(Larga Vista) Pagdakip at pagpapahirap sa akin


Elizabeth Principe

HAYAAN muna ninyong pasalamatan ko ang Karapatan-Ilocos at Dinteg sa Baguio City sa suporta nila sa kaso kong rebelyon sa Condon City. Na-dismiss ang kaso ko doon noong ika-22 ng Oktubre 2008. Sa katunayan, nagulat akong nalaman na may kaso ako sa Condon City – Hindi pa nga ako nakatuntong ng Ilocos bago ang arraignment.

Nakagaan sa akin ang dismissal, nabawasan ang apat kong kaso. Natitira pa ang dalawang (2) kaso ng robbery with murder at isa pang rebellion. Binuntunan ako ng kriminal na mga kaso para hindi makapagpiyansa.

Nagsimula ang kalbaryo ko noong ika-28 ng Nobyembre, sa pagdukot sa akin ng Intelligence Security Group (ISG) sa ibaba ng Fern Laboratory sa Cubao, Quezon City. Katatapos ko lamang magpa-x-ray at magpa-ECG sa Fern Lab kung saan mura. Mga mula sa mababang uri at saray ang nakasabay ko sa check-up.

Mabuti nga na may kolum ako rito sa PW, para mailinaw na di sa Ali Mall ako dinukot. Galing sa AFP ang balitang nagmo-malling ako nang madukot. Paninira nila sa kilusan na ang mga kasapi nito ay sa mall o sa sabungan nadarakip gayung naghihirap ang mga mamamayang Pilipino.

Sumigaw muna ng “Pulis kami” saka pilit na isinakay ng dalawang matitipunong lalaki sa nakabara-sa-daan na van na may sakay pang mga lalaki. Piniringan, pinosasan ako kaagad; inagaw at kinalkal ang bag ko. Nang tinanong ko bakit ginawa nila iyon sa akin, tape sa bibig ko ang sagot nila. Hindi nila kilala si Miranda, manapa’y nilampaso si Miranda at ang kanyang mga karapatan.

Unang araw pa lamang, walong (8) beses akong ininteroga. Tuluy-tuloy ang piring, posas at pasak sa tainga nang 72 oras.

Sa interogasyon, napako kami sa pangalan pa lamang. Hindi ko inamin ang tunay kong pangalan sa dami ng nakasampang kasong kriminal at mabibigat sa nagngangalang Elizabeth Principe. Baka nga kapag nalaman nila na ako si EP ay tabunan nila ako ng isang trak ng basura o isimento nila sa dram saka ihulog sa dagat o ipasok sa loob ng patumpatong na goma saka sunugin. Di nga ba ang daming missing, pati ang mahal kong asawa, si Leo Velasco.

Modelo ko sa bahagi ng interogasyon ang isang kakilala ko na dalawang taong nakulong ngunit di inamin sa lahat ng interogasyon niya ang tunay niyang pangalan. Ayaw niyang ipaalam na ikalawang beses na niyang pagkadakip iyon. Tumimo sa akin nang husto ang tibay niyang pinanindigan ang pangalang Marcial, hindi ko na tuloy maalala ang tunay niyang pangalan.

Sa unang sandali pa lamang na naisakay ako sa van, alam ko nang nadukot ako at tinanggap ko ang kamatayan. Hindi ako natatakot mamatay, o tumagal at mabulok sa bilangguan, sinabi ko ito sa mga interogador. Sa dami ba naman ng na-missing at na-extra-judicial killing, hindi ko iniisip na maiiba ang aking istorya.

Ang mga tula ni Jose Ma. Sison sa loob ng bilangguan ang nagbigay ng lakas-loob sa akin. “Mas mahirap ang naging kalagayan niya pero nakaya niya, dapat ko ring kayanin ito,” kako. Dagdag pa ang kuwento ng may karanasan sa mga hulihan – na ang hindi natakot sa kamatayan at tortyur ang hindi bumigay sa interogasyon at hindi naipagkanulo ang mga mamamayan. Sa kabilang panig, kapag pinangangalagaan ang buhay, lalo itong nawawala pati ang dignidad.

Sa mga gabi, problema ko kung paano matulog sa kalagayang walang humpay ang tunog ng nakapasok sa aking tainga na MP3. Binabago ko ang posisyon ng pasak para mapahina ang tunog pero agad nalalaman ng aking dalawang 24-oras na guwardiya. Dito ko natantiyang may kamerang nakatutok sa akin. Iniangal ko sa guwardiya na tortyur ang walang tigil na tunog na nagpapasakit sa ulo ko. Mag-enjoy na lang kaya ako sa tunog, kako. Pumuwede rin ng ilang oras.

Minsan napagalit ko ang guwardiya nang binago ko ang puwesto ng earplug, lubha niyang hinigpitan ang piring ko. Maliban dito, hindi ako pisikal na sinaktan. Soft approach at pananakot ang ginamit sa akin ng militar.

Ikinakaila nila sa akin ang totoong oras. Ibinibigay ang gamot na panggabi kahit tanghali pa lamang. Sinabing tatlong araw na akong naroon gayung isang araw pa lamang. Buti na lamang may alaga silang tandang na manok, salamat sa tilaok nito. Nagbilang ako ng pagdaan ng mga eroplano sa bawat araw para maging alerto at aktibo ang isip ko.

Ika-1 ng Disyembre nang inakay ako ng mga guwardiya na maligo. Nagtaka ako dahil dati-rati’y ako ang nagsasabi kung anong oras ako maliligo. Pagkaligo, inalis ang tsinelas ko, ipinalit ang sandals ko. Isinakay ako sa kotseng mabango, may aircon at malambot ang upuan. Isip ko, kung ihuhukay o susunugin na ako, dapat karag-karag na lang na sasakyan at di na ako pinaligo. Wala pang limang minuto, huminto na kami at naghintay nang matagal. Tinantiya ko na ipiprisinta ako sa midya, narinig ko kasi sa radyo ng kotse ang pahayag ng opisyal-militar na nadakip na nila si EP. Pinag-isipan ko na kung ano ang isisigaw ko pagharap sa midya. Taranta naman ang dalawang babaing pulis kung paano nila tatakpan ang maraming pasa sa aking kamay at bibig.

Bakit ako inilitaw? Tantiya ko’y inilabas ako para ma-divert ang isyu at makaalpas ang AFP at PNP sa sangkaterba na puna ng mga mamamayan, lalo ng midya sa magaspang na pagresolba sa naganap sa Manila Peninsula noong Nobyembre 29. At kapwa siraan ang grupo ni Sen. Trillanes-Lim at ang CPP-NPA-NDF sa paratang na nagsabwatan ito sa naganap sa Manila Pen. Sinampal ako ng paratang na kasama raw ako sa nagplano. Ngi! Hindi ko nga alam na naganap iyon at hindi ko pa nakita sa buong buhay ko si Sen. Trillanes at mga kasamahan niya.

Matapos akong iprisinta sa midya, balik piring, posas at pasak sa tainga; at balik pinanggalingan. Waring gustong iparinig sa akin, may nagsabing “5th ID pala ang nakahuli.” Nais akong linlangin ng mga ito, sabi ko sa sarili. Ang isa nama’y ibinulong sa aking ang “Kung makatakas ka o makalaya, ako ang papatay sa iyo.” Sinagot ko siya kaagad ng “Bakit ka nananakot?” Itong panakot na ito ang isang batayan ng pagsasampa ng petisyon para sa writ of amparo, na dinismis naman ng Special 8th Division ng Court of Appeals (hep-hep, fast forward na ito).

Alas-dos ng hapon, inilipat ako sa CIDG. Doon ko nakita ang mahal kong mga anak, mga miyembro ng Karapatan, Desaparecidos, EMJP, mga galing ng Cagayan Valley, at mga biktima at kamag-anak ng mga biktima ng karahasang militar. Pinagpiyano ako, saka ibinalik ang handbag ko na kinumpiska ng mga dumukot sa akin. Nawalan ng P12,000 ang pera ko, nagdagdagan ng planted na Ang Bayan. Ipina-nota ko sa CIDG ang nawala at planted.

Ipina-medical ako – doon nanota ng doktor ang marami kong pasa sa dalawang kamay at bisig. Sa daan pa-medical, na-interbyu ako ng ABS-CBN pero hindi naman lumabas sa TV. Maraming pa noong kaso na nai-interbyu ako at mga anak ko noong may hearing sa Court of Appeals pero di lumalabas sa TV.

Sunod, inilagak na ako sa Custodial Center kung saan ako ikinulong. Kinuha lahat ng pulis doon ang mga gamot ko, baka ko raw inumin nang sabay-sabay. Hihingi raw ako sa kanila sa bawat pag-inom ko.

Isang linggo akong padlock, di puwedeng lumabas ng selda. Abogado lamang ang puwedeng bumisita, di puwede kahit kamag-anak. Kahit nga si Cong. Satur Ocampo ay di pinayagang makadalaw sa akin (Dami pa naman niyang dalang pagkain).

Binilinan ng mga opisyal ng Custodial na huwag makipag-usap sa akin ang ibang detainee, baka raw bigla ko lang karatehin sila at pilipilitin ang leeg. Isang buwan na wala akong kasama sa selda na ayon sa kuwento ay may multo; itinoka ako sa higaan ng taong nagpakamatay. Makaraan ang ilang panahon, tinanong ako ng ibang detainee kung bakit hindi ako natatakot sa mga multo at walang nagpakitang multo sa akin. Sagot ko’y “Mga kakosa ko kasi ang mga pinatay dito.”

Nagtataka ang mga naunang detainee bakit hindi ako umiyak noong mga unang araw ko at waring magaan pa ang dating ko sa kanila. Sabi ko’y “Ang isang paa ko’y nasa hukay nitong nakaraang ilang araw, pasalamat ako’t inalis doon at di naisama sa bilang ng mga nangawala at napatay.”

Nakatulong sa aking ang pag-iisip ng positibo para di lubhang ma-depress sa bagong mundo ko. Mula sa ekta-ektaryang luntian ang pinagpipiyestahan ng mga mata ko, naging 2-by-3 metro kuwadrado na lamang ang pinagtitiyagaan ng mata ko. Pero ang isip ko’y milya-milya, daan-daang milya, libu-libo, milyun-milyong milya sa ilang daang taon ang inilalarawan. Ang isip ko’t diwa ay di naikulong.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: