Rights v.2: Higit pang posibilidad


NAKABIG, walang duda, ang atensiyon ng Estado at ng marami pa nang bigyan ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) ng X-rating ang serye ng mga public service announcement o PSA na Rights noong nakaraang taon. Halos tig-iisang minuto lamang ang mga ito. Pero dahil paksa ang malagim na sitwasyong pangkarapatang pantao—na walang sinabi ang mga pelikulang horror kapag isinabiswal—at nakaturol sa gobyernong Arroyo, hinarang ang premiere ng Rights sa Robinson’s Galleria.

Noong Setyembre 19, inilunsad ang Rights v.2, pangalawang serye ng mga PSA, sa isang auditorium sa University of the Philippines-College of Mass Communications. Di-komersiyal at relatibong malaya ang venue kaya’t hindi hinabol ng mga sensura. Hindi na rin bago ang konsepto. Marahil kalakhan ng audience, pamilyar na sa tipo ng indipendiyenteng mga gawa ng iba’t ibang filmmaker na nababahala sa animo’y Martial Law sa bansa.

Pero hindi nauubusan ng dahilan para likhain at panoorin ang Rights. Patuloy ang mga kaso ng sapilitang pagkawala, ekstrahudisyal na pamamaslang, panunupil sa kalayaan sa pamamahayag at malayang asembliya, tortyur, at ilegal na pag-aresto at detensiyon, litanya ni Ruth Cervantes, public information officer ng grupong Karapatan. Babala pa niya, maaaring sumirit ang mga ito sa oras na maramdaman ng Estadong humihina ang atensiyon at reaksiyong publiko.

Iba’t iba ang pagtatangka ng mga filmmaker na makakuha ng malakas na atensiyon at reaksiyon mula sa audience. Ang Luya ni Ging Flores, close-up na kuha ng dinidikdik na luya para madiing “tao ka…hindi luya” na pwedeng umaray at lumaban. Simple ang metapora, maiintindihan ninuman. Sikreto ng kakapangyarihan nito ang hindi katanggap-tanggap na imaheng malilikha sa laylayan ng imahinasyon, habang pinapanood ang tila inosenteng pang-araw-araw na eksena mula sa kusina,

Sa Terorista Ka Ano? ni Ted Edward Ferras, absurdo naman ang mga eksena. Sa loob ng paaralan, punto-de-bista ng isang may hawak na baril na tila nag-amok. “Terorista” ang mga biktima batay sa stereotype na aktibista: long hair, balbas-sarado, naka-Chuck Taylors, at hindi naliligo. Ayon nga sa isang manonood na nag-react sa palabas, “Nakakatawa, pero naiinis ako na natatawa ako.” Kaparis ito ng natural na reaksiyon sa buhul-buhol na mga katuwiran ng Estado at ng US tuwing may sinusupil nang dahil sa oryentasyong pampulitika. Matatawa ka muna (panangga, marahil, sa pagkagulat) bago magpuyos sa galit.

Dramatikong naratibo na batay sa aktuwal na mga karanasan ng bagong-layang mga bilanggong pulitikal na Tagaytay 5 ang Awit at Tula ng Artists’ Arrest (Artists’ Response to the Call for Transformation and Social Change). Tampok sa mga ito ang kilalang mga aktor na sina Joel Torre, Chin-Chin Gutierrez, at Art Acuňa—mahusay, sa makatuwid, ang acting. Pulido rin ang mga aspektong teknikal. Huli ang tensiyon ng tortyur-interogasyon na patungo sa isang masahol na lundo; at ang tapang na sa sining ibinulwak ng mga pinahihirapan. Ayon kay Axel Pinpin, isa sa Tagaytay 5, sinariwa ng eksena ang mga nangyari sa kanya. Ipinunto ng kritikong si Doy del Mundo, hindi bilang anunsiyo kundi maikling pelikula maikakategorya ang dalawa. Isa pa, emosyunal kaysa intelektwal ang reaksiyon dito, aniya.

Pukaw-emosyon din ang Bakwet ng Southern Tagalog Exposure, head shot ng batang idinadaing sa kanta ang panggugulo ng mga sundalo sa kanilang pinagmulang nayon. Maaalala, mula sa unang serye ng Rights, ang pangongonsensiya ni Adelisa, anak ng pinatay na mag-asawang aktibistang Albarillo. Epektibo ang hilaw na mga tugon ng mga musmos na direktang apektado ng karahasan ng Estado.

Animation naman ang ilang PSA. Itinaguyod ng Warrant ni Bon Labora ang pangingibabaw ng biswal bilang pangyayaring aktuwal (“Hindi marinig ng tenga ang sinasabi ng dilat na mata”). Voice-over ang salaysay ng pulis na umano’y nanlaban ang inaaaresto, habang ipinakikita na natutulog lamang ang isang tila magsasaka kasama ng kanyang pamilya nang siya’y pagbabarilin. Sa Peace ni Emil Jurado, ginamit pang-tortyur ang kuryenteng nag-iilaw sa higanteng billboard na Peace and Stability. Pagtigbak ito sa mito na laging katuwiran ng Estado sa mga paglabag sa karapatang pantao, at may pangiliti pang alternatibong konsepto: “Nasa kamay natin ang tunay na kapayapaan.”

Sa 15 bagong mga likha, makikitang yumabong ang inisyatibang Rights. Mas maraming filmmakers ang natulak na paksain ang di-dapat malimot. Panghihikayat pa ni King Catoy, miyembro ng ST Exposure na prodyuser ng Rights v.2, hindi naman ganoong kalaking trabaho ang paggawa ng PSA at maliit lamang na kontribusyon. Katunayan, tatlo sa mga ito, ang Desparecidos, Puppets, at Cutouts, ay mula sa mga estudyante ng UP na dalawang linggo bago ang premiere lamang nahikayat ng grupo na gumawa.

Sang-ayon ang mga prodyuser sa obserbasyon ni del Mundo na limitado ang mensahe ng anunsiyo o pelikulang mahigit isang minuto. Layon lamang ng mga PSA na maging lunsaran ng mga talakayan hinggil sa sitwasyong pangkarapatang pantao. Kung magpapalalim pa, ani Catoy, maaaring matumbok ang dahilan ng paglaban—ang pagkait ng Estado sa karapatang pang-ekonomiya ng mga mamamayan.

Masasagot sa mga talakayan matapos ang panonood, halimbawa, kung sino at bakit nabilanggo ang Tagayatay 5 at si Eduardo Serrano (pamagat at paksa ng isa pang PSA ng ST Exposure), ano ang ginagawa nina Karen Empeňo, Sherlyn Cadapan, at Jonas Burgos bago sila nawala (mga mukha ng desparecidos sa Desaparecidos at Tagu-Taguan nina Recci Baculor at Zig Dulay), o kung ano ang isyu sa martsang binomba ng tubig sa Quenching Fire ng Kodao Productions.

Posible kayang patungkol naman sa mga karapatang pang-ekonomiya ang susunod na serye ng Rights? (Biro ng aktres na si Bibeth Orteza, baka umabot sa v.15 kapag nanatili sa puwesto si Gloria) Ramdam ang krisis ngayon higit kailanman, lalo ng pinakamahihirap na inalayan ng buhay ng karamihan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Maantig din kaya ang imahinasyon ng kasing-daming filmmaker sa horror ng kahirapan? Maaasahan kaya sila, partikular ang mga nasa mainstream, na bitbitin ang kasing-ispesipikong usaping pang-ekonomiya? Ipanawagan ang “P125 dagdag-na-sahod ngayon na” mula sa “Stop political killings”?

Sa ngayon, marami pang posibilidad ang Rights v.2. Ipakalat ito sa internet na pinakamabilis at murang paraan (panoorin ito sa google). Ikopya sa DVD at ipamahamagi. Ipalabas at talakayin sa iba’t ibang pagtitipon at pagkilos.

Maaari ring pag-isipan ng mga filmmaker ang higit pang ambag sa ganitong adbokasiya—ang paghikayat sa mga kapwa-filmmaker na sumama, ang paggawa ng mga pelikulang mas masaklaw at mahaba, at ang pag-alay ng sarili sa kilusang masa na tanging nakakapamuwersa sa Estado na itigil,o pahupain man lang, ang mga paglabag sa karapatang pantao.

Ilang araw lamang matapos ang premiere ng Rights v.2, dalawang lider-magsasaka, sina Florencia Espiritu at Nelson Balmania, ang dinukot sa Bataan. Muli, buhay-at-kamatayan ang nakataya sa atensiyon at reaksiyon ng publiko at ng Estado. Malungkot, pero mapanghamon din, na hindi tayo nauubusan ng dahilan na itaguyod ang Rights.

Advertisements

One Response to “Rights v.2: Higit pang posibilidad”

  1. Ging Flores Says:

    maraming salamat sa rebyu na ito! ngayon ko lang nakita. hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: