(Pinoy Weekly Editorial) Migrante ang bulnerable


KAKAIBANG takot ang kumakabog sa dibdib ng bawat migranteng Pilipino na nagtatrabaho nang parang mga alipin sa halos lahat ng sulok ng daigdig. Ngayong unti-unting lumalatag ang pang-ekonomiyang resesyon sa bawat bansa, maunlad man o atrasado, na apektado ng pagbagsak ng malalaking bangko at pampinansiyang institusyon sa US, ibayong panghihigpit at kahirapan ang nakaamba sa lahat ng mga mamamayan lalo ang nasa pinakamabababang saray ng lipunan.

Sa kategoryang ito ang ating mga kababayang OFW (Overseas Filipino Worker). Kahit pa hikayatin ni Pangulong Arroyo, sa talumpati sa paglulunsad ng kampanya para sa Global Forum on Migration and Development o GFMD, na tawaging expatriate ang mga OFW na may magiginhawa diumanong buhay sa ibang bansa, maisasampal sa kanyang mukha ang baliktad na reyalidad.

Isa sa bawat tatlong Pilipino ang unskilled worker, ayon sa 2007 Survey on Overseas Filipinos ng National Statistics Office. Nakatatanggap lamang sila ng average na sahod na $200 hanggang $300 o maliit pa sa P10,000 hanggang P15,000 kada buwan. Milyun-milyong OFW pa ang di-dokumentado – patagu-tago, walang kaseguruhan sa trabaho at mga benepisyo, at bulnerable sa pang-aabuso.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang horror story ng pagsasamantala at pang-aabuso sa mga OFW na lumalabas sa midya (at ginawa na ngang salalayan ng kampanya ng isang senador na may ambisyon para sa 2010), hanggang ngayon pilit pa ring niloloko ni Arroyo ang bayan na mabuti ang ani ng polisiyang labor-export ng gobyerno. Na masaya ang mga migranteng “bayani” na isinasalba ang naghihingalong ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng bilyun-bilyong remitans. Ito’y dahil simula’t sapul, kalakal lamang, at hindi tao, ang turing sa kanila.

Pampakalma ni Diwa Gunigundo, deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, makakatulong ang mga OFW remitans na mabawasan ang tindi ng hagupit ng pandaigdigang krisis pampinansiya sa ekonomiya ng bansa. Pag-aalala naman ni Press Secretary Jesus Dureza, kapag natuloy ang resesyon, babagsak maging ang mga remitans na ipinapadala ng mga migranteng Pilipino. Pero positibo pa rin si Dureza. “Patuloy ang pag-eempleyo sa Gitnang Silangan at hindi ito apektado ng krisis sa US. Kahit papaano magpapatuloy ito; ito ang magiging salalayan natin kahit may pandaigdigang krisis. Maaasahan ang ating mga OFW. Sila ang ating mga bayani,” aniya.

Anu’t anuman, ipinakikita ng mga pahayag ng nasabing mga opisyal kung saan nakatingin ang gobyerno – sa remitans, at hindi sa kapakanan ng mga OFW at ng lipunang Pilipino. Tanda itong magpapatuloy ang palpak na neoliberal na mga polisiya ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon na nagbansot sa lokal na ekonomiya at kakayahan nitong lumikha ng disenteng mga trabaho. Tanda itong magpapatuloy ang pang-eenganyo ng pagluluwas ng paggawa, kalimutan na ang mga kabayaran gaya ng pagkawasak ng mga pamilya at paghuthot ng lakas at talino ng bayan.

Ayon sa International Migrants Alliance o IMA, tiyak ang paglala ng sitwasyon ng mga OFW. Gagamitin ng mga employer ang krisis at kaakibat nitong desperasyon ng mga migrante na makapagtrabaho para tapyasin ang mga sahod, ipagkait ang mga benepisyo, at maging mapang-abuso. Ibayong diskriminasyon at rasismo ang daranasin ng ating mga kababayan na aakusahang “nagnanakaw” ng trabaho, lalo’t tataas ang disempleyo sa ibang bansa. Para protektahan ang sariling merkado sa lakas-paggawa, maghihigpit ang mga bansa sa mga patakaran sa migrante at titindi ang pagtugis sa mga di-dokumentado.

Ano ang tugon ni Pangulong Arroyo? Safety nets umano at programa sa alternatibong kabuhayan na wala pang hugis. Magkahugis man, hindi pa rin nito napapawi ang uhaw ng ating mga kababayan para sa disenteng trabaho sa sariling bansa. Pero mas malamang, nagwiwika lamang siya ng pagkabahala sa mga OFW para magpapogi sa nalalapit na GFMD, isang porum na inisponsor ng United Nations. Dito inaasahang ibibida ni Arroyo ang polisiyang labor-export para tularan ng ibang bansa (na tutuusi’y wala nang ibang matutularan sa gobyernong itong walang kredibilidad sa pandaigdigang komunidad). Dito inaasahang pagtitibayin ang tiwaling konsepto na nagdudulot ang migrasyon ng pag-unlad.

Kokontrahin ang GFMD ng International Assembly of Migrants and Refugees o IAMR. Ang IAMR ang “tunay na boses” ng mga migrante, ayon sa IMA na organisador nito. Kaiba sa GFMD na kasangkapan ng kanilang pagsasamantala’t pagpapakaalipin, malayang maipapahayag ng mga OFW sa IAMR ang takot na kumakabog sa kanilang dibdib dahil sila ang pinakabulnerable sa lumalalang sitwasyong pang-ekonomiya saanmang panig ng daigdig. Malaya rin silang makapagpapahayag ng galit sa isang pangulong may kapal-ng-mukhang magsalita sa kanilang pangalan, gayong matagal nang umaakto laban sa kanilang tunay na interes. (IDQ)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: