Ekstensiyon ng Carp, ekstensiyon ng panlilinlang?


Soliman A. Santos

Aasa pa ba dapat sa repormang agraryo sa kasalukuyang namamayaning sistema? (Ariston Valle)

Magsasakang Pilipino: Aasa pa ba dapat sa repormang agraryo sa kasalukuyang namamayaning sistema? (Ariston Valle)

PARA sa maraming grupo ng mga magsasaka, walang kabutihang maidudulot ang muling pagbuhay ng Comprehensive Agrarian Reform Program o Carp, samantalang para sa kanila’y matagal na itong patay bilang programa ng gobyerno sa tunay na reporma sa lupa.

Bago nagtapos ang sesyon ng Kongreso noong nakaraang linggo, inaprubahan nito sa pamamagitan ng Joint Resolution 19 ang anim na buwang ekstensiyon ng Carp.

Tinawag itong ilegal, depektibo at di-konstitusyonal ng militanteng mga grupo ng magsasaka at mangingisda na tatlong araw at gabing nagbantay sa harap ng Batasan Complex sa Quezon City para iparinig ang kanilang panawagan: “Wag palawigin ang Carp, tunay na reporma sa lupa, ipatupad!”

Sa kabila ng malalamig na gabi ng Disyembre, nagkampo sila sa habang dinaraanan lamang ng mga kongresistang sakay ng magagarang sasakyan.

Insulto sa magsasaka

Insulto para sa mga magsasaka ang katuwiran ng mga mambabatas na sila ring may hawak ng malalawak na lupain. Pinirmahan daw nila ang resolusyong palawigin hanggang Hunyo 2009 ang Carp para masusing rebisahin ang 20-taong programa sa repormang agraryo. Pero hindi na isinama sa ektensiyon ang compulsory acquisition o sapilitang pagbawi ng lupa.

Sa halip, pinalitan ito ng voluntary acquisition. Ayon sa mga magsasaka, isa itong suntok sa buwan dahil walang asendero (na karamiha’y nasa Kongreso rin) ang boluntaryong magbibigay ng kanilang lupain para ipasailalim sa Carp.

Ayon sa Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP), ang resolusyong palawigin ang Carp ay isang panlilinlang na lalo lamang naglalantad sa kabulukan ng kasalukuyang programa sa repormang agraryo.

Umano’y isa rin itong hungkag na pangako na layon lamang patahimikin at lalo pang paasahin ang mga magsasakang naniniwala pa sa programa, kahit wala silang dahilan para ipagdiwang ang ekstensiyon ng Carp.

Wala pa ring lupa

Sa kabila ng 20 taon ng pag-iral ng Carp, nananatiling pito sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupang binubungkal, ayon sa KMP.

Sa katunayan binigyan pa umano ng legal na batayan ng Carp ang pagkakait sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa at ang pangangamkam ng lupa ng malalaking asendero.

Halimbawa nito ang dalawa sa pinakontrobersiyal na kaso ng agrarian dispute sa Central Luzon: ang 31, 000 ektaryang lupain sa loob ng Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija at ang 6, 453 ektaryang Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Hindi naipamahagi sa magsasaka ang mga lupaing ito kahit nakapailalim sa Carp. Sa katunayan, nagamit pa ang iba’t ibang iskema sa Carp, gaya ng Stock Distribution Option sa kaso ng Hacienda Luisita, para mapanatili sa asendero ang mga naturang lupain.

Talamak din ang pagkansela ng mga emancipation patent (EP) at certificate of land ownership award (CLOA) na ipinagkakaloob sa mga benepisyaryo ng Carp.

Ayon sa pinakahuling pag-aaral ng Sentro Para Sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra), iniulat mismo ng Department of Agrarian Refrom (DAR) noong Setyembre 2007 na may 5,049 EP at 103,392 CLOA ang pinawalang-bisa. Aabot sa 204,579 ektaryang lupain ang saklaw ng mga ito.

Bukod dito, marami pang nakabimbing mga kaso ng kanselasyon ng EP at CLOA. Hindi pa rin umano natutukoy ng DAR kung gaano karaming titulo ng lupa para sa mga benepisyaryong magsasaka ang kinansela o binawi nito simula nang mag-umpisa ang programa.

Pinagkakitaan ng asendero

Ipinakikita rin ng pag-aaral ng Sentra na kumikita pa ang mga asendero dahil sa Carp.

Mula noong 1972 hanggang 2005, umabot sa P41.6 Bilyong cash and bonds ang kompensasyong ibinayad ng Land Bank of the Philippines sa 83,203 asendero o P500,463 kada asendero. Sumasaklaw ito sa 1,348,758 ektarya. Noong 2005, P4.6-B ang napunta sa kompensasyon sa mga asendero lamang.

“Ipinapakita nito na ang Carp ay isang transaksiyon lamang sa pagitan ng gobyerno at mga asendero sa mahigit 20 taon,” ayon kay Ramos.

Bumababa rin taun-taon ang distribusyon ng lupa sa ilalim ng Carp. Mula sa orihinal na 10.3 milyong ektarya noong 1988, umabot na lamang ang saklaw nito sa 8.1 milyong ektarya o 21.76 porsiyentong pagbaba.

Isinisisi ito ng KMP sa pagtanggal sa saklaw ng programa ng kapwa pribado at pampublikong mga lupain dahil sa iba’t ibang iskema tulad ng pagpapalit-gamit sa lupa at pagpapalit-pananim.

Garb at tunay na reporma sa lupa

Ayaw nila sa Carp, pero hangarin ng militanteng mga magsasaka ang programang tunay na mapapasakanila ang lupa. “Ang dapat gawin ng mga mambabatas ay itapon ang Carp at lumikha ng isang bagong batas sa repormang agraryo,” sabi ni Ramos.

Sinusuportahan ng KMP at iba pang mga grupo gaya ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas at Amihan ang House Bill 3059 o Garb (Genuine Agrarian Reform Bill). Iniakda ito ni yumaong Rep. Crispin Beltran at isinusulong ngayon ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, kasama sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teodoro Casiño at Gabriela Rep. Liza Maza at Luzviminda Ilagan.

Layunin ng Garb na saklawin ang lahat ng lupang agrikultural sa bansa at ipamahagi ang mga ito sa mga magsasakang walang sariling lupa subalit handang magbungkal. Sa panukalang batas, walang pinapayagang eksempsiyon o iskema para makalusot ang mga asendero sa programa.

Kaiba rin sa Carp na pinagbabayad pa ang mga magsasaka para mapasakanila ang lupa, libre ang pamamahaging nais ng Garb.

Hinikayat ni Mariano ang mga nananawagan para sa ekstensiyon ng Carp na abandonahin ang “patay” nang programa at samahan ang mga magsasaka sa pagsuporta sa Garb.

Reklamo ni Ramos, sa mga debate sa Kongreso ay wala ni isa man sa mga kongresista at senador na sumusuporta sa ekstensiyon ng Carp ang bumanggit sa libreng pamamahagi ng lupa na nakasaad sa Garb. “Nanawagan sila ng ektensyon ng hungkag na Carp, pero hindi para sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka,” aniya.

Nagkakaisang lakas

Kaya iginiit ng KMP na sa lakas lamang ng nagkakaisang mga samahang magsasaka maikakampanya tunay na reporma sa lupa.

Inihalimbawa ng grupo ang laban ng mga magsasaka sa Hacienda Looc sa Batangas, na dahil sa paggigiit ay hindi napaalis sa kanilang lupa nang ideklara itong “di produktibo” at naitakas sa Carp noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos.

Marami pa umanong halimbawa ng paggigiit sa karapatan sa sariling lupa sa gitna ng kabiguan ng Carp, gaya ng paglaban ng mga magsasakang binawian ng CLOA sa Central Mindanao University sa Bukidnon at Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija. Pinalalayas man ng militar, hindi pa rin sila natitinag.

“Isa lang ang ipinakikita nito: na kapag ang mga magsasaka ay nagkakaisa, sa kabila ng panghaharas ng mga asendero katuwang ng mga ahente ng Estado, makakamtan nila ang lupang pilit na inaagaw sa kanila ng mga mangangamkam,” ani Ramos.(PinoyWeekly)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: