Alam N’yo Ba Mga Mare?: Ang katotohanan sa likod ng migrasyon ng kababaihan


Gert Ranjo-Libang

SA PILIPINAS ginanap ang Pandaigdigang Kumperensiya sa “Gender,” Migrasyon at Kaunlaran dahil ayon kay Pangulong Arroyo, ang ating bansa ang ika-anim sa halos 200 bansa sa buong mundo kung saan halos pantay na ang istatus ng babae sa lalaki. Kung totoo yan mga mare, bakit pagkadami-dami pa rin sa ating kabaro ang nagiging biktima ng “human trafficking” o ang pagdadala ng mga tao sa ibang lugar para maging busabos na alipin o prostitute. Ang Pilipinas nga ang ika-lima sa buong mundo pagdating sa insidente ng “human trafficking” kung saan 20% ng nabibiktima ay menor de edad na ipinasok sa prostitusyon.

Kahit na ano ang gawin o sabihin ni Arroyo, lalabas at lalabas ang katotohanang hindi natugunan ng kanyang administrasyon ang mga batayang pangangailangan ng kababaihan para sa kabuhayan at serbisyong panlipunan. Bagkus, lalong pa ngang inilulubog ng patuloy na pagsunod niya sa mga patakarang globalisasyon ang pamilyang Pilipino sa kumunoy ng kahirapan.

Kawalang pag-asa ang nagtutulak sa mayorya ng ating mga kabaro na makipagsapalaran sa labas ng bansa; Desperasyon ang humihila sa kanila para sumuong sa walang katiyakang buhay ng isang migranteng manggagawa.

Dahil sino nga ba sa atin mga mare ang kusang mag-iiwan sa ating mga anak upang mag-alaga ng anak ng iba at ang magpa-alipin sa mga di-kilalang tao na ang ugali ay kadalasang taliwas sa ating kinagisnan o maging aliwang kinukutya’s itinuturing na bagay at hindi taong dapat bigyan ng respeto.

Ang pagiging domestic helper o katulong sa bahay, tagapag-alaga ng matanda at bata, o entertainers, iyan ang kinasasadlakang gawain ng halos otsenta porsyento ng kababaihang lumalabas ng ating bansa. Ang mga trabahong ito ay namumuhunan sa pyudal at tradisyunal na pagkakahon sa kababaihan bilang pambahay o pangkama lamang. At maski sa mga bansang napupuntahan ng ating mga kabaro, ang ganitong mga gawain ay tinitignang mababa at madalas pa nga ay tago dahil hindi itinuturing na tunay na trabahong dapat ibilang sa istatistika ng mga naka-empleyo.Samakatwid, ang mga gawaing pinapasok ng ating mga kababaihang migrante ay lalong naglalapit sa kanila sa pang-aabuso’t karahasan.

Sa ganitong kalagayan ng kababaihang migrante, paano masasabing ang paglabas sa bansa ng dumarami nating mga kabaro ay kaunlaran. Lalo namang malabong ito ang maging dahilan upang ang piyudal na pagtingin sa kanila ng lipunang Pillipino bilang mas mababa sa kalalakihan ay mabago.

Muli, mga mare, nakikita natin ang panloloko’t pambobola sa atin ni Arroyo. Muli, mga mare, dapat nating tutulan ang panloloko’t pambobolang ito.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: