Estudyante nag-walkout laban sa Cha-Cha, Batas Militar


Ilang-Ilang Quijano

LIBU-LIBONG estudyante sa Kamaynilaan ang nag-walkout sa kanilang mga klase para kondenahin ang umano’y mga hakbang ni Pangulong Arroyo na gamitin ang kaguluhan sa Mindanao para makapanatili sa puwesto lampas sa 2010.

Noong Agosto 22, nagsagawa ng kilos-protesta sa mga kolehiyo at unibersidad ang alysansang Youth ACT Now! (Youth for Accountability and Truth Now!).

Bandang alas-dose ng tanghali, tumungo sa Plaza Salamanca sa Taft Ave. ang mga estudyante ng University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, De La Salle University, College of St. Benilde, St. Scholastica’s College, Ateneo de Manila University, University of the East, University of Sto. Tomas, Far Eastern University, Adamson University, Philippine Christian University, Colegio de San de Letran, Lyceum of the Philippines University, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Philippine Normal University, Jose Rizal University, at Technological Institute of the Philippines.

Nagmartsa ang mga estudyante patungong Roxas Boulevard para sumanib sa iba pang mga puwersang kalahok sa Truth Festival na inorganisa ng mga taong-simbahan.

Ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng LFS (League of Filipino Students), tumitingkad ang umano’y “game plan” ni Arroyo. “Noong una, (inilako niya) ang Charter Change. Ngayon naman, minamanipula niya at ng kanyang utak-pulbura na mga adviser ang nangyayari sa Mindanao para lumikha ng atmospera ng takot at kaguluhan kahit sa Kamaynilaan,” aniya.

Itinaas ang red alert at naglagay ng mga checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan nang pumutok ang sagupaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at militar sa Lanao del Norte.

“Saanmang anggulo mo tingnan, Cha-Cha o Batas Militar, parehong nagsisilbi ito sa motibo ni Arroyo na makapanatili sa puwesto at iwasang mapanagot sa patung-patong na mga kaso ng korapsiyon at paglabag sa karapatang pantao,” ayon kay Dion Cerrafon, presidente ng Kabataang Pinoy.

Sabi naman ni Ken Ramos, tagapangulo ng Anakbayan, “Sa halip na mga iskemang makasarili, dapat tugunan ni Arroyo ang krisis sa ekonomiya. Mataas pa rin ang presyo ng langis, humahaba ang mga pila sa bigasan ng NFA (National Food Authority), at kumakamal pa rin ng kita ang gobyerno mula sa VAT (Value-Added Tax) na pinapasan ng taumbayan.”

Pinangunahan ng mga grupong National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, Student Christian Movement, Kabataang Pinoy, Anakbayan, LFS, Karatula, Liga ng Kabataang Moro, Youth Revolt and Kristiyanong Kabataan para sa Bayan ang walkout ng mga estudyante.(PinoyWeekly)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: