Himpilan ng US sa Zamboanga, tanda ng permanenteng presensiya


PARA kay Executive Secretary Eduardo Ermita, hindi nangangahulugan ng permanenteng presensiya ang paglabas-masok ng mga sundalong Amerikano sa bansa. “Just because laging nakikita, akala hindi na umaalis,” aniya sa pagdinig noong Setyembre 26 ng Legislative Oversight Committee on the Visiting Forces Agreement o Lovfa.

Pero isa pang opisyal ng gobyerno, si Hen. Edilberto Adan na tagapangulo ng Presidential Commission on the VFA, ang nagkumpirma sa parehong pagdinig na hindi na nga umaalis dito ang mga tropang Kano. Umano’y may 400 hanggang 600 sundalong Kano na naka-base sa Pilipinas sa “anumang takdang panahon.”

Muling dinedepensahan ng gobyerno ang VFA dahil sa paglabas ng mga ulat hinggil sa umano’y partisipasyon ng mga Kano sa mga operasyong militar sa Mindanao—gaya ng litrato ng isang sundalong may hawak na spy plane na inilathala ng Philippine Daily Inquirer sa kasagsagan ng giyera sa MILF (Moro Islamic Liberation Front) noong nakaraang buwan.

Sinasabi ng gobyerno na naaayon ang VFA sa Konstitusyon, na nagbabawal ng pagbabase ng dayuhang militar sa bansa. Pinaninindigan nitong “bumibisita” lamang ang mga tropang Kano para ayudahan ang pagsasanay at modernisasyon ng AFP (Armed Forces of the Philippines), at tulungan ang mahihirap at nasasalantang mga komunidad.

Pero tila permanenteng nagbabase na sa Zamboanga City ang Joint Special Operations Task Force – Philippines o JSOTF-P, isang espesyal na yunit ng US Special Forces – Pacific Command, ayon sa grupong Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) at ilang lokal na opisyal ng gobyerno.

JSOTF-P nagbabase?

Noong Pebrero, binisita ng grupong Citizens Peace Watch ang himpilan ng JSOTF-P sa loob ng Camp Navarro ng Westmincom (Western Mindanao Command) ng AFP. Ayon sa grupo, “itinatago ito ng mga dingding, alambre, at sandbag. Hindi makita mula sa labas ang aktuwal nitong laki. Pero nakikita ang communication facilities nito gaya ng mga satellite dish, antenna, at iba pa.”

Itinaboy ang mga miyembro ng grupo. Sa liham na ipinadala ng JSOTF-P, sinabi nitong AFP ang nagbibigay ng awtorisasyon na makapasok. Pero nang makausap ng grupo si Capt. Vicente Enriquez ng Westmincom, sinabihan silang maging ang mga sundalong Pilipino, hindi nakakapasok sa himpilan nang walang paalam mula sa mga kumander ng US.

Ginawang JSOTF-P ang dating Joint Task Force 510 na dineploy ng gobyernong US para ng Balikatan 02-1, unang serye ng ehersisyong militar sa pagitan ng AFP at mga tropang Kano noong 2002. Ang JTF 510, sa ilalim ng US Special Operations Command Pacific, ay bahagi ng Operation Enduring Freedom o kampanya “kontra-terorismo” na inilunsad ng US sa iba’t ibang bansa.

Anim na taon nang inookupahan ng JSOTF-P ang mga istruktura sa loob ng Camp Navarro. Hinala ng Bayan, isa ito sa tinatawag na Forward Operating Sites ng US. Kaiba sa hayag na mga baseng militar gaya ng sa Subic, Zambales at Clark, Pampanga noon, ang mga FOS ay pinananatili diumanong “pleksible” at “sikreto” para hindi maging tampulan ng protesta at kontrobersiya.

Noong Hulyo, nagpulong sa Camp Navarro ang matataas na opisyal ng AFP at militar ng US, sa pangunguna ni Col. Bill Coultrup, kumander ng JSOTF-P. Itinago ito sa mga miyembro ng lokal na midya. Depensa ni Maj. Gen. Nelson Allaga, kumander ng Westmincom, “walang halaga sa midya” ang nasabing pagpupulong.

Binatikos ng CPP (Communist Party of the Philippines) ang pagtatakip sa nasabing pagpupulong gaya ng umano’y “pagtanggi ng JSOTF-P sa partisipasyon nito sa paniniktik, pagpapatrulya, at operasyong militar.” Isa ang CPP sa tinataguriang “teroristang grupo” ng gobyernong US.

Dalawang insidente ng umano’y pakikisangkot ng mga tropang Kano sa mga operasyong militar ang naiulat ngayong taon. Noong Pebrero 4, sinabi ng mga testigo sa lokal na midya na kabilang ang mga sundalong Kano sa yunit ng AFP na nag-opensiba sa Maimbung, Sulu. Ikinamatay ito ng pitong sibilyan. Naiulat naman ng isang pahayagan ng US na sugatan ang isang sundalong Kano sa ambus ng mga bandidong Abu Sayyaf sa konboy ng Philippine Marines noong Agosto 30.

Itinatanggi ang mga insidenteng ito kapwa ng mga opisyal-militar ng US at AFP. Itinatanggi rin nilang naniniktik ang mga tropang Kano laban sa mga kaaway ng Estado. Ang inamin lamang ni Rebecca Thompson, information officer ng embahada ng US, nagsasagawa ng aerial surveillance ang US para alamin ang kondisyon ng mga kalsada at imapa ang tereyn. Gagamitin lang umano ang impormasyon para sa mga proyektong sibiko.

Pinalawak na operasyon

Pero hindi lamang pagsasanay militar at proyektong sibiko ang pakay ng gobyernong US sa Mindanao. Ayon sa ulat ng United States Institute for Peace o USIP noong Pebrero, may ispesipikong mga target ang mga tropang Kano kabilang na ang “tinatawag na lost commands ng MILF.” Nagsasagawa umano ang JSOTF-P ng “pinalawak” (expanded) na operasyong militar para bigyan ng paniniktik, pagsasanay, at kagamitan ang AFP.

Naging posible, ayon sa Bayan, ang operasyon ng JSOTF-P dahil sa “malabong” (vague) probisyon sa VFA hinggil sa dami, dalas at tagal ng pananatili, at sakop ng aktibidad ng mga tropang Kano. Lampas din umano ito sa saklaw ng Mutual Logistical Support Agreement o MLSA, kasunduan para sa pagbibigay ng suportang materyal sa mga sundalong Kano sa Pilipinas.

“Ano ang mga termino at kondisyon sa operasyon ng mga pasilidad na inookupahan ng US? Mayroon bang mga ulat at dokumento hinggil sa tinakbo nito sa nakaraang anim na taon? Paano umiiral dito ang batas ng Pilipinas?” tanong ng Bayan sa position paper na isinumite sa Lovfa.

Maging ang mga lokal na opisyal ng gobyerno sa Zamboanga City, kinukuwestiyon na rin ang mga pasilidad ng US. Kamakailan, sumulat si Cesar Bayabos, direktor ng Air Transportation Office doon, sa mga opisyal-militar ng US para ireklamo ang pagpapalawak sa kanilang istruktura sa loob ng airport.

Bukod sa himpilan ng JSOTF-P sa Camp Navarro, itinayo at pinatatakbo ng militar ng US sa siyudad ang air asset facility sa Zamboanga City International Airport, daungan sa Majini Pier sa Naval Forces ng Westmincom, at training facility sa Camp Arturo Enrile sa Malagutay.

Nananawagan ang iba’t ibang mga grupo na tumututol sa presensiya ng mga tropang Kano sa Mindanao na isapubliko ang ToR (Terms of Refence) para sa Balikatan Exercises. Huling nagkaroon ng kasulatan hinggil sa dami at saklaw ng aktibidad ng mga tropang Kano sa bansa noong 2002. Ayon sa Bayan, bagaman maraming kuwestiyunableng aktibidad ang mga tropang Kano sa bansa simula noon, hindi ito nakokompronta dahil walang malinaw na ToR at puno ng mga butas ang VFA.

Tuloy ang ‘bisita’

Noong Set. 16, dininig ng Korte Suprema ang oral arguments hinggil sa mga petisyon laban sa Konstituysunalidad ng siyam-na- taong VFA. Pero hanggang wala pa itong desisyon, tuloy ang paglabas-masok ng “bumibisitang” mga tropang Kano na tila may regular nang pinaglalagiang mga base sa Zamboanga City.

Sa ika-50 pulong ng RP-US Mutual Defense Board at ikatlong pulong ng Security Engagement Board noong Set. 26, lumagda muli ang gobyernong US at Pilipinas ng mga kasunduan hinggil sa magkatuwang na mga aktibidad ng mga tropang Kano at AFP para sa 2009.

Sa harap ng Camp Aguinaldo, Quezon City, ipinrotesta ang pagpupulong ng iba’t ibang mga grupo, pero agad silang itinaboy at binatuta ng mga awtoridad. Galit at disgustado sa dispersal, anila’y sana mga sundalong Amerikano na lamang ang pinalalayas ng gobyernong Arroyo.

Advertisements

One Response to “Himpilan ng US sa Zamboanga, tanda ng permanenteng presensiya”

  1. dex Says:

    paan0 mkuha ung shares P1 per value sa lolo ko?e2 un san pablo maufacturing corp., southern luzon coconut oil mill,inc. , legaspi oil company, inc , granexport manufacturing corp. ,ucpb .. plz help me.. this is my email ad cy_doom2050@yahoo.com
    ===========
    di ko po alam. try nyo magtanong sa DOLE. Browse mo lang sa net ang address nila.

    ingat!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: