Diskuwento pang-empleyado, mapanlinlang –KMU


Jean Campos

MAPANLINLANG ang pinakabagong iskema ng gobyernong Arroyo para diumano’y maging abot-kaya sa mga empleyado ang batayang mga bilihin.

Inilunsad ng DoLE (Department of Labor and Employment), NWPC (National Wages and Productivity Commission), at DTI (Department of Trade and Industry) ang “Diskuwento: Presyong Pang-empleyado” noong Agosto1. Sa pagkuha ng diskuwento, kailangan lamang ipakita ng mga empleyadong interesado ang ID ng kanilang kumpanya sa ilang piling lugar na mapagkukunan ng diskuwento. Mabibigyan sila ng “buyer’s voucher” para makabili ng nagkakahalagang P1,500 na mga produktong may diskuwento.

May 20 kompanya sa pagmamanupaktura ang pumayag na magbigay ng diskuwento. Nakatakda ang pamimigay ng mga voucher sa Lawton, Manila sa Agosto 15, Muntinlupa City sa Setyembre 1, at Valenzuela City sa Setyembre 15.

Pero ayon kay Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, “Nagkakamali ang DoLE, NWPC, at DTI kung iniisip nilang may natitira pang P1,500 sa suweldo ng mga manggagawa tuwing kalagitnaan at katapusan ng buwan….Ang pinakaproblema sa ngayon ng mga mangggagawa ay ang di sapat na sahod na pumipigil sa kanilang makabili ng mga pangunahing bilihin para sa kanilang mga pamilya.”

Ipinaliwanag pa ni Suyat na bukod sa instant noodles at NFA rice, ang ilang produkto na may diskwento ay hindi malimit gamitin ng ordinaryong mga mamamayan. Malapit na rin umanong masira ang ilan sa mga ito.

“Ipinapakita lamang dito na hindi ang mga mamamayan ang tinutulungan ng gobyerno kundi ang sumusuporta sa kanyang mga may-ari ng mga produkto,” ani Suyat.

Nanawagan ang KMU ng pagsasabatas ng P125 dagdag-na-sahod para maibsan ang epekto sa mga manggagawa ng tumataas na presyo ng batayang mga bilihin.(PinoyWeekly)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: