Konteksto: Huwag kang mag-blog kung…


Danilo Araña Arao

KAHIT na interesanteng pag-aralan ang iba’t ibang aspeto ng blogging, wala akong intensiyong magpakadalubhasa sa blog monetization.

Mahirap masikmura ng isang abang peryodistang katulad ko na may mga blogger sa kasalukuyan na pumapatol sa kung anu-anong iskema para kumita nang malaki (at dolyar pa) kahit na nakokompromiso na nila ang pagbibigay ng impormasyon sa mga online visitor at minsa’y lantaran pa ang panloloko.

Pero ngayon pa lang, kailangang maging malinaw na ang “panloloko” ay maaaring hindi intensiyonal. Ang mas dapat sisihin sa mga panlolokong ito ay ang mga ad network dahil ginawa nilang customizable ang kanilang mga patalastas para magmukhang bahagi ng laman ng isang blog.

Bagama’t dapat ding sisihin ang mga blogger na nagdidisenyo (o nagko-customize) ng mga patalastas bilang bahagi ng kanilang laman (e.g., blog entries), gusto kong isiping hindi pa nila lubusang naiintindihan ang etika ng blogging at ang dahilan ng kanilang pagba-blog.

Para sa mga hindi nakakaalam, maaaring kumita ang isang blogger kung may magki-click sa hyperlink ng mga patalastas sa kanyang blog. Maraming salik sa pagkompiyut ng halaga ng bawat click (at kahit ang paraan ng pagbabayad sa bloggers). Kung paniniwalaan ang ilang tinaguriang propesyonal na bloggers (o pro bloggers), may mga kumikita ng mahigit sampung libong dolyar bawat buwan (ayon sa 2006 survey ng ProBlogger.net) mula sa Google Adsense pa lang, isang pangunahing ad network sa kasalukuyan.

Ano naman ang masama sa kumita? Wala naman. Lahat naman tayo’y kailangan ng pera sa panahong mababa ang suweldo at mataas ng bilihin. Pero hindi ba’t may problema kung ang pagkita ng pera ay dahil sa panloloko?

Kung susuriin ang tips ng maraming ad network, ang layunin ng paglalagay ng kanilang mga patalastas ay para isipin ng online visitor na ang mga ito ay bahagi ng laman ng isang blog. Kahit na sabihing nakalagay naman ang katagang “Ads by Google,” halimbawa, puwede itong idisenyong hindi masyadong halata o masyadong maliit ang mga letra para hindi gaanong mabasa.

Sa konteksto ng disenyo, inirerekomenda ng mga ad network, halimbawa, na ilagay ang mga patalastas sa itaas na bahagi ng blog, kahit na ito ay nangangahulugang kinakain na ang espasyo para sa blog post. Ang katuwiran kasi ng mga ad network ay mas malaki ang tsansang may magki-click sa isang patalastas kung ito ang unang makikita.

Bukod sa mga patalastas, may mga kompanya ring handang magbayad ng sponsored posts. Siyempre’y gusto nilang positibo ang tono ng mga blog post tungkol sa kanila at kadalasa’y kinakailangang may mga katagang naka-hyperlink sa isang partikular na website. May mga pagkakataon pa ngang ang isang blog post ay dapat na tumugon sa itinakdang keyword density na kung saan ang ilang kataga ay dapat na mabanggit nang maraming beses. Kadalasa’y kinakailangan ding hindi banggitin sa anumang bahagi ng blog na ang naturang post ay “sponsored.”

Salamat sa kapitalismo, maraming mapanlikhang paraan para kumita sa blogosphere. Pero ang mga mapanlikhang paraang ito ay malinaw na tahasang panloloko sa mga online visitor. Dahil ang blogosphere ay bahagi ng public domain, kinakailangang maging responsable ang mga blogger sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.

Hindi sapat na sabihing sila ay gumagawa ng media content para lang sa kanilang sarili, at lalong hindi puwedeng ikatwirang wala silang responsibilidad sa mga online visitor. Sa konteksto ng “panloloko,” hindi rin katanggap-tanggap ang sagot na sumusunod lang sila sa mga ad network hinggil sa epektibong paglalagay ng mga patalastas.

Kailangang tandaang ang panloloko ay hindi kailangang intensiyonal, at maraming kasong hindi alam ng mga indibidwal na hindi pala etikal ang kanilang ginagawa. Hindi porke’t matagal nang kalakaran at may malawak na pagsunod ng mga tao ay nangangahulugang etikal na ang isang gawi.

May mga nagbibitaw ng argumentong walang masama sa isang sponsored post kung gusto naman nila ang kanilang isinusulat. Dagdag pa nila: Ano ang pagkakaiba ng isang sponsored post sa isang artikulong binayaran ang isang peryodista?

Bilang peryodista, maniwala po kayong napakalaki ng kaibahan: Ang isang peryodista’y binibigyan lang ng paksang isusulat (at maaaring itakda rin ang haba ng artikulo), pero bahala na siya sa pagkalap ng mga datos at pagsusuri ng mga ito. Sa konteksto ng responsableng peryodismo, hindi siya dapat magpadala sa presyur mula sa iba’t ibang grupo para bigyan sila ng paborableng publisidad.

Batay sa aking pagsusuri sa iskema ng paid post websites tulad ng ReviewMe.com, ang simpleng pagsang-ayon ng isang blogger na gumawa ng sponsored post ay may awtomatikong pagtanggap ng mga imposisyon ng kompanyang handang magbayad nito.

Ano ba ang mas mahalaga sa isang blogger? Bakit ba siya pumasok sa blogging? Nais ba niyang mangalap ng salapi o magmulat ng nakararami? Intensiyon ba niyang manloko o magmulat ng mga tao?

Maraming dahilan para mag-blog, pero sana’y huwag maging pangunahing layunin ang kumita mula rito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: