Hindi biro ang mag-Cha-Cha


Ilang-Ilang D. Quijano

Mahigit 77% ng taumbayan ang di pabor sa pag-aamyenda ng saligang batas, ayon sa sarbey (Ilang-Ilang Quijano)

Ekspresyon ng pagtutol sa Charter Change: Mahigit 77% ng taumbayan ang di pabor sa pag-aamyenda ng saligang batas, ayon sa sarbey (Ilang-Ilang Quijano)

NAKAKATAWA na nakakatakot ang isang bidyo na kumakalat ngayon sa Internet. Ginampanan ng nagpapakilalang Juana Change ang mahigit limang-minutong komedya hinggil sa ngayo’y mainit muling isyu hinggil sa Charter change (Cha-Cha). “Isang araw, magugulat ka na lang. Matanda ka na pala, kami nandito pa,” sabi ng kontrabida bago humalakhak at i-laser gun ng kanyang sidekick ang isang mananayaw na umaalma sa pambababoy diumano ng gobyerno sa kanyang paboritong sayaw.

Malinaw na tinutukoy ng bidyo si Gloria Arroyo, ang Pangulong pinakamatagal nang nakaupo sa puwesto sunod sa diktador na si Ferdinand Marcos.

Pinaniniwalaang nagmumula pa rin kay Arroyo ang panibagong tulak sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang 1987 Konstitusyon.

Simpatetikong Korte Suprema?

Halos kasabay ng pagbabasura ng Kamara sa ika-apat na reklamong impeachment laban kay Arroyo, sinimulan muli ng House Committee on Constitutional Amendments ang mga pagdinig hinggil sa Cha-Cha. Tinalakay ang House Resolution 737 ni Espiker Prospero Nograles ng Kamara. Pinababago ng HR 737 ang Seksiyon 2 at 3, Artikulo XII ng 1987 Konstitusyon para payagan ang mga dayuhang pagmamay-ari ng mga lupain sa bansa.

Katuwiran ni Nograles, kailangang isalba ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng krisis pandaigdig.

Pero agad na sumingaw ang mas kaduda-dudang motibo sa Cha-Cha sa HR 550 ni Batangas Rep. Hermilando Mandanas. Pinahahaba nito ang termino ng Pangulo hanggang Hunyo 30, 2011.

Sa kabila ng iskandalong nilikha ng HR 550 na agad namang ibinasura ng komite, nagpursige sa Cha-Cha ang mga kaalyado ni Arroyo sa partidong Kampi (Kabalikat ng Malayang Pilipino). Itinutulak nila ang pagbubuo ng Kongreso sa isang Constituent Assembly (Con-Ass).

May 167 kongresista na ang pumirma sa ihahaing resolusyon ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, presidente ng Kampi. Balak ng Kampi, mangalap ng 197 pirma sa Kamara na kakatawan sa ¾ ng kabuuang miyembro ng Kongreso o 238 kongresista at 24 senador. Pupuwersahin nitong resolbahin ng Korte Suprema, sa wakas, ang isyung bumabara sa pagbubuo ng Con-Ass.

Ayon sa 1987 Konstitusyon, maaaring amyendahan ang Konstitusyon kung boboto ang ¾ ng mga miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Pero hindi malinaw dito kung boboto nang hiwalay o iisa ang Mababa at Mataas na Kapulungan.

Di tulad noong 2006 na ibinasura ng Korte Suprema ang people’s initiative, naunang tangka ng administrasyon para itulak ang Cha-Cha, paborable para kay Arroyo kung magdedesisyon sa susunod na taon ang korte hinggil sa Con-Ass. Pitong hurado ang magreretiro. Pawang mga appointees ng Pangulo ang matitira. Siya rin ang magtatalaga sa bagong mga hurado.

Mismong si dating Chief Justice Artemio Panganiban, kinatatakutan ang isang “Korte Suprema ni Arroyo.” Umano’y baka mabahiran ng impluwensiya ng Pangulo ang tanging sangay ng gobyerno—sa ilalim ng pamumuno ni Chief Justice Reynato Puno—na may imaheng relatibong independiyente mula sa ehekutibo.

Paliwanag ni Makati Mayor Jejomar Binay, presidente ng United Opposition, “Malakas ang loob ng mga nagtutulak ng Cha-cha sa Kamara na magiging simpatetiko ang Korte Suprema at aalisin nito ang legal na mga balakid sa Konstitusyon hinggil sa term limits ni Arroyo.”

Term extension: ‘Di mapipigilan’

Sa isang birthday party sa tahanan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez noong Nobyembre 15, napabalitang dumalo sina Pangulong Gloria at kabiyak na si Mike Arroyo para basbasan ang Con-Ass. Ngayon, kasama ni Villafuerte sina Romualdez at Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo, anak ng Pangulo, sa pangangalap ng pirma para dito.

Itinatanggi ni Villafuerte na ang lahat ng ito ay para maisalba ang Pangulo, na posibleng kumaharap sa iba’t ibang kasong kriminal kapag natanggalan ng immunity from suit sa 2010. Umano’y walang kinalaman ang Con-Ass sa pagharang sa darating na halalan. Dapat lang umanong resolbahin ang moda ng pagbabago ng 1987 Konstitusyon.

Pero marami ang naniniwala na kapag nabuo na ang Con-Ass, hindi mapipigilan ang pagpasok ng probisyon sa pagpapahaba ng termino.

Isa na rito si Sen. Francis Pangilinan. “Kung may humirit at sabihing ayaw ko ng economic provisions lamang, walang magagawa ang sinumang senador o kongresista. Dahil hindi puwedeng ilimita…Oras na magkaroon ng objection, at magkaroon ng proposal, puwedeng pagbotohan iyon. At kung ang pagbobotohan ay term extension, baka matuwa ‘yung napakarami at sabihing, ‘sama-sama na tayong pabor,’” aniya.

Hindi sang-ayon ang mga senador, maging ang kilalang mga kaalyado ni Arroyo na sina Sen. Miriam Defensor-Santiago at bagong-halal na Senate President Juan Ponce Enrile, sa Cha-Cha bago ang 2010 halalan.

Para kontrahin ang Con-Ass, naghain ng resolusyon si Sen. Mar Roxas na nagpapatawag ng isang Constitutional Convention (Con-Con) pagkatapos ng 2010 halalan. Ang mga delegado sa Con-Con na siyang magpapanukala ng mga pagbabago sa Konstitusyon, ihahalal kasama ng iba pang mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Sen. Aquilino Pimentel Jr., na nagtutulak ng pagbabago tungo sa parlamentaryong porma ng gobyerno, “makukulapulan ng partisanong pamumulitika” ang paghalal ng mga delegado sa Con-Con.

Pero dahil tila mahihirapan ang Kamara na ilusot ang Con-Ass nang walang kaparis sa resolusyon mula sa Senado, bukas sa Con-Con si Nograles—dahilan para umugong ang balitang patatalsikin siya ng mga taga-Kampi mula sa pamunuan ng Kamara—gayundin si Majority Floor Leader Arthur Defensor ng partidong Lakas.

Walang kinalaman?

Samantala, iginigiit ni Press Secretary Jesus Dureza na walang kinalaman ang Palasyo sa hakbang ng kanyang mga kapartido. Hindi rin umano ito makikialam sa isang kapantay na sangay ng gobyerno.

Gayunpaman, dinedma nito ang hamon ng ilang mga obispo na pumirma ang Pangulo ng isang dokumentong nangangakong hindi siya mananatili sa puwesto lampas sa 2010. “Ipagpapatuloy lamang niya ang dapat gawin bilang Presidente—ang pamumuno (governance),” ani Dureza.

Pero ayon kay Sen. Pia Cayetano, ang pananahimik ni Arroyo at kabiguan nitong sawatahin ang Con-Ass ay nangangahulugang pabor siya rito. “Kung talagang sinsero siyang hindi pahabain ang kanyang termino, bakit hindi niya ihayag ang oposisyon sa mga hakbang ng sarili niyang mga kaanak sa Kamara?”

Nagkakaisa rin ang mga lider-simbahan at ang mga negosyante na anupaman ang moda o ipinapalitaw na dahilan, hindi dapat amyendahan ang 1987 Konstitusyon sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Self-serving” o pakikinabangan lamang ito ng mga nagtutulak ng Cha-Cha, ayon kay Alberto Lim, presidente ng Makati Business Club. Maging si Edgardo Lacson, presidente ng kadikit ng administrasyon na Philippine Chamber of Commerce and Industry, sinabing magdudulot lamang ng “political turmoil” o kaguluhang pampulitika ang Cha-Cha ngayon.

Ayon pa kay Arsobispo Gaudencio Rosales, na kilala ring tagasuporta ni Arroyo, hindi dapat ipagkatiwala ang Cha-Cha sa mga nasa kapangyarihan dahil sa kanila umanong “vested interests” o itinatagong pansariling mga interes.

Kahit ang taumbayan, lumalabas na hindi pabor sa Cha-Cha.

Sa pambansang sarbey noong nakaraang buwan ng Ibon Foundation, mayorya o 77.4% ng mga rumesponde ang nagsabing tutol sila sa pag-aamyenda ng Konstitusyon. Tumaas pa ang rating na ito kumpara sa sarbey noong Abril kung saan 68% ng mga rumesponde nang negatibo sa Cha-Cha.

Laging may duda

Bukod sa posibleng pagpapahaba ng termino ni Arroyo, tinututulan ng progresibong mga kinatawan ng party-list at ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang iba pang inihahaing mga pagbabago sa Konstitusyon. Pangunahin dito ang pagtanggal sa mga restriksiyon sa dayuhang pag-aari ng lupa, pampublikong yutilidad, mass media, paaralan, at advertising firms.

“Magreresulta ang 100% pagmamay-ari ng dayuhan sa mga lupain ng pinatinding pangangamkam ng lupa mula sa mga magsasaka at pagdambong sa kalikasan,” sabi ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Binabantayan din ng Bayan ang pag-aamyenda sa Bill of Rights na nagsisiguro ng batayang mga karapatang pantao, at pag-alis ng mga safeguard o panlaban sa pagdedeklara ng Batas Militar.

Dagdag pa ng grupo, tututulan nila ang pagpapababa sa kinakailangang mga boto sa Kongreso para ratipikahin ang internasyunal na mga tratado na maaaring nasa disbentahe ng taumbayan, gayundin ang mga probisyong magpapabalik ng dayuhang mga tropa at baseng militar sa bansa.

“Sa ilalim ng kasalukuyang sirkunstansiya…laging pagdududahan ang mga hakbang para baguhin ang Konstitusyon. Sa panahong hindi dominante sa gobyerno ang interes ng mga mardyinalisado at inaapi, laging makikinabang sa Cha-Cha ang mga naghahari sa ekonomiya at pulitika, kapwa lokal at dayuhan,” sabi ng Bayan.

Panahon ng oposisyon

Kung paniniwalaan ang mga grupo at indibidwal na nag-oorganisa ng malaking kilos-protesta sa Disyembre 12, “papuntang Ayala Ave. ang lahat ng daan.” Umano’y panahon nang magpakitang-gilas ang mga tumututol sa Cha-Cha at pananatili sa puwesto ni Arroyo.

Kinabibilangan ito ng mga taong-simbahan, negosyante, estudyante, dating nakakataas na opisyal ng gobyerno, at progresibong mga grupong sektoral na kumakatawan sa mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, empleyado ng gobyerno, kababaihan, at iba pa.

“Talagang naghahanap ng venue ang taumbayan para maipahayag ang kanilang galit sa Cha-Cha,” sabi ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Kung pagbabatayan ang sentimyento ng ordinaryong mga mamamayan gaya ni Juana Change, magiging makulay at pursigido ang muling pagbuhay ng protesta laban sa hindi birong banta na matapatan o mahigitan pa ni Arroyo si Marcos sa bilang ng mga taon na nakaupo sa puwesto.

http://www.pinoyweekly.org

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: