Mula US hanggang RP: Krisis sa balikat ng bayan


Ilang-Ilang D. Quijano

KAHIT ipinasa ng Kongreso ng US ang $700 Bilyong piyansa para sa nagbagsakang higanteng mga bangko at institusyong pampinansiya sa US, naniniwala ang mga eksperto sa ekonomiya na magtatagal ang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya. Isinalba, pansamantala, ang mga “haligi ng kapitalismo.” Pero pinangangambahang magdurusa – sa kagyat at pangmatagalan – ang mga mamamayan hindi lamang ng US kundi ng mundo, kabilang ng Pilipinas.

Pinuri ni Pang. Arroyo ang bailout o Emergency Economic Stabilization Act of 2008 na pinirmahan ni US Pres. George W. Bush noong Oktubre 3. Aniya’y unang hakbang ito sa “mahabang daan” patungo sa pagnormalisa ng mga merkadong pinansiyal. Inudyok niya ang mga mamamayan na “manatili sa landas” habang inaasikaso ng kanyang administrasyon ang mga hakbang para mapangalagaan ang ekonomiya ng bansa.

Pero hindi nagiging matapat ang administrasyong Arroyo sa mga epekto sa mga mamamayan ng tinataguriang “pinakamatinding krisis ng sistemang kapitalismo” sa loob ng 80 taon. Ang inilatag ding mga plano ng kanyang pangkat pang-ekonomiya ay hindi batayang mga repormang pang-ekonomiya, kundi “mala-Bush” na mga solusyong ikalulugi ng mga mamamayan para sa ganansiya ng mga dati nang nakikinabang sa sistema.

Nawala ‘na parang bula’

Positibo si Sek. Margarito Teves ng DoF (Department of Finance) na makatutulong ang bailout para maiwasan ang pandaigdigang resesyon na pinangangambahan maging ng IMF (International Monetary Fund). Ayon sa IMF, may 25 porsiyentong tsansa na bumaba sa tatlong porsiyento ang tantos ng paglago (growth rate) ng pandaigdigang ekonomiya sa 2008 at 2009 o katumbas ng resesyon.

Gayunpaman, ayon kay Paul Quintos, ekonomista at executive director ng Eiler (Ecumenical Institute for Labor Education and Research), pumasok man sa pandaigdigang resesyon o hindi, tiyak ang “pagbagal ng produksiyon, paglaki ng disempleyo, pagtumal ng pamilihan, at pagtindi ng kahirapan ng mga mamamayan.”

Dulot ang pagkabangkarote ng tatlo sa limang pinakamalaking bangko sa pamumuhunan – Bear Stearns, Lehman Brothers, at Merrill Lynch – ng pagputok ng artipisyal na bula sa real estate. Para lumobo ang halaga ng pag-aaring pampinansiya ng US at makapag-engganyo ng pagkonsumo, nag-alok ang malalaking bangko ng US ng mababang interes sa mga pautang sa pabahay. Inengganyong mangutang maging ang maliliit lamang ang kita batay sa pinalobong halaga ng isinanglang mga bahay nila (tinatawag na subprime mortgages). Pero nakapako naman ang sahod kaya’t nabigong makapagbayad ang karamihan simula noong 2006.

Unti-unting nalugi ang mga bangko at institusyong pampinansiya di lamang sa US kundi sa buong daigdig na sumugal sa di-kontroladong ispekulasyon. Noong Setyembre 30, naganap sa 30 bansa ang pinakamatarik na pagbagsak ng stock market sa kasaysayan. Sa tantiya ng IMF, aabot sa US$ 945-B ang halaga ng pagkalugi at pagbagsak ng halaga ng mga pag-aari sa US (asset write-downs). Sa iba pang pagtantiya, ayon kay Quintos, maaaring umabot sa $30 Trilyon ang kabuuang halagang “mawawala nang parang bula” sa buong daigdig dahil sa yumanig na krisis.

Malawakang tanggalan

Pagyayabang noong una ni Nestor Espenilla, deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, di-gaanong apektado sa krisis ang lokal na merkadong pinansiyal. Umano’y isang porsiyento lamang ng buong sistema ng pagbabangko sa Pilipinas ang US$ 386 Milyon na exposure sa Lehman Brothers ng pitong bangko at kaya ng mga itong tumindig sa sariling mga paa.

Pero sa press briefing sa Malakanyang kamakailan, sinabi ni Sek. Ralph Recto ng National Economic Development Authority na magiging mas matumal kaysa inaasahan ang buong takbo ng ekonomiya. Mula sa growth target sa GDP na 5.5 hanggang 6.4 porsiyento ngayong taon, naging 4.4 hanggang 4.9 porsiyento na lamang. Ibig sabihin, mas malalim at malawak ang mga epekto sa lokal na ekonomiya ng pandaigdigang krisis pampinansiya kaysa nais aminin ng administrasyong Arroyo.

Noong Agosto 2007 nang unang pumutok ang krisis sa subprime ng US, nawala ang P2-T na halaga-sa-papel ng sapi sa Philippine Stock Exchange, ayon kay Quintos. Sinabi rin niyang bumaba nang 12.3 porsiyento ang lakas ng piso laban sa dolyar ngayong taon at posibleng sumadsad muli sa P50 kada dolyar.

Higit pa sa negatibong epekto sa stock exchange at exchange rate ang inaasahang pagtumal sa pagpasok sa bansa ng dayuhang kapital at pagliit ng merkado para sa iniluluwas na mga produkto at serbisyo sa US. Paliwanag ni Quintos, “pinakamalalang maaapektuhan ng krisis ang mga bansang atrasado [gaya ng Pilipinas] na mahigpit na nakatali sa neokolonyal na relasyong pangkalakalan sa US.”

May 16 porsiyento ng kabuuang eksport ng Pilipinas ang napupunta sa US habang 70 porsiyento ang di-direktang napupunta dito sa pamamagitan ng ibang mga bansang Asya kung saan binubuo (ina-assemble) ang mga kasangkapan bago i-eksport din sa US, ayon sa datos ng Ibon Foundation. Dahil sa mas mahigpit na pagkokonsumo doon, inaasahang liliit ang US$ 9.4-B na direktang kinita mula sa mga eksport sa US noong 2007.

Inaasahan ding tutumal ang mga dayuhang pamumuhunan mula sa US sa pagmamanupaktura, BPO (Business Process Outsourcing), at serbisyong pampinansiya. May 20 porsiyento ito ng kabuuang FDI (foreign direct investment). Mula sa mga merkado sa US ang halos 90 porsiyento ng kita ng BPO na nakasentro sa mga call center.

Ipinagmamalaki pa naman ng administrasyong Arroyo na numero unong tagalikha ng trabaho ang mga Export Processing Zones at BPO. Pero pagsasara ng maliliit na negosyo at malawakang tanggalan ang nakaamba sa mga ito at iba pang apektadong industriya. Mula Hulyo 2007 (hudyat ng krisis sa subprime sa US) hanggang Hulyo 2008 na lamang, 125,000 manggagawa sa pagmamanupaktura ang tinanggal sa trabaho—inaasahang tataas ang bilang nila. Inaasahang apektado rin ang mga ahente ng call center na karamiha’y nasa National Capital Region.

Maging ang pagluwas ng mga OFW (Overseas Filipino Worker), inaasahang babagal. Sa buong mundo, ayon sa International Labor Organization, tinatayang limang milyong manggagawa ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagtumal ng pandaigdigang ekonomiya. Noong nakaraang buwan, 159,000 manggagawa ang natanggal sa trabaho sa US—na ngayo’y makikipag-agawan pa ng oportunidad sa mga OFW at iba pang migrante doon.

“Malilimitahan ang bilang ng mga Pilipinong makakahanap ng trabaho sa ibang bansa, ” ani Quintos. Mangangahulugan umano ito ng mas kaunting remitans at mas matamlay ding konsumo sa Pilipinas dahil sa laki ng papel ng remitans sa lokal na ekonomiya.

Solusyon nga ba?

Umaasa ang administrasyong Bush na sasapat ang mahigit US$ 1.3-T inilaan nito para maisalba ang ekonomiya ng US mula sa pagkabangkarote ng malalaking institusyong pampinansiya. Bukod sa US$700-B bailout, naglagak ito ng US$ 29-B para bilhin ang Bear Stearns, US$ 200-B para isalba ang dalawang pinakamalaking nagpapautang sa pabahay na Freddie Mac at Fannie Mae, US$ 85-B para bilhin ang mayoryang kontrol ng papalubog na American Investment Group, at US$ 180-B para pasiglahin ang merkadong pinansiyal.

Umaani ng batikos ang administrasyong Bush dahil sa halip na parusahan ang “kasakiman” (greed) ng mga ispekulador, ginamit pa ang buwis ng mga mamamamayan para sagipin ang mga ito. Gaya ng kung paano, ayon sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), ginamit ni Pangulong Arroyo ang VAT (Value-Added Tax) para pagtakpan ang palpak na mga polisyang pang-ekonomiya na nagdulot ng piskal na krisis noon. Ngayon, dagdag-buwis at iba pang pampasigla sa ekonomiya (fiscal stimulus) pa rin ang panukala ng administrasyong Arroyo para manatiling nakalutang ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng pandaigdigang krisis pampinansiya.

Nanawagan si Teves sa Kongreso na ipasa ng Kongreso ang P1.4-T pambansang badyet na may nakalaang P147.5-B para sa imprastruktura. Ayon kay Recto, “Ang mantra ng Neda ay infra, infra, infra para mapaunlad ang growth rate ng ekonomiya.”

Gayunpaman, nasa depensiba ang gobyernong Arroyo sa paggastos ng pondo para sa imprastruktura na kilalang napupunta lamang sa korupsiyon. Kaya napilitan si House Espiker Prospero Nograles kamakailan na ihayag na hindi gagamitin ang pondo ng mga pulitiko para sa 2010 halalan, kasabay ng pagtatayo ng komite na magmomonitor nito. Tinitingnan naman ni Quintos na “pansamantala” ang epekto ng ganitong pampasigla sa ekonomiya.

Tinutulak din ng DoF ang mga panukalang batas para sa rasyunalisasyon ng insentibo sa buwis ng mga kompanya (fiscal incentives) at buwis sa sigarilyo at alkohol (sin taxes). Inaasahang kikita ng P10-B ang gobyerno sa una, at P12-B hanggang P25-B sa huli. Para pa rin sa dagdag-kita, agresibo nang ibinebenta ng gobyerno ang Petron Corp. at Philippine National Oil Corp. sa minimithing halagang P41-B.

Pero ayon kay Quintos, pabibilisin lamang nito ang pribatisasyon ng pinakamahahalagang asset ng gobyerno na ikadurusa rin ng mga mamamayan sa anyo ng mas mataas na presyo ng langis. Ibig sabihin din ng desididong tutok ng administrasyong Arroyo na pataasin ang kita ng gobyerno, malayong alisin nito ang VAT.

Repormang kailangan

Ngunit ayon sa Ibon Foundation, mas lalong nagiging makabuluhan ang panawagan at paglaban ng mga mamamayan para sa kagyat na lunas mula sa hagupit ng pandaigdigang krisis pampinansiya. Kabilang dito ang pag-alis sa VAT at P125 dagdag-na-sahod ng mga manggagawa.

Lalo pa at inaasahan umanong lumipat ang ispekulatibong kapital sa pangangalakal ng mga komoditi (commodities futures trading) gaya ng langis, mineral, at produktong pang-agrikultura na magtutulak pataas ng presyo ng pagkain at enerhiya. Ngayon pa lamang, dalawang-katlo (2/3) ng populasyon ng mundo ang dumaranas ng double-digit inflation at nasasadlak lalo sa kahirapan. Sa Pilipinas, 2.3 milyon ang nadaragdag sa mahihirap tuwing tataas nang 10 porsiyento ang presyo ng pagkain, ayon sa Asian Development Bank.

Sa halip na sa imprastruktura, bayad-utang, at sa militar mapunta ang kalakhan ng pambansang badyet sa susunod na taon, inirekomenda rin ng Ibon Foundation na ilagak ito sa kritikal na mga serbisyong sosyal na nakakatanggap lamang ng maliit na porsiyento gaya ng kalusugan (2.5 porsiyento), edukasyon (14.5 porsiyento), at pabahay (0.4 porsiyento).

Sinabi naman ni Quintos na ang pangmatagalang mga solusyon sa krisis ay ang “pagbasura sa mga patakarang neo-liberal,” “pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo,” at “komprehensibong pambansang industriyalisasyon” na magpoprotekta sa Pilipinas mula sa mga kombulsyon sa sistemang kapitalista na pinaghaharian ng US.

Hanggang mailugar ang mga ito, babalikatin ng mga Pilipino, kasama ng iba pang mamamayan ng mundo, ang krisis ng kapitalismo na nagpapatuloy at tumitindi.(PinoyWeekly)

Advertisements

One Response to “Mula US hanggang RP: Krisis sa balikat ng bayan”

  1. sophyliegh Says:

    ambot

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: