Naghihintay pang laban ng Tagaytay 5


Soliman A. Santos

ISANG tula ang naging tugon ni Axel Pinpin, isa sa mga tinaguriang Tagaytay 5, para ipahayag ang kanyang pananaw hinggil sa kanilang paglaya mula sa piitan noong Agosto 28.

Hapon ng araw na iyon, ibinasura ng Tagaytay City Regional Trial Court ang kasong rebelyon na isinampa ng gobyerno laban sa grupo noon pang 2006.

Halos hindi pa rin makapaniwala si Pinpin, at kanyang mga kasamang sina Aristides Sarmiento, Rico Ybañez, Michael Masayes at Riel Custodio na malaya na sila. Ang totoo’y nagduda sila nang matanggap ang balita.

Pero nang humarap sila sa midya isang araw matapos ang kanilang paglaya, masigla silang nakipagbalitaan sa mga miyembro ng midya, mga kaibigan at kasamahan sa organisasyon. Pawang kasapi ng Kamagsasaka-Ka o Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite ang Tagaytay 5. Ikinulong sila nang 28 buwan.

“Ngayon, may dahilan para magdiwang ng kahit kaunti ang progresibong mga grupo na nagsusulong ng karapatang pantao at ang militanteng kilusang masa, dahil muli na naman itong nagtagumpay sa mahabang paghahanap sa Kalayaan at Katarungan,” pahayag ng grupo.

Dinukot sila ng mga pulis noong 2006 dahil may kaugnayan umano sila NPA (New People’s Army at ipinadala para guluhin ang gobyerno sa Araw ng Manggagawa nang taong iyon. Sa loob ng pitong araw simula nang sila’y maaresto, hindi maayos na nasabihan ang kanilang pamilya kung nasaan sila. Sa loob ng mga araw na iyon, nanatili silang may piring sa mga mata at nakatali ang mga kamay sa kanilang likod.

Tagumpay sa karapatang pantao

Nagpahayag naman ng katuwaan ang mga abugado ng Tagaytay 5. Ayon kay Atty. Jose Manuel Diokno, natutuwa sila sa paglaya ng lima pero nababahala pa rin sila sa palasak na pagsasampa ng gobyerno ng mga kasong pulitikal tulad ng rebelyon para takutin ang nagpoprotestang mga mamamayan.

Ayon naman kay Donato Continente, isa ring dating detenidong pulitikal, marami at nagpapatuloy pa rin ang ilegal na detensiyon, tortyur at pagdukot. Bilang isang dating detenidong pulitikal sa mahabang panahon, nagulat pa rin umano si Continente nang unang madalaw siya sa kulungan na kinasadlakan ng Tagaytay 5 dahil hindi umano ito makatao.

Sang-ayon naman ang Commission on Human Rights sa pahayag ni Continente. Ayon sa CHR, hindi pasado sa minimum na pamantayan ng United Nations hinggil sa pagtrato sa mga bilanggo ang selda nina Pinpin.

Tinawag naman ng grupong Karapatan na isang tagumpay ng mga mamamayan sa pakikipaglaban para sa karapatang pantao ang paglaya ng Tagaytay 5. Pinatutunayan umano nito na ang pakikipaglaban para sa mga karapatan ay hindi isang krimen.

Gayunman, nababahala pa rin ang Karapatan sa kalagayan ng karapatang pantao sa ilalim ni Pangulong Arroyo. Umabot sa 225 ang detenidong pulitikal sa ilalim ni kasalukuyang administrasyon.

“Noong panahon ni Marcos, may batas militar kaya laganap ang mga paglabag sa karapatang pantao. Pero sa ilalim ni Arroyo, nangyayari ang mga bagay na ito kahit hindi nagdedeklara ng batas militar,” sabi ni Ruth Cervantes, public information officer ng Karapatan.

Isang libo’t isang pasasalamat

Sa kabila naman ng kahirapan sa loob ng kulungan, nakatagal ang Tagaytay 5 sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga bagong kalaaman at pagiging produktibo.

“Malaki ang papel ng mga kilusang nakikiisa sa amin sa pagkuha ng mga balita sa ‘labas’, lalo na nang dumalang ang mga pagdinig sa korte, at kapag parang hindi na namin makayanan ang mga tensiyon at kahirapan sa loob ng bilangguan,” ayon sa Tagaytay 5.

Kaya naman lubos ang pasasalamat ng grupo sa suporta ng kanilang mga pamilya, mga abugado, mga organisasyong masa, mga relihiyoso at sektor pangkalusugan, at sa lahat ng sumuporta sa kanilang pakikibaka para sa kalayaan, katarungan at tunay na demokrasya.

Masakit sa alaala ng Tagaytay 5 ang dalawang taon at apat na buwang pagkakabilanggo. Puno umano iyon ng pangungulila, pagkainip at kawalang-hustisya. Kaya naman sa unang araw pa lamang ng kanilang paglaya, ipinahayag ng Tagaytay 5 na matapos lamang marahil ng ilang post-traumatic stress therapy at pagpapagamot sila babalik sa pakikibaka na anila’y pansamatalang inantala ng mga ahente ng Estado.

“May 26 na detenidong pulitikal pa sa Timog Katagalugan at mahigit 200 sa buong bansa, at halos 900 biktima ng pampulitikang pamamaslang na nananawagan pa rin ng katarungan. Kaya nga marami pang trabahong naghihintay. At wala nang lugar para sa malulupit na pag-antala,” pahayag ng grupo. (PinoyWeekly)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: