulungan si Senador Manuel Villar noong Nobyembre 17. Ayon sa kanyang pahayag, ginawa niya iyon matapos mapag-alaman na wala na ang suporta ng mayorya ng mga kasama sa Senado. Kagyat na nag-eleksiyon ang kapulungan matapos ang kudeta kay Villar. Sa botong 14-0 at anim na abstention, pumalit sa kanya si Sen. Juan Ponce Enrile. Matatandaan na si Enrile ang arkitekto ng Batas Militar. Kilala rin siyang pabor sa isinusulong na Charter Change ng administrasyon.

Bago ang pagbibitiw, uminit si Villar sa kontrobersiya hinggil sa C-5 kung saan nagkaroon diumano ng “double insertion” sa badyet. Naniniwala si Sen. Allan Peter Cayetano na mayor na dahilan sa kudeta kay Villar ang eleksiyon sa 2010 kung saan mayroon ding ambisyon sa pagkapangulo ang iba pang senador na sina Lacson, Legarda, Roxas at Gordon.

Soliman A. Santos

9. Ang ikaapat na tangkang impeachment at ang Charter Change

Ayon sa mga kritiko ng administrasyong Arroyo, ang magkasunod na pagbabasura ng reklamong impeachment at pagsasalang sa Kamara ng panukalang Charter Change ay magkaugnay na usapin. Anila, minadali ang una upang bigyang daan ang huli. Paano nga ba’ y ang isa ay may kinalaman sa pagpapatalsik sa puwesto sa pangulo habang ang isa naman ay may layon umanong pahabain ang termino nito.

Apat na magkakasunod na taon tinangka ng mga puwersa ng oposisyon na patalsikin ang pangulo gamit ang proseso ng impeachment. Sa pinakahuling reklamo na pinasa sa tanggapan ng House Secretary General noong Oktubre 13, tiwala ang mga nagpasa at nag-endorso ng reklamo na sina Joey de Venecia, Erlinda Cadapan at mga representante ng progresibong mga party-list gaya ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna na ito na ang pinakamalakas at pinaka-kumprehensibong impeachment complaint na haharapin ng pangulo.

Kabilang sa mga mga pagkakasala ng pangulo na nakasaad sa naturang reklamo ay ang betrayal of public trust dahil sa mga anomalyang kinakasangkutan ng kanyang administrasyon, malalang paglabag sa karapatang pantao at matinding katiwalian.

Ngunit tulad ng mga reklamong impeachment ng nakaraang mga taon, kaagad itong nabasura sa Kongreso pa lamang.

Samantala, isa sa pinakamainit na usapin ngayon sa bansa ang Charter Change. Duda ang mga kritiko ng pangulo na taktika ito ng administrasyon upang pahabain ang termino ng pangulo. Sa gayon, anila, ay mabibigyan ng immunity ang pangulo laban sa mga kasong maaaring isampa sa kanya na tiyak na hindi niya malulusutan oras na wala na siya sa kapangyarihan.

Tutol naman ang makabayang mga organisasyon sa iba pang laman ng panukalang pagbabago sa 1986 Saligang Batas gaya ng pagbibigay ng karapatan sa mga dayuhan ng magmay-ari ng mga lupain sa bansa.

Nagkasa na ng iba’t ibang pagkilos ang mga puwersa ng oposisyon gaya ng naganap sa Ayala noon lamang Disyembre 12. Simula pa lamang umano ito ng ‘countdown’ ng sunud–sunod na pagkilos para maibasura ang Cha-Cha.

Jeffrey Ocampo

8. Kontrapelo ng migrante sa GFMD, kahihiyan ni Arroyo

Inisponsor ng gobyernong Arroyo at ginastusan ng milyun-milyong piso ang pagganap sa Maynila noong Oktubre ng ikalawang Global Forum on Migration and Development (GFMD), multilateral na pag-uusap hinggil sa migrasyon ng United Nations (UN). Layong ibida ang umano’y mga ganansiya sa polisiyang labor export na nagpaluwas sa bansa ng mahigit 10 milyong Pilipino, sa halip ay napahiya ang Pangulo sa pagpugot ng ulo sa isang OFW (Overseas Filipino Worker) at pagdagsa ng mga migrante mula sa iba’t ibang panig ng mundo para iprotesta ang GFMD.

Noong Oktubre 14, pinugutan ng ulo sa Saudi Arabia ang 27-anyos na OFW mula sa Zamboanga na si Jennifer Bidoya, na ayon sa kanyang mga kapamilya ay hindi tinulungan ng Department of Foreign Affairs na translator lamang ang ipinadala sa paglilitis. Nailantad muli ang mahigit 30 pang OFW sa death row at ang pagpapabaya ng gobyerno sa mga migranteng Pilipino. Nailantad ding muli ang kabiguan ng gobyerno na makapaglikha ng trabaho at lalong hikayatin ang pangingibang-bansa sa kabila ng kapahamakan, eksploytasyon, at pagkawasak sa pamilya na dulot nito.

Halos kasabay ng pagputok ng pandaigdigang krisis pampinansiya ang GFMD, kaya’t sa napipintong pag-uwi ng libu-libong OFW na masisibak sa trabaho, hindi na maitambol pa nang husto ng Pangulo ang migrasyon bilang solusyon sa kahirapan ng pamilyang Pilipino at sa naghihingalong ekonomiya ng bansa. Maging ang pahayag sa GFMD ni Ban Ki-Moon, pangkalahatang kalihim ng UN, na migrasyon ang lulutas sa krisis, hindi nakaani ng gaanong pansin at suporta.

Pinutakte rin ng puna ang gobyernong Arroyo at ang GFMD ng International Assembly of Migrants and Refugees (IAMR), alternatibong pagtitipon ng mga migrante mula sa mahigit 100 bansa. Sa pangunguna ng International Migrants Alliance, hindi nagpadala ng remitans ang maraming migrante bilang simbolikong protesta sa umano’y sapilitang migrasyon at kung paano pinagkakakitaan ang remitans ng mga gobyerno at imperyalistang institusyong pampinansiya.

Madaragdagan pa ng dalawang milyon ang mga OFW sa 2010. Magpapatuloy ang migrasyon, pero iigting din ang krisis na magpapatindi sa pang-aabuso at panggigipit sa mga migrante. Mabuti na lamang at nariyan ang IAMR na magsisilbing boses ng mga migrante ng mundo, kontrapelo sa GFMD at iba pang “pakulo” para lalong isistematisa ang umano’y “modernong pang-aalipin.”

Ilang-Ilang Quijano

7. Panunupil sa Southern Tagalog 72: Pinakahuli lamang sa serye ng panunupil ng gobyernong Arroyo

Tinaguriang Southern Tagalog 72 (ST 72), mga lider-aktibista silang sinampahan ng “gawa-gawang mga kasong kriminal” upang bigyan ng “legal na mukha ang panunupil ng rehimeng Arroyo” sa kanilang hanay.

Kasong arson kaugnay umano ng pagpapasabog ng isang cell site ng Globe Telecom sa Lemery, Batangas at frustrated murder at multiple frustrated murder kaugnay naman ng pananambang sa mga kapulisan sa Puerto Galera, Oriental Mindoro ang ngayon’y nakasampa laban sa kanila. Kasunod nito’y isa-isang dinakip ang mga akusado. Una na sa kanila ang chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno at kolumnista ng Pinoy Weeky na si Atty. Remigio Saladero na dinakip noong Oktubre 23. Dawit umano ang abogado sa parehong kaso sa Batangas at Mindoro.

Sa kasalukuyan, anim ang dinakip at piniit sa Calapan City Provincial Jail at dumaranas ng hirap at pasakit ng pagbibilanggo umano sa kanila ng Estado.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan sa Southern Tagalog, kung saan kasapi bilang pangrehiyon o pangprobinsiyang lider ang mga akusado, bahagi ito ng panunupil ng administrasyong Arroyo sa kanyang masusugid na mga kritiko sa hanay ng makabayang mga organisasyon. Iba umano itong taktika ng panunupil upang pahupain ang mga batikos sa pamahalaan sa loob at labas ng bansa dahil sa papalubhang estadistika ng paglabag sa karapatang pantao gaya ng pamamaslang, pandudukot at iba’t ibang porma ng harasment sa mga aktibista.

Matatandaang nauna nang sinampahan ng mga kasong kriminal ang mga representante ng progresibong mga party-list na sina Satur Ocampo, Teddy Casiño, Liza Maza, Rafael Mariano, Joel Virador at ang namayapang si Crispin Beltran. At bago ang kaso ng ST 72, mayroon nang tinaguriang Tagaytay 5, mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka na sinampahan rin ng mga kaso.

Ayon sa grupong Karapatan, sa kabila nito’y patuloy pa rin ang mga kaso ng pagpatay at pandudukot sa taong 2008. Sa taong ito,nakapagtala ang grupo ng 50 kaso ng pamamaslang at 7 kaso ng pagdukot. Samantala, kasama ang 6 na bilanggo sa bilang ng ilegal na inaresto na may kabuuang bilang na 1,464 mula noong 2001, dagdag ng grupo.

Jeffrey Ocampo

6. Kampeon ng manggagawa, pumanaw

Pumanaw noong Mayo 20 si Anakpawis Rep. Crispin Beltran matapos maaksidente habang kinukumpuni ang tumutulong bubungan sa kanyang tahanan.

Nagluksa ang mga manggagawa at sambayanang Pilipino na kanyang pinaglingkuran. Libu-libo ang nakiramay at naghatid kay Ka Bel sa kanyang huling hantungan. Dumagsa ang mga mensahe ng pakikiramay mula sa iba’t bang panig ng daigdig. Kahit ang Malakanyang ay nagpaabot ng pagsaludo at pakikiramay sa kanya.

Si Ka Bel ay naging unyonista at tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno. Naging tagapangulo rin siya ng International League of Peoples’ Struggle. Ikinulong si Ka Bel noong panahon ng Batas Militar. Muli siyang ikinulong noong 2006 sa panahon ni Pangulong Arroyo.

Sa kabila nito ay hindi napatahimik si Ka Bel sa kanyang pagsusulong sa interes ng uring inaapi. Nananatiling buhay ang diwa at mga adhikain ni Ka Bel sa puso at isip ng uring anakpawis at sambayanang Pilipino.

5. Ang pagtaas ang pagbaba ng presyo ng langis

Patuloy na umakyat ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado. Umakyat ng hanggang US$115 hanggang US$147 kada bariles ng krudo, at dinagdagan pa ng 36% pag-akyat ng buwis para dito.

Ispekulasyon sa presyo ang itinuturo bilang isang malaking dahilan ng ganitong pagtaas ng presyo ng langis sa pamilihan, kaalinsabay na rin ng pahinang halaga ng dolyar ng Estados Unidos dahilan ng nararanasang krisis pang-ekonomiya ng bansa.

Ang dahilan ng ispekulasyon ayon sa isang eksperto ay ganito. Naglalaro lamang sa $70 hanggang $80 kada bariles ang paglikom ng pinakamahal na langis. Nadadagdagan ito ng tinatawag na “market’s risk premium plus speculation”.

Artipisyal na itinataas ng spekulasyon ang presyo dahil hindi naman sa tiyak na merkado (spot market) mismo ang palitan kundi sa pang-matagalang kontrata ng suplay. Dito namumunini ang transnasyunal na mga kumpanya ng langis. Mismong si John Hofmeister, ang presidente ng Shell Oil, ang umamin na magiging (successful) ang kanyang kumpanya sa langis na naglalaro sa presyong $35 hanggang $65 kada bariles.

Mula sa P6 na minimum na pasahe para sa mga dyip sa simula ng taon, umakyat ito ng P7.50 hanggang umabot pa ng P8.50. Kamakailan lamang naibaba ito sa P7.50 dahilan diumano ng ilang pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado. Ilang kilos-protesta rin ang isinagawa ng ilang grupong namamasada tulad ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) upang ihayag ang kanilang pagkadismaya sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Darius R. Galang

4. ‘Moro-moro’ ni Arroyo sa Mindanao

Magkahalong galak at takot ang naramdaman ng iba’t ibang komunidad sa Moro Mindanao nang ianunsiyo ang paglagda ng gobyernong Arroyo at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Memorandum of Agreement and Ancestral Domain (MOA-AD) noong Agosto.

Galak dahil para sa mga Moro, simula ito ng pagkilala ng gobyerno ng Pilipinas sa karapatan sa pagsasarili sa sariling lupain. May sariling kasaysayan at kultura ang sambayang Moro, anila. Ito ang kalayaang matagal nang ipinaglalaban ng mga kilusang sesesyonista sa lugar, mula sa Moro National Liberation Front (MNLF) hanggang sa MILF.

Pero takot sa MOA-AD ang ipinakalat sa hanay ng sibilyang di-Moro ng ilang lokal na pulitiko.Unang ibinalita ng Pinoy Weekly ang “pagpaypay” ng pulitikong pamilyang Piñol at iba pa sa kawalan ng tiwala ng ilang komunidad ng Kristiyano sa North Cotabato at Maguindanao sa mga Muslim. Bago pa lagdaan ang MOA-AD, naghahasik na ng lagim sa mga Moro ang muling-nabuhay na grupong paramilitar sa naturang mga lalawigan. Samantala, nagtalaga na ng mga tropang militar ang Philippine Army dito.

Naibalita sa midya ang nakatakdang paglalagda sa Malaysia ng dalawang panig sa naturang kasunduan. Ginamit ito na oportunidad nina Piñol para ikampanya sa publiko ang ilegalidad diumano ng MOA-AD. Sinakyan naman ng mga pulitikong tulad ni Sen. Mar Roxas ang kampanya para ibasura ang kasunduan. Noong Agosto 5, naglabas ng temporary restraining order sa paglalagda ng MOA-AD ang Korte Suprema.

Naging mitsa ito para muling sumiklab ang matinding bakbakan sa Mindanao. Inatake diumano ng mga puwersa ni Kumander Bravo ng MILF ang Kristiyanong mga komunidad noong Agosto 18. Umabot sa 41 katao ang nabalitang napaslang. Sa mga panayam ng Pinoy Weekly, inamin ng mga lider ng MILF na may “pagmamalabis” sa kanilang hanay na ikinasawi ng ilang sibilyan. Pero binigyang-diin nila na karamihan sa mga napaslang ay miyembro pa rin ng mga grupong paramilitar.

Matapos nito, hayagang nagdeklara na ang gobyernong Arroyo ng giyera kontra sa MILF. Mistulang winakasan ang usapang pangkapayapaan ang nagdeploy ng karagdagang mga tropa para tugisin sina Bravo at isa pang kumander ng MILF sa Maguindanao, si Kumander Umbra Kato.

Ang resulta – walang tigil na digmaan magpahanggang ngayon sa Mindanao. Sa ulat ng Kalinaw Mindanao, aabot na sa kalahating milyong sibilyan ang nagsilikas. Isang humanitarian crisis – matinding kawalan ng kabuhayan at bahay, gutom, malnourishment sa mga bata, sakit – ang sumisiklab ngayon dito.

Samantala, sa kalagitnaan ng mga debate sa publiko hinggil sa MOA-AD, pasimpleng binuksan ng mga tagapagsalita ng Malakanyang ang posibilidad na itulak ang Charter Change para mabigyang legal na batayan ang naturang kasunduan. Agad na nasilip ito ng mga kritiko ng administrasyon: Tila taktika lamang umano ang kunwa-kunwaring planong pagpirma at biglang pag-atras sa MOA-AD ng Malakanyang para lalong mapalawig ang panunungkulan ni Pangulong Arroyo.

Kenneth Roland A. Guda

3. Krisis sa bigas: Marami pa ang kakainin natin

Sa gitna ng pagiging depende ng bansa sa angkat na bigas, nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng bigas. Ang 10%hanggang 15% na bahagi ng angkat na bigas para sa pambansang suplay ay kinulang, hanggang umabot sa pinakamataas ng presyo ng bigas sa loob ng 34 taon.

Pandaigdigang kakulangan sa stock ng bigas at iba pang pagkain ang nagsimula ng biglaang pagtaas ng mga presyo nito. Paglamig at peste ang nakaapekto sa mga produkto ng Tsina, habang nakaranas naman ng pagbaha ang Vietnam at ang Pilipinas.

Napilitan na ang ilang bansa tulad ng Vietnam at Cambodia na magpaliit hanggang sa tuluyang itigil ang pag-eeksport ng kanilang bigas. Kaakibat na rin nito ang problemang agraryo ng Pilipinas tulad ng land conversion, subsidiya sa mga magsasaka, sa pagbanggit lamang ng iilan.

Dumoble ang presyo ng bigas. Umakyat hanggang P50 ang isang kilo ng bigas. Tampok sa mga isyu ang pagtatago/pag-ho-hoarde ng ilang rice retailers ng kanilang suplay sa gitna na rin ng spekulasyon ng lalong pataas na presyo ng bilihin.

Naging tampok na pangitain sa pang-araw-araw ang mga pila sa tindahan ng bigas, at pag-lilimita ng mabibiling bigas. May napaulat pa na nagkaroon ng riot sa pila sa ilang pare ng Mindanaw. Naging isyu na rin ang inilabas na bigas ng gobyerno, dahil bagamat abot-kaya ng mahihirap ang inilabas na NFA rice na nagkakahalaga ng P18.75, ay napakababa ng kalidad kumpara sa komersiyal na mga variety na nasa pamilihan.

Darius R. Galang

2. Iskandalong NBN-ZTE at Fertilizer Fund: Ebidensiyang matingkad ng Pangulong korap?

Umalingasaw gaya ng bahong matagal nang itinatago ang pinakamatitingkad na ebidensiya ng pagkakasangkot diumano ni Pangulong Arroyo sa matagal nang bumabagabag sa kanyang iskandalo sa proyektong National Broadband Network at pagbili ng overpriced na pataba.

Sa unang kuwarto ng taon ang dramatikong‘pangingidnap’ ng mga opisyal ng administrasyong Arroyo kay Engr. Rodolfo “Jun” Lozada Jr. para mapigilan o makompromiso ito sa pagtestigo sa Senado hinggil sa overpriced at di-mapapakinabangang $329-M proyektong NBN. Hindi nito napigilan ang pangungumpisal at paglalahad ng nalalaman ng dating adviser ni dating Kal. Romulo Neri ng National Economic Development Authority—kabilang rito, na alam ni Pangulong Arroyo na may suhulan sa proyekto pero inaprubahan pa rin.

Sa Korte Suprema pa dumulog si Neri para lamang manatiling sikreto, o “pribilehiyong ehekutibo” ang utos o tindig ni Arroyo sa proyekto. Gayunpaman, lumabas pa rin ang totoo—naibandera ang mga litrato ng Pangulo at Unang Ginoo Mike Arroyo na nakikipaglaro ng golf sa mga opisyal ng ZTE Corp. noong Nob. 2, 2006. Hanggang sa mapatalsik si House Espiker Jose de Venecia, tumiwalag, at inilahad sa kanyang biography na, oo, kasama siya ng mag-asawang Arroyo sa pulong sa Shenzen, Tsina. Ang Unang Ginoo pa mismo diumano ang nagmungkahi ng transaksiyong gobyerno-sa-gobyerno.

Samantala, bumalik sa bansa noong Oktubre si dating Usec. Jocelyn “Joc-Joc” Bolante ng Department of Agriculture matapos ang apat na taong ‘pagtatago’ sa Estados Unidos. Yayat at namumuti ang buhok, humarap si Joc-Joc sa Senado para itanggi ang papel sa anomalya at ipawalang-sala rito si Arroyo. Sa sobrang paghuhugas-kamay walang senador ang naniwala at nagpapatuloy ang imbestigasyon dito. Mas interesante ang naglitawang mga testigo kamakailan gaya ni Julie Gregorio, presidente ng Feshan na suplayer ng pataba, na umaming mas maliit nang P52-M ang aktuwal na ibinayad ng gobyerno sa kompanya kaysa sa idineklara nito sa papel.

May dalawang bagong testigo sa P728-M Fertilizer Fund Scam na nakatakda sa Enero. Hindi pa rin umano nailalabas ni de Venecia ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa mga anomalya ng Pangulo. Noong Pebrero nang lumantad si Lozada naganap ang pinakamalalaki at malalawak na kilos-protesta sa Ayala Ave., patunay na pinaka-ayaw ng taumbayan na sila’y pinagsisingungalingan at ninanakawan ng pera, lalo ng pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ilang-Ilang D. Quijano

1. Pandaigdigang laban sa panahon ng pampinansiyang krisis sa daigdig

Ramdam ng buong mundo, laluna siyempre ng pinakamahirap na mga mamamayan ng mundo, ang krisis sa pinansiya ng US noong huling dalawang buwan ng taong 2008.

Bunsod ng walang habas na “ispekulatibong pamumuhunan” sa pagpapautang sa subprime mortgage sa bansang iyon, nasadlak sa matinding ligalig ang ekonomiya ng US. Apektado siyempre ang mga ekonomiya ng mga bansa, pero lalong apektado ang mga ekonomiyang nakadepende at tali rito – kabilang na siyempre ang Pilipinas.

“Pinakahuling manipestasyon lang ang kasalukuyang krisis ng pundamental na mga kontradiksiyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista na tumitindi sa panahon ng imperyalistang globalisasyon, paliwanag ni Paul Quintos, ekonomistang maka-manggagawa mula sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler). “Lumalala ang polarisasyong pang-ekonomiya, labis na akumulasyon ng kapital, at labis na produksiyon na nagdudulot ng pagtindi ng mga krisis na pang-ekonomiya at sa dulo’y nagluluwal ng pagkawasak ng produktibong mga puwersa ng lipunan.”

Sa pagdaan ng panahon, ani Quintos, lalo lamang titindi ang krisis ng sistemang kapitalista sa daigdig. Titindi rin ang atake sa karapatan ng nagtatrabahong mga mamamayan bunsod ng pagpupumilit ng mga kapitalista na bawiin ang numinipis na kita dahil sa krisis. Malawakan ang inaasahang tanggalan sa hanay ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa ngayong 2009. At sa kabila ng paniniguro ng mga opisyal ng gobyernong Arroyo na di masyadong maaapektuhan ang bansa ng krisis na ito, pinakamatinding binayo – at babayuhin – nito ang mga migranteng Pilipino.

Di bababa sa 3,000 Pilipino ngayon na nagtatrabaho sa mga bansang tulad ng South Korea, Taiwan at Macau ang nasibak o nanganganib na mawalan ng kabuhayan bunsod ng krisis. Sa United Arab Emirates, inamin mismo ni Labor Sec. Marianito Roque na may 3,000 Pinoy ang nasibak. Naiulat ng Migrante International na marami sa mga ito ang namumulubi na lamang sa iba’t ibang bahagi ng dayuhang bansa para mabuhay at makauwi.

Iyong mga manggagawa namang lumalaban para ipagtanggol ang karapatan ay inaatake rin. “Ipinapakita ng huling Taunang Sarbey ng mga Paglabag sa Karapatang Pangmanggagawa na inilathala ng ITUC [International Trade Union Conferedarion] ang nakakaalarmang pagdami ng mga pinatay dahil sa mga aktibidad na pang-unyon, mula 115 noong 2005 patungong 144 noong 2006, ani Quintos. “Sa Pilipinas, di bababa sa 87 unyonista at mga organisador ng mga manggagawa ang pinaslang simula noong 2001.”

Ngunit inaasahang lalakas pa ang hanay ng mga manggagawa at mamamayang lumalaban ngayong 2009. Para sa ekonomistang si Edberto Villegas ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila, “Dapat magsimulang mamalayan ng lahat ng indibidwal na wastong mag-isip na ang solusyon sa di-maiwaksing pampinansiyang mga krisis ng kapitalismo, na dulot ng labis na produksiyon nito, ay hindi ang ireporma ang sistema tulad ng gustong gawin ng mga gobyernong kapitalista, at lalong hindi ang piyansahan ang sakim na mga institusyong kapitalista.”

Kenneth Roland A. Guda at Soliman A. Santos

Mga larawan nina Arwin Doloricon, Ariston Valle, King Catoy, AKP Images, Arkibong Bayan, KJ Rosales, at KR Guda

(PinoyWeekly)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: