Pangmomolestiya sa pabrika


Kenneth Roland A. Guda & Patrick Bilog

nilalabanan na ang diumano'y seksuwal na panghaharas (Patrick Bilog)

NANGINGINIG noon si Gloria Bongon tuwing nakikita niya ang boss.

Alas-otso pa lamang ng umaga, isang araw noong 2006, nang dumating siya sa tarangkahan ng pabrika ng Bleustar Manufacturing & Marketing Corp. Papasok siya bilang manggagawa sa pabrikang gumagawa ng mga sapatos na Advan. Ngunit bago pa makapasok, nasa tarangkahan na ang kanyang boss na si Jimmy Ong. Aniya, lasing na naman ito.

Tinawag siya at dinuro ni Mr. Ong. “Ikaw siguro ang pasimuno ng lahat ng ito. Ikaw siguro ang nagsisimula ng unyon,” ayon diumano sa boss.

Batid ni Gloria ang matagal nang tsismis. Batid niya ang kuwentong umiikot-ikot sa hanay ng mga manggagawa ng Bleustar. Naunahan siya ng takot. Kung kaya, nagawa niyang itanggi ang pagkakasangkot niya sa pagtatayo ng unyon. “Hindi ho,” ani Gloria, para huminahon lang raw si Mr. Ong.

Pero nahatak na siya papalapit sa boss. Binuksan diumano ni Mr. Ong ang kanyang zipper ng pantalon. Saka inilabas ang ari, pilit na pinahahawakan kay Gloria na kumakabog ang dibdib sa takot.

Nagawa niyang makalaya sa hawak ng boss. Kabado pa rin sa nakakawindang na karanasan, pero lalong naging sigurado umano si Gloria na tama ang ginagawa niya, na kailangang ipagpatuloy ang pagtatag ng unyon sa loob ng Bleustar. Sa pagkakaisa ng mga manggagawa, magagawa nilang protektahan ang karapatan mula sa mababang pasahod, masamang kondisyon sa paggawa, at sekuwal na pangmomolestiya.

Simula’t sapul

Isa ang Advan sa natitirang lokal na kompanya ng sapatos na aktibo pa rin sa produksiyon sa kabila ng matinding pagpasok ng dayuhang – karamiha’y mula sa Tsina – kompanya ng sapatos.

Sikat ang kompanyang pinagmumulan ng Advan. Bago itinatag ang Bleustar, pag-aari ng pamilya Ong ang Rubberworld Philippines, na noong dekada ’80 ay nag-eempleyo ng mahigit 5,000 manggagawa. Sikat ang produkto nitong Grosby at Kaypee, na naging opisyal pang sapatos sa PBA (Philippine Basketball Association).

Pero noong 1994, sa kabila ng malawakang pagpasok ng mga produktong sapatos mula sa Tsina, unti-unting nagtanggal ng mga manggagawa ang Rubberworld. Nagdeklara ng pagsara ito noong 1995. Nagreklamo sa korte at nagwagi ang mga manggagawa ng Rubberworld sa pagtanggal sa kanila sa trabaho nang walang sapat na backpay at iba pang benepisyo.

Taong 1993 nang unang itatag ang Bleustar. Sa pabrika nito sa RMT Industrial Compound sa Tunasan, Muntinlupa City, nakakapaggawa ito ng 5,400 pares ng rainboots araw-araw at 2,700 pares ng Advan na sapatos araw-araw. Mahigit 200 manggagawa ang ineempleyo nito – karamiha’y regular na sumusuweldo ng P382 kada araw. Sa mga regular, 85% ay pawang mga kababaihan.

Sa unang taon ng mga operasyon ng Bleustar, napasok agad ang noo’y 19-taong-gulang na si Gloria. “Pioneer na manggagawa ako rito,” ani Gloria.

Ayon kay Gloria – at sa iba pang babaing manggawang nakapanayam ng Pinoy Weekly – simula’t sapul ay naging “aktibo” na diumano si Ong sa panghaharas sa kanyang kababaihang manggagawa. Sa panayam ng Pinoy Weekly sa ilang babaing manggagawa ng Bleustar, sinabi nilang kadalasang gawain ng boss ang ihinto ang kotse sa labas ng tarangkahan tuwing pasukan at labasan ng mga manggagawa.

“Halos araw-araw ang panghaharas sa mga babaing manggagawa ng Bleustar,” kuwento ni Gloria, na naging bise-presidente ng BWLU (Bleustar Workers’ Labor Union). “Palaging lasing siya. Kapag nakikita na namin, gagawin namin ang lahat para umiwas sa kanya,” sabi ng isang babaing manggagawa na tumangging magpakilala.

Pamilyado ang boss nila, pero hindi raw ito naging hadlang para makursunadahan ang ilang babaing manggagawa, na sa simula’y pumasok sa pabrika sa edad na 18 hanggang 22 anyos. (Tumangging magkomento ang tanggapan ng Bleustar hinggil sa akusasyong ito ng mga manggagawa laban kay Ong.)

‘Ihilamos mo na lang’

Ang ilan pang babaing manggagawang nakausap ng Pinoy Weekly, nakaranas ng “panghihipo sa dibdib.” May ilan pang naranasan din ang naranasan ni Gloria: pilit na pinahahawak daw sila sa ari ng boss.

Ayon kay Gloria, mayroon ding seryosong sinusuyo ni Ong – niyayayang makipag-one night stand, o makipagtalik nang isang gabi, sa kanya. May ilang babaing superbisor na umamin na sa kanya na inalok silang “ibahay” ng boss. May ilang tumanggi, pero may pumayag. Tumanggi na si Gloria na pangalanan ang mga ito.

“Kapag umiiyak ang iba dahil sa pambabastos sa kanila, sinasabihan sila ng superbisor na babae, ‘Ihilamos (o iligo) mo na lang ’yan. Mawawala rin ’yan,’” kuwento pa ni Gloria. Ang ibang bisor, pinapayuhan ang mga nakababatang mangagawang babae na balewalain ang sinasabing panghaharas dahil “parang halik lang ’yon ng isang ama.”

Ilang beses umanong nagtangkang magtatag ng independiyenteng unyon ang mga manggagawa. Pero palaging natatakot daw ang mga opisyal o “napapalambot ang tindig” dahil sa iba’t ibang “pang-aamo” ng manedsment.

Taong 2006 lamang nasimulang maitatag ang BWLU. Lumawak ang hanay ng unyon, lalupa’t tuluy-tuloy diumano ang “panhaharas” ng may-ari. “Marami ang sukang suka, punung-puno na sa pinaggagagawa sa kanila,” sabi ni Gloria.

Hulyo 12 nang magpiket ang mga manggagawa sa ilalim ng BWLU sa harap ng tarangkahan ng pabrika bilang protesta sa mababang sahod at “harasment.” Humihingi rin silang kilalanin ng Bleustar at ng gobyerno ang unyon sa isang certification election bilang opisyal na representante ng mga manggagawa ng Bleustar.

Pero Hulyo 14 nang ihayag ng kompanya na tanggal na raw sa trabaho si Gloria at ang 62 na mga opisyal at miyembro ng unyon. Muling nagpiket ang mga manggagawa. Idineklara ng DOLE (Department of Labor and Employment) na isasagawa ang certification election noong Hulyo 25.

Natuloy ang botohan, pero di pinayagan ang mga nagpiket na bumoto sa loob ng pabrika. Segregated ang pagboto nila sa labas, pero inilalaban ng manedsment ng Bleustar na huwag bilangin ang kanilang boto dahil tanggal na umano sila sa trabaho.

Hindi pa nagdedesisyon ang DOLE sa kinahinatnan ng eleksiyon. Pero “kung hindi kami dadayain”, halos sigurado diumano ang BWLU na magwawagi. “Malakas ang laban namin,” sabi ni Gloria. Kung patas lang daw ang laban, siguradong wagi sila. Pero hindi nila masabi, baka raw gawin ang lahat ni Ong para yurakan ang boto ng mga manggagawa tulad ng diumano’y pangyuyurak sa kanilang pagkatao.

Ngayon, nanginginig pa rin si Gloria tuwing nasisilayan ang boss. Pero hindi na sa takot. Nanginging siya sa galit.(PinoyWeekly)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: