Radical Pinoy: Mga kaganapan noong 2008 sa saliw ng pop songs


Vencer Crisostomo

PARA sa ilan sa mga kaibigan, “life-changing” daw ang 2008. Ang iba, ayaw pa itong matapos. Marami naman, nalulula sa dami ng mga nangyari, pero bitin pa rin.

Balikan natin ang mga tampok na kaganapan para sa progresibong kilusang kabataan, sa saliw ng mga cool na cool na awiting nakapagpa-LSS sa atin noong 2008.

YOUTH ACT NOW!
Soundtrack: Crank That/Superman (Soulja Boy)

Sa pagputok ng kontrobersiyang ZTE at pagbabalik ni Jun Lozada, naging sing-uso ng bagong dance step ang noise barrage, mga protesta sa kampus at malalaking mga martsa sa kalsada. Talaga namang pinanindigan ng mga kabataan ang pagiging soldier boys and girls para sa katotohanan at pagbabago.

Pinanunganahan ng YOUTH ACT NOW! ang masisiglang pagkilos at paglahok ng kabataan, at sinamantala ang iba’t ibang mga mapanlikhang porma para iparating ang paninidigan.

GRADUATION PROTESTS
Soundtrack: Susundan (Calla Lily)

Susundan kahit san man magpunta… ng protesta ang mga amuyong ni Gloria Arroyo. Kahit sa mga graduation ceremonies, protesta ang itinambad ng mga kabataang mag-aaral. Tampok ang pananalita ni Eduardo Ermita sa PUP, na binulabog ng protesta ng mga bagong tapos.

RICE CRISIS
Soundtrack: Umbrella (Rihanna)

Pila.. pila.. ehh.. ehh…

Pila kung pila sa NFA rice dahil sa sirit ng pagtaas ng presyo ng bigas. Todo protesta naman ang itinapat sa mga piket sa NFA, paglalantad sa pananagutan ng gubyerno sa krisis at pangangailangan ng higit na pagkilos para sa pagpapatalsik kay Gloria.

KA BEL: PERSON OF THE YEAR
Sountrack: With You (Chris Brown)

Boksingero ang Person of the Year ng masa, pero hindi si Manny Pacquiao. Mas mabagsik siya rito. Hindi nagluroy sa kayamanan, at nanatiling matibay ang prinsipyo’t paninindigan para sa interes ng mga mamamayan. Ang pagkamatay ni Ka Bel ay nagpakita ng tunay na paninidigan ng kilusang mapagpalaya para sa masa at bayan.

Tunay na idol ng kabataan at masa, kaya naman sa pagkamatay niya, lahat ay kasama sa pagdakila at pagpaparangal.

TUITION FREEZE
Soundtrack: Keep Bleeding (Leona Lewis)

Pagdating ng pasukan, talaga namang duduguin ang mga magulang sa taas ng matrikula sa mga pamantasan. Kaya naman protesta ang ibinungad sa enrolment pa lang. Nagbitiw ng salita ang gobyerno na wala raw magtataas ng matrikula, pero too late na, boladas lang din pala.

OIL PRICE HIKE PROTESTS
Soundtrack: Always Be My Baby (David Cook)

You’ll always be a part of me na ang mga pagtaas ng presyo ng langis. Halos linggu-linggo ang pagsirit ng presyo. Sunud-sunod din na militanteng mga aksiyon ang pinangunahan ng mga kabataan sa mga opisina ng mga kompanya ng langis sa Makati, hanggang sa Oil Depot sa Pandacan.

JULY WALKOUTS
Soundtrack: Imposible (KC Concepcion)

Hindi na raw para sa henerasyong ito ang malakihang mga pagkilos ng mga kabataan at walk-outs. Wala raw mainit na kontrobersiya na gaya ng noong unang kuwarto. Pero ang inaakalang imposible, nangyari noong Hulyo. Libu-libo ang lumabas sa kanilang klase at nagmartsa sa Kamaynilaan. Bitbit ang panawagan ‘di lang ng mga mag-aaral kundi ng mga mamamayan: pagpigil sa pagtaas ng presyo ng langis, pagtatanggal sa VAT at pagtataas ng sahod ng manggagawa.

LFS ANNIVERSARY
Soundtrack: Betamax (Sandwich)

Wala pa noong Myx, wala pa noong MTV…

Tila blast from the past ang pagdiriwang ng anibersaryo ng League of Filipino Students noong ika-11 ng Setyembre, na kinatampukan ng isang produksiyon at pananalita ng mga naging kabahagi ng 31 taon ng liga. At siyempre, nagtapos ito sa isang lighting rally na muling kumalampag sa seal ng US Embassy habang sumisigaw ng “Imperyalismo, Ibagsak!”

ANTI ALL-OUT WAR PROTESTS
Soundtrack: Pare Ko (Eraserheads)

Kasabay ng euphoria ng Eraserheads reunion, mapapakanta ka ng: “O, Diyos ko, ano ba naman ito! Di ba, @#$%!” Dahil sa paglulunsad ni Arroyo ng todong digma sa Mindanao na ang ipinalusot pang dahilan ay ang MOA-AD. Hinarap ito ng mga forum at mga candle lighting protests sa mga paaralan.

CAMPUS MILITARIZATION
Soundtrack: Low low low (Waray Version)

Dahil sa pagsigabo ng kilusang kabataan, talaga namang low, low, low na sa kawalanghiyaan ang mga pamamaraan ng rehimen sa panunupil at karahasan. ‘Di makatarungang pinatalsik ang mga mag-aaral ng JRU, nahuli ang mga ahente ng militar na nanghaharas sa PUP, at samu’t saring mga kaso pa ng paglabag sa karapatan ang natala sa mga kampus. Dagdag pa ang pekeng Magna Carta na pinakana ng mga nagpapanggap na progresibo sa Kongreso.

KOWLOON WORKERS’ STRIKE
Soundtrack: I’m Yours (Jason Mraz)

Kanilang-kanila talaga ang suporta ng mga kabataan na araw-araw na natulog at dumagsa sa picketline ng Kowloon at dumayo din sa iba’t iba pang mga picketline gaya ng sa Advan, Far East Garments at iba pa, lalo na noong panahon ng bakasyon.

GLOBAL MIGRATION FORUM PROTESTS at ASA GENCON
Soundtrack: No Air (Jordin Sparks)

Naubusan man ng hangin sa pagsasalin at pagsasalita ng Ingles, todo ang paglahok ng mga organisasyon ng kabataan sa internasyunal na kaganapang ito na nagpakita na puro hangin lang talaga ang sinasabing ginhawa ng buhay at pag-unlad sa pamamagitan ng pangingibang-bayan.

CHA-CHA
Soundtrack: I Will Always Love You (Charice Pempenco)

Todo kung todo sa pagbirit ang rehimen sa pagtutulak na makapanatili sa puwesto at maisulong ang interes ng dayuhan. Cha-Cha pa rin ang sayaw ng rehimen, kilusang masa naman ang pantapat ng bayan. At showdown kung showdown ang tapatan, na siya pa ring posibleng maging tono sa pagpasok ng 2009. Pumiyok na ang rehimen, habang papabuwelo pa lang ang mga mamamayan.

Nakakitaan ang kabataan ng sigasig sa pagtugon sa mga isyung pambayan ang mga kabataan noong 2008, at unti-unti, nauunawaan nito ng higit ang kahulugan ng pagiging pag-asa ng bayan. Pero marami pang kailangang pag-aralan, paghusayan at paunlarin para higit pang mag-ambag sa pagbabagong panlipunan.

Mitsa pa lang sa excitement ang 2008, mas malaki pang mga pasabog na tagumpay katapat ng pagsambulat ng krisis ang naghihintay sa susunod na taon.

Maligaya at makabuluhang 2009! Tuloy-tuloy sa pagkilos, paglilingkod at paglaban!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: