Atake sa sibilyan sa Mindanao: sino ang may kagagawan?


Kenneth Roland A. Guda

Lumikas, nangangamba (Contributed Photo)

Mga sibilyang Moro sa Pikit: Lumikas, nangangamba (Contributed Photo)

NOONG nakaraang buwan pa, pabalik-balik na si Santukan Salikula at ang pamilya niya sa samu’t saring relokasyon. Nangamba sila sa pagdami ng insidente ng misteryosong pag-atake sa mga sibilyang Moro sa Pikit, North Cotabato. Pero noong nakaraang dalawang linggo ang pinakamalupit.

Sa kabila ng balitang pagharang ng Korte Suprema sa paglalagda sa MOA (Memorandum of Agreement) on Ancestral Domain sa pagitan ng gobyerno at ng MILF (Moro Islamic Liberation Front), napansin nilang dumarami ang nagtitipong sundalo ng Philippine Army sa kanilang lugar. Nagbakwit na siya at ang mga kapitbahay, patungong evacuation center sa Dalingawin sa Pikit. Dito, nagsisiksikan ang halos 30,000 katao – karamiha’y Muslim – mula sa iba’t ibang bahagi ng Pikit.

Agosto 9, nabalitaan nila ang sagupaan sa pagitan ng MILF at Army sa lugar. Agad nilang nilikas ang Dalingawin para pumunta sa isa pang evacuation center sa Batulawan. Nagpatuloy ang mga engkuwentro – ang mga pagsabog, naririnig at nababalitaan nila sa kanilang mga lugar ng ebakwasyon.

Sa lahat ng panahong ito, bakbakan ng MILF at Army ang naganap. “Walang inatake ang MILF sa amin,” sabi ni Santukan.

Pero sa nalalapit na probinsiyang Lanao del Norte, noong Agosto 18, ibang balita ang sumingaw. Matindi na ang sagupaan sa pagitan ng rebelde at puwersa ng Estado nang mabalitaan ang pagpatay sa mga sibilyan sa limang bayan ng probinsiyang ito, pati sa Saranggani. Tinatayang 41 sibilyan ang namatay sa ataking ito – 30 mula sa Kolambugan.

Sa pahayag ni Brig. Gen. Hilario Atendido, hepe ng 102nd Brigade ng Army, kahindik-hindik ang mga detalye. “Pinatay sila na parang mga manok,” paglalarawan ng heneral. Hindi agad nakapasok sa Kauswagan, Kolambugan, Bacolod at Maigo sa Lanao del Norte ang mga tropa ni Atendido. Pero may agad silang paliwanag sa mga pagpaslang: “Mga MILF ang may kagagawan.”

Sila nga ba?

Hindi makapaniwala si Santukan na MILF ang may kagagawan sa mga pagpaslang. “Labag kasi sa Islam ang ganoong pagpatay,” aniya.

Sa lahat ng ulat ng midya sa insidente, pawang Army ang pinagmulan ng impormasyong mga MILF ang pumaslang sa 41 sibilyan. Umani ng matinding pagkondena ang MILF sa naturang insidente. Kinondena ito ng mga pulitiko kapwa mula sa administrasyon at oposisyon. Noong Agosto 21, nagdeklara na ang gobyernong Arroyo na hindi nito lalagdaan ang MOA – at ipinangakong paiigtingin ang atake sa mga kampo ng MILF, hindi lamang sa Lanao del Sur at North Cotabato, kundi sa mga probinsiyang may presensiya ng MILF.

Lahat ng opensibang militar na ito, ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, ay may layuning hulihin ang dalawang kumander ng MILF na saklaw mga lugar kung saan naganap ang mga pagpatay. “Magpapatuloy ang mga operasyon natin para mahuli sila at mapasailalim sa saklaw ng batas,” sabi ni Teodoro.

Tinutukoy ni Teodoro sina Ombra Kato at Abdurahman Macapaar, mas kilala bilang Kumander Bravo. Ayon sa gobyerno, si Kato, at lalung laluna si Bravo, ang may pakana ng mga pagpaslang.

Pero itinatanggi ito ng MILF. Sa panayam sa telepono ng isang estasyon sa telebisyon, sinabi ni Bravo na hindi siya ang may kagagawan ng pagpatay, kundi ang isang “probationary” na sundalo ng MILF na si Alvin Canto. Hindi umano Muslim o Kristiyano si Canto. Bagamat saklaw ng responsabilidad ni Bravo, hindi niya inutusan si Canto na atakihin ang mga sibilyan, laluna’t nasa Maguindanao raw siya noong panahong iyon.

“Noong nalaman kong sila ang pumatay sa mga sibilyan, bata at babae, tumakbo sila sa gobyerno ng Pilipinas,” kuwento ni Bravo. Noong Agosto 20, sumuko si Canto sa Army at nagsabing si Bravo umano ang nag-utos sa kanyang patayin ang mga sibilyan.

Patas na imbestigasyon

Sa panayam ng PINOY WEEKLY kay Mohagher Iqbal, punong negosyador pangkapayapaan ng MILF, inamin ni Iqbal na mga kumander ng MILF sina Bravo at Kato. Pero hanggang nang makapanayam siya noong Agosto 22, hindi pa rin umano nila nakakausap si Bravo at naitatanong ang tunay na nangyari.

“Nasa pinakaloob (ng kabundukan) si Bravo at hindi namin agad makausap,” sabi ni Iqbal. Hindi rin umano uubrang makausap siya sa telepono dahil sa matinding paniniktik ng militar ng gobyerno sa kanilang mga negosyador.

Gayunman, may inisyal na pagtingin si Iqbal na hindi kasing-simple ng iniuulat ng Army ang naganap sa Lanao del Norte. May tatlong uri umano ng biktima roon. Una, ang mga sibilyang napatay ng mga grupong paramilitar at militar (Basahin ang kaugnay na artikulo). Pangalawa, ang mga sibilyang nadamay sa putukan sa pagitan ng militar at MILF. Pangatlo, ang sibilyang walang kalaban-labang pinaslang – si Bravo man o si Canto, hindi pa matukoy.

“Kaya naman nananawagan kami ng impartial investigation,” sabi ni Iqbal. Ipinanawagan nilang itigil muna ang pag-atake ng militar ng gobyerno at imbestigahan ng isang niyutral na grupo ng mga imbestigador ang mga insidente. Sa paraang ito, matutukoy ang salarin sa bawat kaso ng 41 pagpatay na aniya’y tila pinagsabay-sabay at ibinibintang lahat sa MILF.

Pabor dito ang Suara Bangsamoro, organisasyong nagtataguyod ng karapatang ng mga Moro. Ayon kay Amirah Ali Lidasan ng Suara, maaaring buuin kapwa ng mga Muslim at Kristiyano ang naturang investigating team. Kung anuman ang mapapag-alaman nila ay dapat tanggapin ng dalawang panig.

Ayon kay Teodoro, nais lamang ng AFP na mapasailalim sa batas ng gobyerno sina Bravo at Kato. Pero sabi ni Iqbal, labag sa ceasefire agreement ng dalawang panig ang pagsuko sa isang miyembro ng isang panig sa kalabang panig. May sarili umano silang sistema ng hustisya na dapat sundin sang-ayon sa ceasefire agreement. Yun nga lang, hindi na nila agad mapatupad nang maayos dahil sa mga opensibang militar ng AFP.

Titindi pa?

Inilinaw ng Malakanyang na hindi naman nila inaabandona ang usapang pangkapayapaan. Sa harap ng matinding pagtutol sa MOA – kahit na masasabing malakas ang suporta para rito sa hanay ng mga Moro – nagdesisyon lamang si Arroyo na huwag lagdaan ang kasunduan.

Pero habang inihahayag ito, tumitindi ang pag-atake sa MILF. Nanawagan na ang maraming opisyal ng gobyerno na armasan ang mga sibilyan. Para kay Lidasan, napaka-mapanganib ng ganitong hakbang. “Titindi ang giyera, at gagamitin pa ng maraming pulitiko para iraos ang pag-atake sa mga kalaban sa pulitika,” aniya. Ipag-aaway umano ang mga Kristiyano at Muslim sa ngalan ng kakarampot na lupa sa ilalim ng MOA, habang namamayani pa rin ang mga ito sa malalaking lupain sa Mindanao.

Nanganganib na hindi agad makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga tulad nina Santukan. At kung makakabalik man, kailangan pa niyang problemahin ang napakasamang pagturing sa kanilang mga Moro matapos ang atake sa mga sibilyan noong Agosto 18.(PinoyWeekly)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: