Pagbaybay sa karapatan ng mga marino


NITONG nakaraang Linggo ng Mandaragat o Maritime Week, dinagsa ang T.M. Kalaw sa Maynila ng mga nag-aasam na makasakay ng barko para makahanap ng posibleng kabuhayan sa pagmamarino. Doon naghihintay ang ilang kumpanya na bigyan sila ng puwang.

Ngunit alam kaya ng mga nag-aasam na pumalaot ang sasapitin nila sa gitna ng karagatan?

Nagsagawa ng isang seminar ang Centerfils (Center for Filipino Seafarers), ISAC (International Seafarers Action Center), at FSM (Filipino Seafarers Movement) noong Setyembre 25 para talakayin ang karapatan ng mga mandaragat. Dumalo sa seminar ang mga maybahay ng mga mandaragat at mga beterano at baguhang seafarer.

Nagbigay ng paunang salita si Bishop Ephraime Fajutagana ng Iglesia Filipina Independiyente, miyembro ng Centerfils. Aniya, mahalagang malinawan ang mga mandaragat sa kanilang mga karapatan–laluna’t samu’t saring trahedya ang sinasapit ng ating mga kababayang mandaragat, tulad na lamang ng mga na-hostage sa Somalia ilang linggo pa lang ang nakalilipas.

Kasaysayan ng pandaragat

Ipinaliwanag ni Jeremy Cajiuat, project coordinator ng ISAC, ang kahalagahan ng pandaragat.

Aniya, isa sa pinakaluma at pinakaimportanteng industriya ang pagbabarko. “Sabi nga ng International Shipping Federation, kung walang barko, kung walang maritime industry, mamamatay ang kalakalan sa buong mundo,” saad ni Cajiuat.

Dinadala ng mahigit-kumulang 50,000 barko ang 90% ng mga kalakal sa buong mundo. Bagaman hindi lumilikha ng produkto ang pagbabarko tulad ng manufacturing, bahagi ito ng linya ng produsiyon bilang tagapaghatid ng raw at finished products. Aniya, “kung hindi maihahatid ang mga produkto kung saan ito maibebenta, walang value ang mga produktong ito.”

Sa kabuuan, kumakamal ng US$ 380 Bilyon ang industriya ng pagbabarko kada taon. Kontrolado ng iilang maritime power ang nasabing kita, na kumakatawan sa 5% ng kabuuang pandaigdigang kalakalan.

Noong dekada 50, kabilang ang Magsaysay Shipping sa mga maritime power na namayagpag sa industriya ng pagbabarko. Pero humina na ang lokal na kumpanyang ito. Sa kasalukuyan, kilala na lamang ang Pilipinas sa pagluluwas ng mga mandaragat.

Numero-unong pinagmumulan ng mga marino ang Pilipinas. Sa kabuuang 1.2 milyong nakasakay sa barko, 20% o isa sa lima ang Pilipino.

Repleksiyon ang dami ng bilang ng mga nais pumalaot ng kawalan ng disenteng hanapbuhay dito sa Pilipinas, dagdag ni Cajiuat.

Karapatan ng mga marino

Sa kalagayang maraming Pilipino ang nagbebenta ng kanilang cheap labor o murang paggawa, mainam na magtanong kung anu-ano nga ba ang kanilang karapatan at pribilehiyo.

Pinuna ni Atty. Joseph Entero, pangkalahatang kalihim ng ISAC, ang SEC o Standard Employee Contract ng POEA (Philippine Overseas Employment Agency). Unang-una, aniya, “Paano maiintindihan ang SEC kung hindi ito mabasa dahil napakaliit ng pagkakasulat?”

Dapat tumatayo ang SEC bilang kasunduan sa pagitan ng employer at employee o ng manning agency at ng seafarer. Pero sa kalakaran, wala umanong boses sa SEC ang empleyado.

Kinuwestiyon din ni Entero ang hindi pagpirma ng POEA sa kontrata gayong ito mismo ang nagpapatibay ng mga nakasaad dito. Aniya, mahalagang malaman ng publiko na dapat nagsasagawa ng “tripartite consultation” o makalahatang panig na konsultasyon ang POEA.

Inihayag ni Entero ang ilang batayang karapatan ng mga manggagawa. Kasama rito ang karapatang maghabol sa kanilang mga manning agency kung, halimbawa, hindi sila nakasakay sa naitalang barko. Isa pang karapatan ang pagsasaad ng wastong kondisyong medikal. Mahalaga rin, aniya, ang pagbibigay ng manning agency ng kanilang cash advance. Dapat ding walang placement fee na sisingilin mula sa mga sasakay ng barko.

Sa kabilang banda, inilahad din ni Entero kung paano maaaring magamit ng mga manggagawa ang SEC para igiit ang kanilang mga karapatan.

Madalas umanong magmula ang mga kalituhan at anomalya sa maling interpretasyon sa SEC. Kaya dapat wasto, halimbawa, ang pagkakaintindi sa kung kailan ang umpisa ng kontrata. Paano nga naman kung magkaroon ng aberya ang isang nakapirma na ng kontrata bago pa man siya sumakay ng barko? Ang kontrata, ani Entero, ay nagsisimula “upon departure from port” o sa daungang pinagpirmahan mismo ng empleyado.

Ipinaliwanag din niya ang tinatawag na “contract substitution” na ilegal na praktika ng mga manning agency. Isang ehemplo nito ang pagpapalit ng barkong sasakyan ng manggagawa nang hindi nakasaad sa kanyang unang pinirmahang kontrata.

Maling praktika

Isa pang mahalagang karapatan ang pakikipaglaban hinggil sa maaaring maging disability o kapansanan ng mandaragat dahil sa pagtatrabaho. Ayon sa SEC, maaaring maging fit to work pa rin ang isang manggagawa depende sa klase ng pinsalang natanggap nito sa katawan.

Pero sinasandigan ng ISAC ang naunang desisyon ng Korte Suprema na hindi sa grado ng pinsala humihina ang paggawa ng isang empleyado kundi sa kabuuang epekto nito sa kanyang pagkilos. Para kina Entero, hindi sapat na sabihing fit to work pa rin ang manggagawang nawalan kahit na isang daliri lamang.

Kasama rin sa karapatan ng mga manggagawa ang wastong pangangalaga ng kumpanya sa kanilang kalusugan. Nakasaad sa SEC na dapat mabigyan ng lunas ang manggagawa sa pinakamalapit na pagamutan sakaling mapinsala ito. Ngunit sa praktika, naghahanap pa ang manning agency ng pinakamurang pasilidad bago ipagamot ang marino.

Isinaad ni Entero bilang halimbawa ang paghahabol ng isang napinsalang marino. Sa tulong ng ITF o International Transport Federation, nakapag-claim siya ng mahigit US $1 Milyon para sa damages at pagpapagamot sa Europa. Kung hindi pa itinulak ng grupo, aniya’y baka pinauwi na lamang sa Pilipinas ang seafarer at lumala ang kanyang pinsala.

Mahalaga ring malaman ng publiko na mayroong Contract Bargaining Agreement o CBA sa pagbabarko, na “armas ng mga maggagawa sa paghahabol sa ilan pa niyang mga karapatan at benepisyo,” ani Entero.

Sa isang industriyang may limpak-limpak na nakakamal mula sa lakas-paggawa ng milyong manggagawa nito, marapat lamang na malaman ng ating mga kababayan na nangangarap kumita bilang isang mandaragat ang kanilang mga karapatan sa laot.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: