Tunay na mukha ng migrasyon


Soliman A. Santos

ABANG KALAGAYAN. Piket ng naistranded na mga migranteng Pilipino sa Saudi Arabia (Arkibong Bayan)

ABANG KALAGAYAN. Piket ng naistranded na mga
migranteng Pilipino sa Saudi Arabia (Arkibong Bayan)

TALIWAS sa inaasahang ginhawang hatid ng pangingibang-bayan, bangkay ng kanyang kapatid ang sinalubong ni Lilybeth Garcia at ng kanyang pamilya sa Ninoy Aquino International Airport noong Hunyo 12, 2008.

Halos hindi sila makapaniwala nang masilayan ang katawan ng kapamilyang si Eugenia Baja, isang domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia, na ayon sa mga awtoridad ay nagpakamatay.

Pero iba ang paniwala nina Lilybeth sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng kapatid. Lalong hindi sila makapaniwala rito nang makita nila ang bangkay ni Baja sa airport. Ayon kay Lilybeth, may mga pasa at bugbog sa iba’t ibang parte ng katawan ang bangkay. Mayroon din itong saksak ng kutsilyo sa tagiliran na lalong nagpatingkad sa kanilang hinala na hindi nagpatiwakal si Baja.

Itinulak ng kahirapan

Umalis si Eugenia sa Pilipinas papuntang Riyadh noong Mayo 6, 2007. Kuwento ni Lilybeth, masayang-masaya ang kanyang kapatid bago ito nangibang-bayan. Sa wakas, matutupad ang pangarap nitong makatulong sa kabuhayan ng mga magulang. Plano rin niyang pag-aralin ang tatlong nakababatang kapatid na lalaki.

Desidido si Genia – palayaw ni Eugenia sa mga kapatid – sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa para makatulong sa kabuhayan ng pamilya. Una siyang nagtangka noong 2005. Magtatrabaho sana siya bilang domestic helper sa Lebanon pero nagkaroon ng giyera kaya hindi siya natuloy. Bago ito, nagtrabaho rin siya bilang serbidora sa isang burger chain at pumasok ring katulong.

Magsasaka ang pamilya ni Genia. At gaya ng mayorya ng mga magsasaka sa bansa, hindi nila pag-aari ang lupang sinasaka. Ni wala silang kalabaw na ginagamit sa pagbubungkal. Kaya nang unang magpadala ng pera si Genia mula sa Riyadh, ibinilin niya sa mga magulang na kalabaw ang unang bilhin ng mga ito.

Katuwang ng kanyang mga magulang sa pagsasaka ang anim niyang kapatid. Huminto na noon sa pag-aaral ang tatlong lalaking sumunod kay Genia pero dahil sa pagpipilit niyang makatapos ang mga ito, muli silang nag-aral sa suporta na rin ng dalaga.

Misteryosong pagkamatay

Noon pa ma’y nagdududa na sina Lilybeth sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang kapatid. Ikatlong buwan ni Genia sa Riyadh nang sabihin nito kina Lilybeth na lagi siyang nagugutom dahil tinapay lang ang ipinakakain sa kanya. Tinawagan ni Lilybeth ang ahensiya ni Genia, ang sabi ng mga ito sa kanya wala siyang dapat ipag-alala. Baka raw homesick lang.

Pero nagpatuloy ang pagdaing ni Genia sa tuwing siya’y tatawag. Nang sumunod na mga buwan, sinabi naman nitong pinagbubuhat siya ng mabigat ng kanyang amo kahit tinapay pa rin ang kinakain niya. Hirap na hirap na umano siya kanyang kinalalagyan.

Noong Enero 2008, tumawag muli si Genia at nagsabing gusto na niyang umuwi. Sa isang text nito sa pamilya, humihingi ito ng tulong. Parang nawawala na umano siya sa sarili at hindi na alam ang ginagawa. Ayon kay Lilybeth, sinabi ni Genia na may naaamoy siyang mabahong usok sa kanyang kinalalagyan at para na siyang nababaliw. Hindi niya na rin alam ang ginagawa sa kanya ng kanyang amo.

Sa Department of Foreign Affairs naman lumapit sina Lilybeth. Tugon ng mga opisyal ng ahensiya, baka homesick lang si Genia. Pinagbintangan pa ng mga ito na baka gumagawa lang ng istorya ang dalaga. Wala raw silang natatanggap na masamang balita tungkol sa isang OFW sa Riyadh.

Dahil walang maasahan sa mga ahensiya ng gobyerno, nagpunta si Lilybeth sa tanggapan ng Migrante International. May isang kaibigan na nagsabi sa kanya na puntahan ang Migrante para magpatulong sa pag-alam sa kalagayan ni Genia sa Saudi Arabia. Sinamahan naman siya ng Migrante sa DFA at tumulong sa pagkalampag sa naturang ahensiya.

Hanggang noong Pebrero 27, ibinalita ng DFA na patay na si Genia. Tatlong araw na raw itong patay. Ayon sa DFA, nagkulong ito ng tatlong araw at inumpog ang ulo sa pader. Pero nang makuha nina Lilybeth ang awtopsiyang ipinadala ng awtoridad ng Saudi Arabia, nakasaad doon na namatay si Genia dahil sa ospital dahil sa ulcer.

Hindi katanggap-tanggap para kina Lilybeth ang sinapit ng kapatid. Halos hindi nila nakilala ang bangkay ni Genia dahil tatlong buwan na itong nakaimbak. Naiuwi lamang ang bangkay ng dalaga sa pakikipagtulungan ng Migrante sa tanggapan ni Senador Manny Villar.

Katarungan

Hindi rin sila naniniwala na nagpakamatay ito. Pinatutunayan ito ng pinagsususpetsahan nilang mga marka ng pagmaltrato rito bago pa man ito namatay. Nais nila ng hustiya para sa pagkamatay ni Genia. Nakatakda nilang ipahukay at muling ipaawtopsiya ang katawan ng dalaga.

“Ayaw na nga ng nanay ko na ipahukay pa, pero iba na ang habol namin dito. Katarungan para sa pagkamatay ng aking kapatid,” ani Lilybeth.

Sa ngayon, isa si Lilybeth sa mga nangunguna sa pagkilos ng Migrante sa paghahanap ng katarungan sa marami pang biktima ng misteryosong pagkamatay ng mga OFW.

Patuloy naman ang pagsuporta ng Migrante sa mga katulad ng pamilya ni Genia.

Binatikos ng Migrante ang DFA at mga opisyal ng mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa pagkainutil na protektahan ang mga OFW. Ipinakikita umano nito ang pagkasunud-sunuran ng mga ito sa mga dayuhang gobyerno habang nagbubulag-bulagan sa katotohanan, at ipinagpapalit ang mga kapakanan ng mga biktima para lamang makapag-luwas ng murang paggawa at kumita mula sa remitans ng mga OFW.

Dumaraming kaso

Sa talaan ng Migrante, 23 kaso ng misteryosong pagkamatay ang naitala nila sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Ibinigay na halimbawa ng Migrante ang mga kaso ng umano’y pagpapakamatay nina Maria Mitos Vergara at Jefrey Alberto So, sa Dubai noong Hunyo 24 at ni Gilbert Angeles, na natagpuang patay sa kanyang apartment sa Singapore noong Hunyo 30.

Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang mga migrante sa United Arab Emirates sa tumataas na bilang ng ‘pagpapakamatay’ ng mga OFW lalo na’t walang ginagawang aksiyon ang mga opisyal ng Pilipinas sa naurang bansa.

“Naaalarma kami sa tumataas na ulat ng ‘pagpapakamatay’ ng mga OFW sa UAE. Ang aming tsapter sa Dubai ay nakapagtala na ng pitong kaso,” ayon kay Nhel Morona, pangkalahatang kalihim ng Migrante-UAE.

Sinabi pa ni Morona na nalalaman ng kanilang tsapter ang mga kaso ng ‘pagpapakamatay’ dahil na rin sa paghingi ng tulong mga kaanak ng mga biktima sa Migrante.

“Nagulat kami hindi lamang dahil sa biglang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng ‘pagpapakamatay’ kundi dahil sa walang ginagawa ang mga opisyal ng embahada sa mga kasong ito kundi ideklarang ito’y mga ‘pagpapakamatay’ nang hindi man lamang iniimbestigahan,” ani Morona.

Nasa ibaba ang listahan ng Migrante-ME ng mga napaulat na ‘pagpapakamatay’ sa UAE:

Roderick Miranda – diumano’y nagbigti noong Peb. 4 2008

Norayda Ayuman – tumalon mula sa ikapitong palapag ng gusali noong Peb. 6, 2008

Jeffrey Alberto So – tumalon mula sa ikatlong palapag ng gusali noong Hun. 13, 2008

Mitos Vergara – tumalon mula sa gusali Hun. 24 2008

Myrna Baylosis –tumalon mula sa ikaapat na palag ng gusali Hul. 8, 2008

Remedios Waayan – iniuwi sa Pilipinas noong Hul. 24, 2008

Evelyn Lilo – napaulat na tumalon mula sa gusali Agosto 10, 2008.

Maliban rito, kinukumpirma pa ng Migrante-UAE ang napaulat na dalawang kaso ng isang lalaki at isang babae, na parehong nakabase sa Abu Dhabi.

Kaugnay nito, nanawagan ang Migrante sa Department of Foreign Affairs na atasan ang mga opisyal nito sa UAE na masusing imbestigahan ang mga naitalang kaso at magsagawa ng pag-awtopsiya at imbitahan ang mga pamilya ng mga biktima para maliwanagan ang mga ito sa sirkumstansiya ng pagkamatay ng kanilang kaanak.

“At kung lumabas sa awtopsiya na may ‘foul play’ sa pagkamatay, dapat lamang magsampa ng kaso ang mga opisyal ng embahada laban sa mga may kagagawan nito,” giit ni Morona.

Binatikos naman ng Migrante si Pangulong Arroyo sa pagsasabi nito noong nakaraang SONA na “pinangangalagaan niya ang mga OFW”, habang maraming Eugenia Baja pa ang humihingi ng katarungan. Ipinakikita lamang umano ng mga pagkamatay na ito ang “tunay na mukha” ng migrasyon taliwas sa nais na ipakita ng gobyerno.

Asambleya ng mga migrante

“Ang mga misteryosong pagkamatay na ito at iba pang isyu pang-migrante ang tatalakayin ng mga migrante sa International Assembly of Migrants and Refugees na gaganapin sa darating na Oktubre,” ayon kay Regalado.

Ang IAMR ang tugon ng mga migrante sa Global Forum on Migration and Development na gaganapin sa Pilipinas sa Oktubre 28-30. Kakaiba sa GFMD na ayon sa Migrante ay nagbebenta ng mga OFW sa mayayamang bansa, ang IAMR ang venue ng mga migrante para talakayin at solusyonan ang suliranin ng migrasyon.(PinoyWeekly)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: