Trippy Divisoria!


Darius Galang


DIVISORIA: magulo pero masayang destinasyon ngayong Pasko (PW File Photo)

UNANG banggit pa lang sa Divisoria, mamumutawi na ang imahe ng basura at sandamakmak na paninda. Makulay ngunit makalat. Pero dito ka pa rin makakakita ng pinakamurang bargain ng kung anumang hinahanap mo.

Tamang-tama ba sa Pasko?

Oo naman. Sa bawat taon lumalala ang krisis at tumataas ang presyo, pero kaban pa rin ang Divisoria ng mabababang presyong bilihin. Anuman ang naisin mong bilhin, chances are, sa lugar na ito mo sila makikita.

Maaga nang nagbubukas ang mga tiangge rito ngayong panahon ng kapaskuhan. Kaya, ihanda na ang tsinelas o sneakers sa pag-iikot! (Hmm, magbaon ka na rin ng ekstrang damit kung pagpawisan ka man.)

Tahanan ang Divisoria ng ilang lugar-pamilihan, kasama na ng mga kalyeng mistulang ginawang palengke. Mula sa pagpasok mo mula Recto, masasamsam mo na ang amoy ng tinitindang inihaw na pusit. Dumako ka pa at makikita mo ang ilang naglalako sa kariton, hanggang sa Tutuban Mall kung saan naka-tolda na ang mga nagtitinda.

Kung maglalakas ka ng loob, maaari mong ikutin ang kabuuan ng Talipapa, este Divisoria. Pa-kaliwa galing ng Recto, at matutunton mo ang Mall 168. Dito ka mamili kung gusto mo ng de-aircon (bukod sa interior ng Tutuban Mall, ito pa lamang ang naka-aircon na lugar sa Divisoria).

Pagkalabas mo ng 168, matutunton mo na ang daan tungo sa Juan Luna St. Mistulang isang mosh pit, isang mahabang palengke ang kalyeng ito. Pag-iingat–doble, tripleng pag-iingat–ang dapat mong gawin sa iyong mahahalagang dala-dala. Pramis, ang isang sampung-minutong kalyeng lakarin ay aabot ng di-kukulanging isang oras. Hindi lamang dahil sa pagtingin-tingin ng mga paninda, kundi maging sa pakikipag-gitgitan sa dami ng taong paroo’t parito.

Malpit-lapit na ang Divisoria Mall mula rito. Dito ka mamili ng kung anu-anong surplus canned goods, laruang galing sa Tsina (marami ritong imitasyon ng sikat na Gundam, Pokemon, kahit pa Tamagotchi, malapit-lapit pa ang kalidad sa orihinal), at mga kendi, lahat nakapresyo sa murang halaga. Ingat lang sa melamine.

Padako na sa port area ang palengke. Bagsakan ng sariwang gulay at prutas galing sa mga probinsiya ang lugar na ito.

Pabalik sa Tutuban, madadaanan ang ilang makasaysayang gusali, kasama na ang KT Tower. Ang riles na ilang taon pa lamang ang nakakaraa’y nadaraanan pa ng tren, pugad na rin ngayon ng mga manininda.

Hindi mo malilibot ng isang buong maghapon ang lugar nang hindi sasakit ang paa at ulo. Kaya kung bibili ka ng isang partikular na bagay at nakita mo na ito sa isang lugar, maaaring magamit ang pagiging impulsive. Dahil kung iisipin mong makakabalik ka pa sa nakita mong “magandang damit” o “murang offer,” mag-isip ka kung makikita mo pa ang daan mo pabalik.

Isa pa, walang pag-aayos ang mga paninda dito. Hindi ito mall, kahit mayroong Tutuban o Mall 168. Makikita mong tindahan ng DVD sa isang stall, laruan sa susunod, damit na sa susunod. Mangilan-ngilan lang ang pook na nakaayos ang paninda. Mas madalas, kalat-kalat ang paninda sa kahabaan ng Divisoria.

Mag-ingat lamang sa kung anu-anong modus ng mga kung sinu-sinong makakasalubong at makakabangga mo rito. Kung hindi, maaaring hindi ka makauwi dahil sa pagkawala ng iyong pitaka. O mahablot ang iyong cellphone. May mga balita rin na kahit nasa loob ng sasakyan o dyip, nakukuha pa ng magnanakaw na sungkitin ang hikaw. Kaya’t iwasan na rin ang pagsusuot ng alahas.

Pagkain ang isang hindi mawawala rito. Sa Tutuban lamang, may ihawan sa bandang car park. Nawala nga lang iyong mga Tsinong naghahain ng chinese inspired na fastfood. Dati kasi silang mag-aayos sa isang gilid ng Tutuban pagdako ng alas-otso. Maaaring nasapawan na ang kanilang fried rice at fried siomai ng Hong Kong style noodles. Ngunit kung hindi naman maselan ang iyong bituka, nagkalat sa lansangan ang nagtitinda ng itlog, kwek kwek, palamig, isaw, at kung anu-ano pa sa daan. Oo nga pala, nadaanan na natin yung ale na nagtitinda ng pusit.

Panaka-naka, may nag-aalok ng malalaking plastic bag na magkakahalaga pa ng ilang piso. Mainam na magdala ng sarili kung ayaw pang mabawasan ang perang pwede pang ilaan sa pamasahe.

Kaya sa pagtangkang suungin ang kahabaan ng Divisoria, alalahanin ang ilang alituntuning ito. Sa huli, ang pinakamagandang karanasan sa pag-iikot sa Divisoria ay ang umuwi nang bitbit ang iyong mga nais bilhin kasama ang mahahalaga mong dala-dala—sa makatuwid, nang hindi laslas ang iyong bulsa, sa kahulugang literal o piguratiba.

PinoyWeekly

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: