Kuwento ng madla, pamamahayag ng madla


Kenneth Roland A. Guda

DI PA man alas-10 ng umaga na tinakdang oras ng pagsisimula ng programa noong Nobyembre 29, “standing room only” na ang Seminar Room ng National Institute of Geological Sciences (Nigs) sa UP Diliman.

Katunayan, lampas alas-otso pa lamang, may mga naghihintay na sa labas ng benyu. 50 hanggang 70 lang ang inaasahan naming dadalo sa kauna-unahang Pinoy Citizen Journalism Seminar. Ipinamalita lang kasi namin sa internet at ipinakalat sa mga kuwentu-kuwento ang Seminar, na mukhang kauna-unahan ngang seminar ng citizen journalists sa Pilipinas. May pang-engganyo pa kami sa mga dadalo, para masiguro lamang na di lalangawin: libreng pananghalian sa unang 50 pre-registrants.

Pero sa araw mismong iyon, humigit-kumulang sa 100 ang dumagsa sa Nigs — para dumalo sa lektyur nina Prop. Danny Arao at Tonyo Cruz, at para matuto sa iba’t ibang skills training sa pagsusulat ng balita at lathalain, photojournalism, pagkuha ng bidyo, at science blogging. Halatang uhaw sa kaalaman ang mga nagsipagdalo. Hindi na mahalagang hindi sila umabot sa unang 50 nabigyan ng pananghalian. Ang mahalaga, nakadalo sila sa breakout sessions, at natuto (sana) sa panimulang mga talakayan hinggil sa limang nabanggit na larangan.

Hindi namin sinasabi ito dahil kami ang nag-isponsor (kasama ang College Editors Guild of the Philippines, Computer Professionals Union, Agham-Youth at UP GEMS), pero masasabi talaga naming “breakthrough” ang naturang Seminar. Bilang mga mamamahayag kasi, palagi kaming naiimbitahan sa mga workshop, seminar, at lecture para magbahagi ng aming kaalaman sa pagsusulat, pagkuha ng larawan at iba pang gawain sa pagdidiyaryo. Pero kalimita’y kabataang mga mamamahayag ang odyens. Sa Seminar na ito, nangahas kaming ibukas sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang pagsasanay sa pamamahayag. Kaya nga pinili naming gamitin ang konsepto ng “citizen journalism.”

Nakakatuwa ang saklaw ng odyens na dumalo. Siyempre, maraming bilang pa rin ang mula sa kabataan — iyong batikang mga blogger, manunulat sa kampus, mag-aaral ng pamamahayag. May mga representante ang iba’t ibang publikasyon sa kampus, mula FEU hanggang PUP hanggang UP Los Baños. Pero nakakatuwa ang paglahok ng iba’t ibang organisasyong kumakatawan sa batayang mga sektor. May mula sa mga kawani ng gobyerno, manggagawa, migrante, kababaihan. Marami ang mula sa sektor ng kalusugan. May mga mula sa organisasyong pangkarapatang pantao. At marami pang iba.

Indikasyon ito ng pagnanais nilang masandatahan ng karampatang kaalaman — para sila na mismo ang mag-ulat ng kani-kanilang mga istorya. Napakarami ang limitasyon sa masmidya, laluna sa mainstream na masmidya. Bakit hindi sila na mismo ang maging mamamahayag ng kanilang mg isyu — silang mismong nasa front lines ng balita, silang mismong araw-araw na nakakasaksi sa mahahalagang panlipunang kaganapan? Madalas silang walang boses sa masmidya. Sa tulong ng Seminar, sana’y nabigyan sila ng kaunting kaalaman at, mas mahalaga, ng kumpiyansa sa sarili, para maging “citizen journalists.”

Panimula pa lamang ang inilunsad noong Nobyembre 29. Salamat sa lahat ng tumulong para masakatuparan ito: sa mga kapwa isponsor sa CEGP, CPU, Agham-Youth, UP GEMS at PhilippineReader.com; sa UP Nigs; sa mga naglektyur: kina Prop. Arao at G. Cruz, at sa mga nagbahagi ng kanilang kaalaman: sina Iris Estrera (newswriting), Rowena Paraan (features writing), Jimmy Domingo (photojournalism), EJ Mijares (videography) at Dr. Giovanni Tapang (science blogging); at, siyempre, sa mga dumalo — sa mga estudyante’t kabataan na dinayo ang sulok na ito ng UP Diliman, at sa mga miyembro’t kinatawan ng iba’t ibang sektoral na organisasyon.

Para sa inyo lahat ang isinagawang Seminar. Para sa inyong lahat ang aming mga larawan at panulat.

* * *


Registration: Alas-nuwebe ng umaga, dagsa na ang mga nagsipagdalo.


Isa sa mga nagbigay ng paunang salita si Rick Bahague ng Computer Professionals Union.


Masusing tinalakay ni Prop. Danny Arao ang konsepto ng citizen journalism at ang mga tungkulin at responsabilidad ng isang citizen journalist.


Samantala, abala rin si Soliman Santos, manunulat ng Pinoy Weekly, sa pagbenta ng librong Pluma at Papel, koleksiyon ng mga sanaysay ng tagapangulo ng editorial board ng Pinoy Weekly na si Rogelio Ordoñez.


Masigla at kuwelang tinalakay ni Tonyo Cruz ang mayamang potensiyal ng new media.


Isa sa mga nagbahagi sa open forum si Engr. Mon Ramirez, hinggil sa mga karanasan ng Arkibong Bayan — isa sa pinakamaningning at matagumpay na kuwento ng citizen journalism.


Pila-pila sa pagkain.


Paghahanda para sa breakout sessions.


Si EJ Mijares ng Sine Patriyotiko (Sipat) ang tagapagsalita para sa sesyon sa videography.


Masaya at makulay naman ang talakayan hinggil sa newswriting sa pangunguna ni Iris Pagsanjan-Estrera, associate producer ng Saksi sa GMA-7 News.


Masinsin at mabunga ang talakayan hinggil sa features writing sa pamumuno ni Rowena Paraan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).


Interesante at hindi lang pang-“geek” ang diskusyon hinggil sa science blogging ni Dr. Giovanni Tapang ng UP National Institute of Physics at AGHAM.


Sa kabila ng “nakabubura ng mukha” na lamig ng aircon, patok sa takilya ang diskusyon sa photojournalism ni Jimmy Domingo ng Konrad Adenauer Asian Center for Journalism sa Ateneo de Manila University.


Nagsagawa pa ng hands-on training sa mga nagsipagdalo sa kanyang sesyon si EJ Mijares ng Sipat.


Ang istap ng Pinoy Weekly na ilan sa mga responsable sa paghahanda para sa Seminar: (Mula kaliwa) Soliman Santos, Jeffrey Ocampo, Darius Galang, Kenneth Guda, at Ilang-Ilang Quijano.

Mga larawan nina Jeffrey Ocampo, Darius Galang, Ilang-Ilang Quijano at Makis Magaling

PinoyWeekly

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: