Matagal nang handa sa ‘radikal na pagbabago’ ang maralita


Jeffrey Ocampo

Pag-asa para sa radikal na pagbabago (KR Guda)

Martsa ng mga maralita noong Disyembre 2: Pag-asa para sa radikal na pagbabago (KR Guda)

ALA-SAIS na ng gabi at madilim na ang paligid ng Payatas. Sa tahanan ni Conchita Orande o Aling Conching, nakapalibot ang kanyang asawa, mga anak at apo sa harap ng lumang telebisyon. Maliit lang ang kanilang bahay na gawa sa pinagtagni-tagning materyales. Iniilawan ng malabong bombilya ang kabuuan at mga detalye nito, gayundin ang pagal na katawan ni Aling Conching mula sa maghapong paghahanap-buhay.

“Bunga ng pagsisikap (ito),”pagmamalaki niya sa bahay, sa kabila ng kaliitan nito. Pinagkakasya niya ang kanyang pamilya sa masikip na bahay na iyon na nakatayo sa lupang kanilang nabili.

Pamimili ng basura sa tambakan ng Payatas ang hanapbuhay ni Aling Conching. Sila itong namumulot ng mga basurang mapapakinabangan pa at paghihiwalay ng mga ito batay sa kanilang klase: lata, karton, papel, plastik na bote at baso, bakal. Ito rin ang ikinabubuhay ng karamihan ng mga residente ng Payatas.

Aabot ng siyam na oras ang inilagi ni Aling Conching sa tambakan para mamili ng basura. Sa arawan na kitang P150, lubhang hirap sa buhay ang pamilya Orande. Ayon sa National Wage and Productivity Commisssion, aabot na sa P858 ang kailangan ng isang pamilyang may anim na miyembro sa isang araw para sa pinaka-simpleng pagkain, pamasahe at ilang gastusin. Sa kaso ng pamilya ni Aling Conching, pinagkakasaya nila ang kanyang karampot na kita para itaguyod ang kanyang pamilya na umaabot sa 12 ang miyembro, kasama ang anim na maliliit na apo.

Umabot na sa 55 anyos si Aling Conching, at hirap na ang pangangatawan niya. Ngunit tuloy pa rin siya sa kanyang pamimili para maitawid sa pangaraw-araw ang kanyang pamilya.

Biktima ng kontraktuwalisasyon ang kanyang asawa. Dating dyanitor sa Araneta Center sa Cubao, natanggal ito noon pang 1995. Dahil dito, mag-isang itinatagutayod ni Aling Conching ang kanyang pamilya, bagama’t pamiminsan-minsa’y nakakatulong ang anak na isang mangangalahig.

Dahil dito, may mga pagkakataong hindi na sila kumakain ng hapunan dahil sa kakapusan ng pera. Isa lang ang pamilya ni Aling Conching sa libu-libong pamilya na lumiliban sa pagkain, ayon sa pag-aaral ng Center for Trade Union and Human Rights.

Samantala, may mga pagkakataong hindi na nakakapasok sa paaralan ang kanyang mga apo dahil wala ring maipabaon sa mga ito. Hindi rin abot-kamay ang tulong-medikal sa lugar at iba pang serbisyong panlipunan na dapat ay napagkakaloob ng libre sa mga mamamayan.

Larawan ng pamilyang Pilipino

Hindi lamang ang pamilya Orande ang kagaya nitong lugmok sa kahirapan. Batay sa pag-aaral ng Social Wheater Stations nitong Hulyo, dumarami ang pamilyang Pilipinong nagsasabing sila’y naghihirap. Ayon sa grupo, 59 bahagdan o 10.6 milyong pamilya ang nagpahayag hinggil sa kahirapang dinaranas nila.

Hirap din ang napakaraming pamilya na tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa sarbey ng Ibon Foundation noong Abril, lumalabas na nahihirapan ang pamilyang Pilipino sa pagbili sa pagkain. Nito namang Oktubre, lumalabas na nahihirapan din sila dahil sa taas ng presyo ng pamasahe, pambayad sa tubig at ilaw at medikal na mga pangangailangan.

Dagdag pa dito, lubhang apektado ang mga maralitang-lunsod sa kasalukuyang krisis pampinansiya na sumasalanta sa Estados Unidos at sa buong daigdig. Lalong tumitindi ang kanilang hirap sa pagtaas ng presyo ng bilihin at ng iba pang mga pangangailangan.

Sa katanuyan, maging ang pamimili ay apektado din ng krisis na ito, ani Aling Conching. Ang plastik na bote na dati’y naipagbibili ng P27 kada kilo ay maipagbibili na lamang ngayon ng P5 habang ang lata na dati’y P50 kada kilo, ngayon ay P10, salaysay niya. Lubhang naapektuhan nito ang arawang kita ng mga mamimili.

Sila rin ang unang-unang naapektuhan ng krisis sa bigas at pagkain. Dahil umaabot na mula P28 hanggang P40 ang presyo ng kilo ng bigas, nagtitiyaga ang mga maralita sa pagpila para sa mas murang bigas ng National Food Authority kahit na napakababa ng kalidad ng mga butil at hindi sapat ang suplay nito. Apektado ang nutrisyon ng mga Pilipino dahil sa paghihigpit nila ng sinturan pag dating sa pagkain.

Kawalan ng kasiguraduhan sa panirahan

Isa sa mga karaingan ng mga maralitang-lungsod ay ang usapin ng kawalan ng kasiguraduhan sa paninirahan. Lagi’t laging may pangamba ang mga ito na isang araw ay maari na lamang gibain ang kanilang mga kabahayan.

Isang matining na halimbawa ay ang naganap at magaganap pang serye ng demolisyon dahil sa pagtatayo ng Quezon City Central Business District. Apektado nito ang napakalaking bahagi ng lunsod ng Quezon gaya ng Sitio San Roque, San Isidro, Brgy. Central at Pinyahan. Aabot sa 15,000 na pamilya ang mapapalayas mula sa kanilang mga tahanan, ayon kay Carmen Deunida o Nanay Mameng ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Samantala, umabot sa mahigit 14,000 ang pamilya sa Bulacan at kahabaan ng riles ang sinalanta ng “pagmomodernisa” ng Philippine National Railways, dagdag ng grupo.

Mismong ang lugar ni Aling Conching ay humaharap din sa banta ng demolisyon. Ang Sampaloc, Bansalangin at Narra, mga lugar sa Payatas, ay inaangkin umano ng pamilyang Paez-Santos. Makailang ulit nang pinapadalhan ang mga residente doon ng demolition notice na nagdudulot sa kanila ng pangamba. Sumasailalim din ang mga lugar na ito sa Community Mortgage Program ng pamahalaan kung saan pababayaran sa mga residente ang kanilang lupa sa pangakong ito ay mapapasakanila sa hinaharap. Ngunit hindi sa karanasan, hindi napupunta sa mga residente ang mga ito, bagkus ay napapaalis pa nga sila pagkatapos ng ilang panahon.

Ayon sa Kadamay, ang inaatupag pamahalaang Arroyo ay pagpapalayas sa mga mahihirap mula sa kanilang tahanan habang kibit-balikat sa kahirapang dinaranas ng mga ito.

Bahagi ng ‘radikal na pagbabago’

Kung susuriin, malaki ang papel na ginagampanan ng mga maralitang-lungsod sa panlipunang pagbabago. Dahil sa dami ng kanilang bilang at sa hirap na kanilang nararanasan, isa sila sa mga pangunahing naghahangad nito.

Ayon sa Lagutin ang Tanikala ng Kahirapan, isang sulating hinanda ng Kadamay, aabot na sa 27 milyon ang maralitang-lungsod sa buong bansa. Malaking bahagi nito ay nagsisiksikan sa Kamaynilaan. Ayon pa rin sa dokumento, ang “maralitang-lungsod ay kinabibilangan ng mga manggagawa at mala-manggagawa na dumaranas ng matinding kahirapan.” Dagdag pa, sila din umano “ang lumalaking bilang ng mga mamamayang walang trabaho o regular na hanapbuhay.” Naninirahan sila sa mapapanganib na mga lugar gaya ng tabing riles, tambakan ng basura, ilalim ng tulay, estero, nakatiwangwang na lupa o kaya’y sa mga komunidad na kapos sa mga pasilidad at serbisyong panlipunan.

Karamihan sa kanila ay nagmula sa iba’t ibang lalawigan ng bansa na inigawan ng lupa at napilitang lumuwas ng Maynila sa pag-asang makakanahap ng bagong kabuhayan.

Matagal nang nakikipaglaban ang maralitang-lungsod para sa kanilang karapatan at pagababago sa lipunan.

“Pinatunayan ng mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng mga maralitang-lunsod na ang suliranin sa pabahay, trabaho, at karapatan ay sumasalamin sa krisis na sanhi ng mga saligang suliranin ng lipunang Pilipino,” ayon sa Kadamay. Ibig nilang sabihin ay kailangang tugunan ang ugat ng kahirapan ng mga mamamayang Pilipino.

Paliwanag ng grupo, ang patuloy na pakikialam sa pulitika ng Estados Unidos at pakikinabang nito sa ekonomya ng bansa, katuwang ang mga “lokal na naghaharing uri”, ang dahilan kung bakit naghihirap ang mayorya. Pinapanatili umano nito na “atrasado ang agrikultura at bansot ang industriya” ng bansa upang magbigay-daan para sa patuloy na pagsulong ng banyagang ekonomya.

Ayon pa sa grupo, tanging ang pakikibaka para sa “pambansang demokrasya” ang sagot sa kahirapang dinadanas ng maralitang-lungsod at ng sambayanang Pilipino. Kailangan umanong mapalaya ang bayan mula sa “dayuhang kontrol.”

Ayon kay Nanay Mameng, ang kailangan ng bansa ngayon ay “radikal na pagbabago sa bansa sa panahon ng lumalalang kahirapan at at kagutuman ng maralitang-tagalunsod.”

Dagdag pa niya, hindi na nakasasapat ang “pagsandig sa ligal na proseso upang kamtin ang panlipunang katarungan at kaunlaran para sa maralita.”

Para naman kay Aling Conching at iba pang residente ng Payatas, ang kahulugan ng “radikal na pagbabago” ay ang pagpapatupad ng “tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.” Ito umano ang magbibigay ng solusyon sa kawalan ng trabaho, kagutuman at kahirapang nararanasan ng mga mamamayan.

Pinapaigting daw nila ang laban ng maralitang-lungsod sa kasalukuyan, partikular na pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo, lalu pa’t naibasura na ang reklamong impeachment at patuloy ang maniobra sa Kamara para maisulong ang Charter Change na magpapahaba ng termino nito. Hindi umano matitigil ang paghihirap ng mamamayan habang nasa kapangyarihan ang pangulo.

Sa kagaganap lamang na “Lakbayan ng Maralita” sa pangunguna ng Kadamay noong Disyembre 1-2, nagmartsa ang mga maralita ng Payatas, kasama ang iba pang maralita, mula sa kanilang lugar tungo sa Mendiola.

Noong gabing bago ang martsa, naghanda sina Aling Conching. Kailangang magpalakas para sa aktibidad kinabukasan. Kung kaya, sinikap nilang makakain ng hapunan. Iyon nga lang, nahihiyang kuwento ni Aling Conching, “pagpag” (pagkaing mula sa basura, o pinagtirhan ng iba) lang ang naihain sa hapag.

Pero naniniwala siyang sa pamamagitan ng martsang iyon at marami pang ibang martsa, magbabago rin umano ang kalakaran.

PinoyWeekly

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: