Sa ngalan ng komersiyo sa Quezon City


Ilang-Ilang D. Quijano & Noel Sales Barcelona

Protesta ng mga empleyado ng Department of Agriculture laban sa paglilipat ng tanggapan sa probinsya. (Ilang-Ilang Quijano)

Protesta ng mga empleyado ng Department of Agriculture laban sa paglipat ng tanggapan ng kanilang opisina mula Quezon City patungong Iligan City, Isabela. (Ilang-Ilang Quijano)

TUWING alas-dose ng tanghali sa nakaraang tatlong linggo, sabay-sabay na lumalabas sa kani-kanilang opisina ang mga empleyado ng DA (Department of Agriculture). Nakasuot sila ng pula’t nagbibitbit ng mga bandera. Umaasa silang madidiskaril pa ang isang gumugulong na planong sasagasa sa kanilang mga kabuhayan.

Noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, pinasinayaan ng mga opisyal ng DA at lokal na opisyal ng gobyerno ang bagong DA Central Office sa Capitol Building, Iligan City, Isabela. Samantala, sa kasalukuyang sentrong tanggapan ng DA sa Elliptical Road, Quezon City, may 370 kilometro ang layo, walang kamalay-malay ang mga empleyado.

Nalaman na lamang nilang may bago silang opisina nang mabasa ang memorandum ni Silvestre Bello, kalihim ng Office of the Presidential Adviser for New Government Centers, kay Kal. Arthur Yap ng DA noong Hulyo 19. Ayon sa memorandum, dapat makalipat na sa bagong DA Central Office “sa lalong madaling panahon…alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Arroyo.”

“Nagulat na lang kami. Ni wala man lang konsultasyon sa amin,” ayon kay Lilibeth de Leon, 49, siyam na taon nang nagtatrabaho na legal assistant at miyembro ng DA-EA (Department of Agriculture Employees Association).

Sa piket ng mga empleyado ng DA sa harap ng kanilang tanggapan noong Agosto 1, sumama sa kanila ang mga empleyado ng mga kakabit na ahensiya ng DA, DAR (Department of Agrarian Reform), at DENR (Department of Environment ang Natural Resources).

Umanib na rin sa arawang protesta ang mga miyembro ng grupong Courage (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, Kilusang Mayo Uno o KMU, at Anakpawis Party-list.

Hindi kasi ito simpleng usapin ng paglilipat ng isang opisina.

QC-CBD, tunay na dahilan

Sinabi ng gobyernong Arroyo na ililipat ang DA sa probinsya ng Isabela “upang mailapit ito sa mga magsasaka.” Ito rin umano ang magpapasimuno ng programa ng gobyerno sa produksiyon ng palay sa rehiyon ng Cagayan Valley.

Pero higit pa rito ang dahilan, ayon sa DA-EA. Saklaw ang lupaing kinatitirikan ng DA ng grandiyosong proyekto ng pambansang pamahalaan, ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon at ng malalaking negosyante—ang Quezon City Central Business District o QC-CBD.

Noong Mayo 4, 2007, nilagdaan ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ang grandiyosong plano ng QC-CBD na layong gawin ang lungsod na sentro-ng-grabidad sa komersiyo, pamumuhunan at pananahanan sa Metro Manila. Inamyendahan pa ito sa pamamagitan ng EO 670-A noong Setyembre 11, 2007.

Saklaw ng naturang proyekto ang 96.4 ektarya sa North Triangle, 99.2 ektarya sa East Triangle, at 55 ektarya sa lugar ng Veterans Memorial Hospital. Bagaman hindi saklaw ng naunang plano, idinamay na maging ang 90 ektaryang pag-aari ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Tatayuan ang nasabing mga lugar ng mga pabahay at mga sentro ng pamumuhunan, komersiyo, kalusugan, pagpapaganda, at paglilibang. Ginagarantiyahan ang proyekto ng P3-Bilyon mula sa World Bank at hiwalay na pondo mula sa Asian Development Bank.

“Dahil prime lot o magandang paglagyan ng mga gusali at establisimyento ang lugar na kinatitirikan ngayon ng DA, gustong ipagbili ito ng gobyerno kahit pa na nangangahulugan ito nang malawakang tanggalan sa trabaho,” paliwanag ni Joven Gaculada, pangulo ng DA-EA.

Hindi lamang tanggapan ng DA ang apektado sa QC-CBD. Ayon kay Ferdinand Gaite, pambasang tagapangulo ng Courage, nakatakda na ring ilipat sa Davao City ang tanggapan ng DAR sa Elliptical Road. Ipagbibili na rin umano ang ilang bahagi ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife (matatagpuan sa Agham Road), na pinamamahalaan ng DENR.

Himutok ni Gaculada, “Isasakripisyo nila ang trabaho at kapanakan ng mga empleyado, maging ng mga mamamayang pinaglilingkuran ng mga ahensiyang apektado ng paglilipat, para mapagbigyan ang mga kapitalistang gaya nina Jaime Zobel de Ayala, Henry Sy Sr., magkapatid na Andrew at Lucio Tan, at si John Gokongwei Jr.”

Epekto sa empleyado

Ayon sa Courage, walang tiyak na programa ang gobyerno hinggil sa mga empleyado ng nabanggit na mga ahensiya. Wala rin umanong malinaw na pondong nakalaan para sa isiguro ang maalwang paglilipat. “Sa halip, naniniwala kami na mas magagastusan pa nga ang gobyerno dahil kailangang magtayo ng bagong mga gusali para sa mga tanggapan at ilipat ang lahat ng mga kagamitan,” ani Gaite.

Lalong hindi kakayanin ng karaniwang mga empleyado gaya ni de Leon ang gastos ng pagpasok sa malayong opisina. “Kapag nasa Isabela na ang DA, magkano ang pamasaheng kailangan namin? Mas malaki pa ata kaysa sa isang buwang sweldo,” aniya.

Ngayon pa lamang, hindi na niya halos maipagkasya sa pagpapakain at pagpapa-aral ng dalawang anak ang buwanang sweldo na P15,000. “Balewala na rin nga yung 10% umento sa suweldo dahil ilang beses na ba nagtaas ang presyo ng mga bilihin, ng langis?” ani de Leon.

Samantala, pangamba ng mga empleyado ng kakabit na mga ahensiya ng DA, isusunod na rin ang paglilipat sa kanilang mga tanggapan sa probinsiya.

“Kung nasaan ang inahin, tiyak doon din ilalagay ang mga inakay, ‘di ba? Hindi naman puwedeng nandoroon sila (DA Central Office) sa Isabela at nandirito naman kami sa QC,” ayon kay Lori Bangalisan, pangulo ng Bureau of Animal Industry Employees Association o BAI-EA.

Kuwento ni Bangalisan, hirap na ngang umagapay sa tumataas na pamasahe ang mga empleyado. Ang ilan sa kanila, ibinabahay na ng unyon sa loob ng opisina ng BAI. Baon din umano sa utang ang karaniwang mga empleyado na tumatanggap lamang ng P200 hanggang P300 take-home pay kada araw.

Lalo umanong lalala ang kanilang mga problema kapag naglipat ng opisina. “Maganda kung sa maganda yung QC-CBD. Pero para sa aming mga empleyado, malawakang layoff ang mangyayari. At mayayaman lang talaga ang makikinabang diyan sa proyekto. Paano ang mahihirap, na can’t afford pumunta sa QC para mag-shopping?” ani Bangalisan.

Nag-aalala rin siya sa epekto ng pagtatayo ng QC-CBD sa komunidad ng mga maralitang pamilya sa likuran ng tanggapan ng BAI sa Visayas Avenue.

Sanhi ng korupsiyon?

Kinukuwestiyon din ng Courage ang posibleng maanomalyang paggamit ng gobyernong Arroyo sa pondong kikitain mula sa pagbebenta ng mga lupain sa Quezon City. Tinatayang aabot ito ng bilyun-bilyong piso.

“Alam naman natin na sa usapin ng pagbibili ng mga pag-aari ng gobyerno, naririyan ang mga padulas o mga lagayan para mapadali ang mga transaksiyon. Hindi lamang inaalisan ng gobyerno ng karapatan ang publiko sa mahahalagang serbisyo dahil sa paglipat ng mga tanggapan nito at ng trabaho ang mga empleyado sa loob ng mga opisinang ito. Nanakawan pa nila ang taumbayan,” sabi ni Gaite.

Kamakailan, binuo ng Courage, kasama nang iba pang mga organisasyon gaya nang Aksiyon Central at Alliance of Health Workers, ang alyansang tinatawag na Contra-CBD o Concerned Organizations opposed to Transfer, Layoff and Privatization for the Central Business District.

Magsisilbi umano itong kalasag ng mga mamamayan laban sa demolisyon ng mga maralitang komunidad, pagsasapribado ng mga ahensiya ng gobyerno, at tanggalan sa hanay ng mga empleyado ng gobyerno.

Anila, lalabanan at bibiguin nila ang grandiyosong proyektong QC-CBD na isasakripisyo ang karapatan sa kabuhayan, pamamahay, at serbisyo sosyal ng libu-libong mamamayan—sa ngalan ng komersiyo at sa kaabikat nitong korupsiyon sa gobyerno.

Hindi nga lang simpleng usapin ng paglilipat ng opisina ang ipinoprotesta ng mga empleyado ng DA araw-araw sa nakaraang tatlong linggo.(PinoyWeekly)

2 Responses to “Sa ngalan ng komersiyo sa Quezon City”

  1. Urika Yong Says:

    Gagamit lang ba ako nag pills kapag
    Mag sex kami ng Bf ko? Tanong kulang na lito kasi ako.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: