Etsa-puwera sa siyudad


Jeffrey Ocampo

Rebyu ng City for Sale
Bidyo-Dokumentaryo
Produksiyon ng Sine Patriyotiko (Sipat), Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Direksiyon ng Sipat

KARANIWAN na itong kontradiksiyon sa kontemporaryong imahen ng lungsod: ang pagtatagpo ng nagtatayugang mga establisimyento at nanlilimahid na mga barung-barong na kung titingnan sa malayo at nang maigi ay larawan ng malupit na kabalintunaan. Kadalasan, di lamang yumuyuko ang abang mga kabahayan sa pagtindig ng bagong mga istruktura – ginigiba pa ang mga ito kasama ng pag-asa ng mga taong naninirahan dito. Sa dokumentaryong City for Sale na dinirehe ng Sine Patriyotiko (Sipat), ipinapakita ang nagbabadya at nagaganap nang pananalanta sa tahanan at kabuhayan ng libu-libong mamamayan sa pagtatayo ng Quezon City Central Business District (QCCBD).

Paglikha ng pinakamagarbong sentro ng komersiyo ng bansa ang ideya sa likod ng QCCBD. Sa laki ng sasaklawin at bilyun-bilyong pisong gagastusin para sa proyekto, hindi nga malayong maungusan nito ang nakatayo nang mga business district sa Makati at Ortigas. Ito ang magiging “sentro de grabidad” ng Kamaynilaan, banggit ng World Bank (WB) na nagpautang ng US $3 Bilyon sa pamahalaan upang kagyat na masimulan ang proyekto. Ayon sa dokumentaryo, si Pangulong Arroyo at si Sonny Belmonte, ang alkalde ng lungsod, ang masusugid na nagtutulak nito. Ipinapatupad ito sa ilalim ng Executive Order (EO) 620 na may titulong Rationalizing and Speeding-up the Development of the East and North Triangles and the Veteran’s Memorial Area of Quezon City as a Well-Planned, Integrated and Environmentally Balanced Mixed-use Development Model. Binuo naman ang Urban Triangle Development Commission upang mangangasiwa sa pagpapatupad ng plano para sa QCCBD. Bahagi ang proyekto ng infrastructure program ng pamahalaan na ayon sa dokumentaryo ay pagbibigay daan para sa negosyo ng dayuhang mga mamumuhunan.

Sa dokyumentaryo, tinatakalay ang magiging epekto ng pagtatayo nito sa mga mamamayan. Tinutukoy nito ang mga maralitang tagalungsod at mga kawani ng pamahalaan bilang pangunahing maaapektuhan ng nasabing proyekto. Ayon sa tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na si Carmen “Nanay Mameng” Deunida, hihigit sa 15,000 pamilya ang mapapaalis mula sa kanilang mga tahanan upang bigyang daan ang pagtatayo nito. Ayon naman kay Ferdinand Gaite ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), maraming kawani ng pamahalaan ang maaaring matanggal sa trabaho sa sandaling alisin ang mga tanggapan nito sa sasaklawin ng QCCBB.

Sa pagsisimula pa lamang, malinaw ang tindig ng dokumentaryo. Ayon dito, “Ang sukatan ng kaunlaran ng isang lipunan ay ang kalidad ng kabuhayan ng [mga] mamamayan [at] hindi ang pagkakaroon ng nagtatayugang mga gusali, magagarang tulay o malalamig na pamilihan.” Gusto nitong iparating na kailangan munang unahin ng pamahalaan ang batayang mga pangangailangan ng mga mamamayan. Dagdag pa, sinasabi nitong kailangan ng mga mamamayan ng “angkop na sahod” upang makapamuhay nang marangal.

Relokasyon/Dislokasyon

Kabilang ang Sitio San Roque, San Isidro, Brgy. Central at Pinyahan sa mga lugar na maapektuhan ng proyekto. Sa mga salaysay ng kinapanayam na mga residente para sa dokumentaryo, mababatid ang pangamba ng karaniwang mga tao sa napipintong pagkawala ng kanilang tahanan at kabuhayan. Sa kabilang banda, mababatid naman ang kanilang galit at kahandaang ipaglaban ang kanilang karapatan.

Isa sa mga tinalakay ng dokumentaryo ay ang relokasyon para sa mga residenteng mapapaalis sa kanilang tirahan. Sa mga salaysay at footage na nagpapakita ng hitsura ng mga relocation site, hindi nga kataka-taka na pagsisisi ang nadadama ngayon ng mga taong piniling magpalipat sa ibang lugar.

Kinapanayam ang dating mga residente ng tabing-riles sa Camanava na ilinipat sa Northville sa Balagtas, Bulacan. Inilarawan ng bawat isa ang hirap na kanilang dinadanas sa binigay sa kanilang bagong “tahanan.” “Mas masahol,” anila, ang buhay nila ngayon kumpara noong sila’y nasa riles pa. May “amoy ang tubig,” walang kuryente, “tumataas ang tubig sa konting ulan” at maipambibili na ng isang kilong bigas ang pamasahe mula sa loob hanggang sa trabaho ng mga linipat dito.

Ang di makataong kalagayan sa mga relocation sites ay isang reyalidad. Karaniwan nang itinatapon ang mga dine-demolish sa “malalayo at liblib” na mga lugar pagkatapos pangakuan ng maayos na pabahay. Kaya naman karamihan sa kanila ay bumabalik kung saan sila dating naninirahan o kaya’y naghahanap ng bagong lugar na maaaring pagtayuan ng kanilang mga kabahayan. Kadalasan, naninindigan ang mga residente na manatili at ipaglaban ang kanilang tirahan bago pa man sila maitapon sa mga katulad na lugar.

Larawan ng pagsisisi ang mga residenteng nagsasalaysay ng kanilang paghihirap. Tila nagsasalita din at sumasang-ayon sa kanila ang walang palitadang dingding sa kanilang likuran at nakausling mga bakal sa paligid. Wala silang maipakitang tahanan; kalansay ng pinangakong maayos na pabahay lamang. Kung makakain nga lamang ang buhangin at batong pinagawa ng di tapos na pabahay, himutok ni Aling Juanita, isang residente ng Northville.

Pananalanta

Hunyo pa lamang ng nakaraan taon nagsimula ang pananalanta ng proyekto. Una nang pinalayas ang mga nakatira at “maliliit na negosyante” sa kahabaan ng North Avenue. Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nagsagawa ng pagpapaalis na ayon sa dokumentaryo ay isang porma ng demolisyon na nakakubli sa ngalan ng “sidewalk cleaning operation.” Aabot umano sa 400 tauhan ng MMDA ang nagsagawa ng operasyon. Ayon kay Ricky Tomotorgo, dating residente sa North Avenue, magsisilbi itong “testing” na tatantiya kung kaya nang gibain nang tuluyan ang mga kabahayan sa kahabaan ng nasabing daan. Sa Sitio San Isidro naman, ikinatwiran sa mga residente na gagamitin bilang parking lot ng Office of the Ombudsman ang kinatitirikan ng kanilang mga kabahayan. Sa footage, ipinakita naganap na demolisyon: Isa-isang tinitibag ang mga hollow block at dinadala palayo ang mga materyales ng bahay ng mga residente. Isa sa kanila ang nagsabing pinili na lamang niyang lumayo habang ginigiba ang kanyang bahay dahil “parang ako ang minamaso.”

Kung sa usapin ng ahensiya ng pamahalaan at mga empleyado nito, nangangamba ang Courage sa mangangahulugan ang napipintong paglilipat ng mga ito sa ibang lugar ng tanggalan sa trabaho sa mga kawani ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, isa nang ahensiya ng pamahalaan ang nalipat ng lugar. Nagulat na lamang ang mga kawani ng Department of Agriculture sa biglaang paglipat ng tanggapan nito sa Iligan City sa probinsiya ng Isabela.

Hindi ramdam ang pag-unlad

Aabot sa mahigit 250 ektarya ang “pauunlarin” para sa proyekto. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng aerial view ng lungsod, naipakita kung gaano kalaki sa aktuwal ang saklaw nito. Sa dokumentaryo, iginigiit na ang sinasabing “hakbang sa pag-unlad” na ito ay pakikinabangan lamang ng iilan. Ayon kay Gaite, “ang pokus [ng proyekto] ay sa malalaking negosyo’t kapital [habang] isasantabi ang interes ng [mga] mamamayan.” Ito ang dahilan kung bakit maraming tumutol sa QCCBD.

Kapalit ng tahanan ng nakararami ay mga “gusaling komersiyal, residential condominium, call center at pasyalan ” na ang makikinabang ay ang mga “dayuhang mamumuhunan at higanteng negosyante.”

Sa bawat panayam sa mga maapektuhan ng proyekto, napapabatid ang kanilang abang kalagayan. Ayon sa isang pedicab driver sa Sitio San Roque, ang kanilang “kinikita ay kulang pa sa aming pangangailangan.” Dagdag ni Aling Juanita, kinakailangan na nilang mag 5/6 upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin. Malinaw din, anila, na walang pag-unlad na nagaganap dahil sa pagtaas ng presyo bilihin.

Patudsada naman ng isang residente ng Brgy. San Roque, habang gumagawa basahan mula sa mga retaso ng tela, “karpintero ang asawa ko pero tingnan mo ang bahay ko.”

Sa kabilang banda, naipakita rin ang kahandaaan nilang labanan ang proyekto. Ipinakita ang pagtatayo at pulong ng mga organisasyon na pinagtulungang itayo ng mga residente na magsagawa ng kolektibong mga pagkilos upang hadlangan ang pagpapatupad nito.

Bidyo-dokumentaryo bilang lunsaran ng protesta

Testimonya ng maralitang mga mamamayan ang pangunahing laman ng dokumentaryo. Binuo ito upang sa ganitong paraan ay makapagpahayag ang karaniwang mga tao tungkol sa pangamba sa kanilang kalagayan at galit sa mga nagiging dahilan ng kanilang paghihirap. Ang bawat piraso ng imahen – gusgusing mga bata, di mapanatag na mga mukha, pader na tinitibag, kalawanging yero at karitong gumugulong –bumubuo sa larawan ng busabos na pamumuhay ng mga mamamayan. Inililibot ng mata ng bidyo-kamera sa pamamagitan ng pedicab ng maralita ang mahabang naratibo ng kahirapan.

Sa kabilang banda, bagamat di gaanong ipinakita ang mga nasa likod ng mapaminsalang proyekto, sinimbolo naman sila ng bulldozer – na instrumento ng pananalanta – na paulit-ulit na pinakita sa dokumentaryo.

Masasabing tagumpay ang dokumentaryo sa layunin nitong ipakita ang kalagayan ng mga mamamayan na maapektuhan ng proyekto. Pinagkunutan ng noo ng mga manunulat, videographer, editor at iba pang kasapi ng Sipat ang dokumentaryo sa loob ng anim na buwan. Ginamit para dito ang musikang kabilang sa rap genre ni Eric Tandoc, isang klase ng musika na masasabing malapit, sumasalamin at tumutulong na makamit ang mga adhikain ng maralitang mga mamamayan. Gayundin, pinagtulungan din ng iba’t ibang organisasyon, sa pangunguna ng Courage at Kadamay, at mga residente ng apektadong mga lugar ang pagbubuo nito mula sa konsepto hanggang sa pagluluwal at pagsasalang ng dokumentaryo sa mga manunuod.

Para sa Sipat, maaaring gawing lunsaran ng protesta ang bidyo. Sa katunayan, naniniwala ito na dapat gamitin ang midya bilang espasyo para sa “demokratikong pagpapahayag” at paglalantad ng mga tunay nagyayari sa lipunan. Higit, naniniwala ang grupo na kailangang manghikayat ito ng “kritikal na pagtugon” sa mga isyung kinakaharap ng lipunan. Nakapagpalabas na rin ang grupo ng iba pang katulad na bidyo-dokumentaryo tulad ng Mula 3rd Avenue Hanggang Dulo.

Sa huli, ito ang nais iparating ang dokumentaryo: “Ang kahulugan ng QCCBD ay lalong pagpapayaman ng iilan samantalang gutom [at] kamatayan sa mga maralita at kawani ng gubyerno.” Ngunit hindi ito ang kongklusyon ng naratibo nito. Sa halip, sinasabi nito na ang “kolektibong pagkilos” at kapasyahang lumaban ng mga mamamayan ang magiging mapagpasya sa labang ito.(PinoyWeekly)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: