Konteksto: Kultural na epekto ng papalalang krisis


Danilo Araña Arao

MARAMING nagsasabing mas mararamdaman ng Pilipinas ang pandaigdigang krisis pampinansiya sa taong 2009. May dahilan ba para mag-alala ang mga mamamayan?

Para sa iyo, maaaring ang sagot ay ”oo” dahil tayong lahat ay apektado ng pang-ekonomiyang kalagayan, mahirap man o mayaman. Pero sang-ayon ka namang may iba’t ibang antas ng epekto ang isang krisis depende sa iyong pampinansiyang katayuan.

Kung mayaman ka’t may sapat na naipon, kayang-kaya mong mapanatili ang nakagisnang marangyang pamumuhay. Pero kung mahirap ka’t walang mapagkukunan ng pera, mas matindi ang epekto ng inaasahang pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa krisis.

Maraming indikasyon nitong mga nakaraang araw ng pangkalahatang pagtitipid ng mga mamamayan. Kapansin-pansin ang matumal na bentahan sa palengke noong Pasko’t Bagong Taon. Kahit na sabihing may epekto ang pag-ulan noong Disyembre 31, ang napabalitang mas mababang bilang ng mga isinugod sa ospital dahil sa paputok ay posibleng bunsod ng mas mababang bilang ng mga taong bumili ng mga paputok kumpara sa mga nagdaang taon.

Maganda mang balita ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo – bagama’t hindi sapat ang mga ipinatupad na rollback kung susuriin ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan – hindi ba’t nakababahala ang napabalitang kakulangan sa suplay ng LPG (liquefied petroleum gas)?

Wala pang malinaw na ebidensiya kung totoo nga ba ito at kung sino ang responsable kung sakali. Pero kailangang tandaang ang isang indikasyon ng krisis ang pagtatago ng mga kapitalista sa kanilang suplay at pagbebenta nito kapag tumaas na ang presyo. Sa konteksto ng pandaigdigang krisis pampinansiya, lubhang kailangang bantayan ang suplay ng mga sensitibong produkto tulad ng LPG.

Alam nating lahat na anumang pagkukulang sa suplay ay magreresulta sa pagtaas ng demand sa produkto. Ang mataas na demand sa isang produkto ay mangangahulugan ng pagtaas sa presyo nito.
Para sa isang mahirap na pamilya, malaking sakit ng ulo ang sitwasyon ng pagtaas ng presyo. Kung ang mga hindi kinakailangang gastusin ay madaling isakripisyo, hindi ganito ang kaso para sa mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain at gamot. Kailangang maging mapanlikha ang isang tao para makatipid at mabuhay araw-araw.

Ang pagiging mapanlikha ay may epekto sa kultura ng mahihirap, at ang manipestasyon nito ay kapansin-pansin na.

Sa mga karinderya’t turo-turo, halimbawa, maaari nang bumili ng kalahating kanin at ulam lang. Sa halip na tatlong beses kumain bawat araw, maaaring dalawa o isang beses na lang – narinig mo na siguro ang terminong ”altanghap” na pinagsamang almusal, tanghalian at hapunan. Ang instant noodles ay ginagawa na ring ulam ngayon at hinahalo sa kanin, kahit malinaw na wala itong nutritional value at maraming preservatives. Mayroon namang bumibili ng kanin at nakikiusap na lang na lagyan ng sarsa ng adobo o apritada sa ibabaw. Kahit walang ulam, puwede na kahit sarsa! Aba, kahit ang tsaa ay natitipid na rin sa pamamagitan ng paulit-ulit na paggamit ng tea bag.

Sa konteksto ng krisis, wala sa kultura ng mahihirap ang mabusog. Para sa isang manggagawang kailangan ang lakas para makapagtrabaho, ang kailangan lang ay magkalaman ang tiyan para magampanan ang gawain at makuha ang kakarampot na suweldo.

At kung talagang wala nang pambili ng pagkain, alam mo ba ang ginagawang pantawid-gutom? Sa maniwala ka’t hindi, gin! Mura lang ang tinatawag na ”bilog” at mabilis ka raw tatamaan kahit ilang shot lang nito. Kapag lasing ka na, hindi mo na mararamdaman ang kalam ng iyong tiyan. (Ang alak, tulad ng droga, ay nagsisilbing pangunahing instrumento ng pagtakas sa malupit na realidad ng lipunan.)

Ito ang dahilan kung bakit sa mahihirap na lugar, nakakakita ka ng mga nanay na umiinom ng gin kahit tanghaling tapat. Huwag mo sanang agad na husgahan sila bilang mga lasenggera’t iresponsableng nanay, dahil may posibilidad na bilang ilaw ng tahanan, naubusan na sila ng pagkain dahil inuna nila ang kanilang asawa’t mga anak.
Kung ang pagkain ay natitipid, pati na rin ang gamot. Nagiging gawi na rin ng mahihirap na pamilya na hatiin ang mga binibiling gamot dahil kaya naman daw na mapagaling ang isang may sakit kahit limitado ang dosage.

Ang isang hinating tabletang paracetamol, halimbawa, ay ginagamit para pagalingin ang lagnat ng dalawang tao. Kung may gamot na ang prescription ay para sa apat na araw, ang binibiling suplay ay para lang sa dalawang araw. Hindi man tuluyang mapagaling ang isang may-sakit, may paniniwalang makakaya na niyang makapagtrabahong muli dahil sa limitadong bisa ng gamot na kinuha niya.

Pero ano ang epekto sa kalusugan ng kultura ng limitadong pagkain? Paano na kung lumala ang kalagayan ng isang tao dahil sa hindi pagkuha ng sapat na gamot?

Ang pag-iisip ng kawalang pag-asa ay hindi katanggap-tanggap sa sitwasyong ito dahil higit pa sa pagtitipid ang dapat gawin. Ang pagiging mapanlikha ay kinakailangan sa panahon ng krisis pero hindi ito dapat maging bahagi ng ating kultura.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: