Krisis at kahirapan sa ilalim ng rehimeng US‐Arroyo


SObraNA!

Krisis at kahirapan sa ilalim ng rehimeng US‐Arroyo
Bagong Alyansang Makabayan Hulyo 2008

Ika‐walong SONA na ni Gloria pero krisis ay lumala pa

Masyadong malala na ang inabot na pagkabulok ng rehimeng US‐Arroyo.

Sumadsad ang “approval ratings” ni Gloria sa pinakamababang antas ng sinumang pangulo mula 1986.
Nasa ‐38% ang popularidad ng pangulo dulot na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, krisis sa
bigas at mapaniil na VAT. Hindi na nakabangon ang ratings ni Arroyo mula noong panahon ng dayaan sa
eleksyon ng 2004, Hello Garci Scandal ng 2005, extrajudicial killings at alegasyon ng malawakan at
malakihang mga kaso ng katiwalian.

Sa kabila nito, nagmamatigas pa rin ang administrasyon sa mga patakarang binabatikos na ng mayorya
ng mamamayan bilang pahirap sa kanila. Isang halimbawa ang VAT sa langis, Sa kabila ng apela ng mga
lider ng simbahang Katoliko at batikos ng mga mambabatas, ayaw pumayag ng rehimeng US‐Arroyo na
tanggalin ito dahil limpak ang koleksyon ng BIR mula sa VAT.

Hindi pa rin nakaka‐alpas ang rehimen sa mga isyu ng katiwalian. Sariwa pa sa isip ng tao ang
maanomalyang ZTE‐NBN deal at inaabangan ang magiging testimonya ni dating House Speaker Jose de
Venecia kung totoong isisiwalat niya ang kanyang nalalaman. Nagiging matunog din ang mga nakaraang
kaso ng katiwalian tulad ng “Swine Scam” at ang Northrail contract.

Ang korapsyon sa panahon ng matinding krisis ay lalong magpapatindi sa galit ng mamamayan sa
nakaupo sa Malacanang.

Ang pabigat na VAT ay binibigyang katwiran ng rehimen sa pamamagitan ng tinaguriang “subsidy” para
sa mahihirap. Tinutuligsa ng marami ang pakanang ito bilang panandalian, di tunay na solusyon kundi
panlilinlang at madaling mauwi sa korapsyon.

Nakakapanatili na lamang si Arroyo sa poder sa suporta ng mga heneral, big business (lokal na
komprador kapitalista at dayuhang monopoly kapitalista), mga tagasunod at mga kaalyado sa
lehislatura, sa local at pambansang pamahalaan at sa korte suprema. Nariyan pa rin ang suporta, ayuda
at panunulsol ng US sa rehimen dahil sa masugid nitong pagtupad sa mga maka‐imperyalistang polisiya,
kabilang ang neo‐liberal na globalisasyon at ang “gera laban sa terorismo”.

Desperado ang rehimeng Arroyo na bigyan ng “laman at sustansya” ang kanyang darating na SONA.
Hindi kumagat ang islogan nilang “Ramdam ang kaunlaran” dahil sa tindi ng krisis. Hindi rin
pinapaniwalaan ang islogan nilang “Labanan ang kahirapan” dahil hindi nga sapat ang mga ginagawa ng
gobyerno para bigyang lunas ang krisis o kahit man lamang ibsan ang epekto nito. Naghahabol ng
maaaring gamiting palusot si Arroyo sa gitna ng maraming mga bigong pangako at maling patakaran.
Sa huli ay mauuwi ang talumpati ni Arroyo sa litanya ng mga di‐umanong “accomplishment” na walang
batayan sa realidad, pawing kasinungalingan o kaya’y pinakikinabangan ng iilang naghahari.
mamamayan, kasabay ang mga planong “dole‐out” at subsidyong ginagawa na sa kasalukuyan.

Kahirapan, di pag‐unlad

Sa likod ng diumano’y paglago ng Gross Domestic Product, patuloy naman ang pagtindi ng kahirapan ng
maraming Pilipino. Sa pinakahuling ulat ng NSCB, lumaki ang bilang ng mahihirap ng 3.8 milyon sa
pagitan ng 2003 at 2006. Sa taya mismo ng gobyerno na malamang minemenos pa, umaabot na sa
27.6 milyon ang bilang ng mahihirap (o 33% ng populasyon) mula sa dating 23.8 milyon (30% ng
populasyon).

Tandaang napakababa ng pamantayang ginagamit ng gobyerno upang sukatin ang kahirapan.
Halimbawa, noong 2006, kailangan lamang daw ng isang pamilyang may limang kasapi ng P206 kada
araw upang huwag maituring na mahirap. Napakalayo nito sa tinataya namang halagang kailangan ng
isang pamilyang may parehong bilang ng kasapi na P894 kada araw upang mabuhay nang disente (i.e.
batay sa family living wage ng NWPC) kung sa NCR. Kaya higit na marami pa ang maituturing na
naghihikahos kumpara sa opisyal na datos ng gobyerno. Sa hiwalay na pagtaya, maaaring umabot sa 8‐9
sa bawat 10 pamilya ang maituturing na mahirap.

Sinusukat lamang ng mga macroeconomic indicators gaya ng gross domestic product (GDP) growth ang
paglago ng produksyon ng ekonomya sa loob ng isang takdang panahon. Pero hindi nito ipinapakita kung
paano naipapamahagi ang yamang nililikha ng ekonomya upang pakinabangan ng higit na nakararami.
Naipapamahagi ang yamang ito sa pamamagitan ng paglikha ng produktibo at sapat na bilang ng mga
trabaho, pagseguro ng disenteng sahod at kita, maaasahang panlipunang serbisyo at iba pa. Pero ang
mga ito rin mismo ang hindi tinutugunan ng rehimeng US‐Arroyo.

Kawalan ng trabaho

Lumalala ang krisis sa kawalan at kakulangan ng trabaho sa bansa. Sa pinakahuling ulat ng NSO, mahigit
16 milyong manggagawang Pilipino (o halos 28% ng labor force) ang wala o kulang ang trabaho.
Dinadaya pa nga ng gobyerno ang pagsukat sa kawalan ng trabaho dahil sinadya nitong baluktutin ang
depinisyon ng empleyo upang itago ang tunay na kalagayan ng job scarcity sa bansa. Samantala, ang
labor force participation rate (LFPR) na 63.2% noong April 2008 NSO survey ay siyang pinakamababa
mula noong 1995.

Hindi nakakalikha ng sapat at produktibong trabaho ang mala‐kolonyal at mala‐pyudal na lipunang
Pilipino. Ibayong pinalolobo ang bilang ng walang hanapbuhay ng patuloy na pagkawasak ng mga
industriya sa bansa at patuloy na konsentrasyon ng mga lupang sakahan sa kanayunan. Sa April 2008
survey ng NSO, iniulat nitong umabot sa 168,000 netong trabaho ang nawala mula sa parehong
panahon noong 2007 dahil sa 244,000 na nawalang trabaho sa industriya. Samantala, anumang
trabaho ang nililikha ng ekonomya ay batay sa kung ano ang pangangailangan ng dayuhang
pamumuhunan at hindi sa kung ano ang aktwal na pangangailangan ng ekonomya.

Bukod pa rito ang mga nalilikhang trabaho na di‐produktibo, walang seguridad at napakababa ng kita
gaya ng pangangatulong, pagtitingi, at iba pa dahil walang trabahong malikha ang industriya at
agrikultura. Katunayan, halos 50% ng bilang ng may hanapbuhay sa bansa ang nasa sektor ng serbisyo
kunsaan kabilang ang ganitong tipo ng mga trabaho gayundin ang mga negosyong call center at iba pa
na siyang pinapaboran ng mga dayuhang imbestor.

Krisis pangkabuhayan

Hindi rin nakakatiyak ng disenteng pamumuhay ang mga Pilipinong may hanapbuhay. Nananatiling
napakababa ng minimum wage at patuloy na iniiwanan ng umaalagwang pagtaas ng halaga ng
pamumuhay. Sa NCR, umaabot lamang sa P345 hanggang P382 ang arawang minimum wage kasama
na ang COLA, malayo sa itinuturing na ”living wage” na P894 kada araw.

Pumapatong sa kawalan ng hanapbuhay, disenteng sahod at kita at pangkalahatang pagkaatrasado ng
ekonomya ang napakatinding pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na bunga ng
pagsasamantala ng mga dayuhan at lokal na monopolyo, maling patakaran ng gobyerno at mga pahirap
na buwis gaya ng VAT.

Bunga halimbawa ng Oil Deregulation Law (RA 8479), hindi mapigilan ang pagsirit ng presyo ng mga
produktong petrolyo. Mula nang ipatupad ang ODL, tumaas na ang presyo ng diesel, 738%; gasoline
products, 554‐572%, at LPG, 499%. Ngayong taon lamang, 19‐20 ulit na OPH ang naitala na nagpataas sa
presyo ng gasolina ng P19 kada litro; diesel, P24 kada litro; at kerosene, P22.50 kada litro. Mahalagang
tumbukin din na mayroon mang OPH o wala, dati nang artipisyal na mataas ang presyo ng langis bunga
ng pag‐iral ng pandaigdigang kartel sa langis.

Pero pinalala pa ito nang patawan ng rehimeng US‐Arroyo ng 12% VAT ang langis (RVAT Law) mula
noong Nobyembre 2005 sa dikta ng IMF. Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit P7 kada litro ang
kuleksyon ng gobyerno sa VAT. Kailangan ng bangkaroteng rehimeng US‐Arroyo ang VAT upang matiyak
sa mga dayuhang creditor na patuloy itong makakapagbayad ng utang.

Magkasabwat ang rehimeng US‐Arroyo at mga kumpanya ng langis sa pagpapahirap at pagpiga ng
pakinabang sa mamamayan – ang gobyerno sa VAT sa langis at ang mga oil firms sa lumalaking tubo
bunga ng OPH. Sa taya ng Kontra‐KulimVAT, sa kada P1 kada litro na OPH, lumalaki ang koleksyon ng
gobyerno mula sa VAT ng P5.5 milyon kada araw. Ipinapaliwanag nito ang pagmamatigas ni Arroyo sa
VAT sa langis.

Upang bigyang katwiran ang VAT sa langis, ipinangangalandakan ng rehimeng US‐Arroyo ang subsidy
program nito na pinupondohan ng lumalaking koleksyon ng gobyerno mula sa VAT sa langis. Kabilang
dito ang inanunsyong P4 bilyon na subsidyo (P1B power subsidy; P1B microfinancing para sa asawa ng
mga tsuper at konduktor; P500M karagdagang benepisyo para sa mga senior citizens; P1B para sa mga
lalawigang tinamaan ng kalamidad). Ngunit walang makabuluhang pakinabang dito ang mamamayan
dahil sa bukod sa lubhang maliit, hindi rin ito naipapatupad sa buong bansa.

Samantala, kung aalisin ang VAT sa langis, agad na bababa ang presyo ng diesel ng hanggang P7.07 kada
litro; gasolina (P6.93 hanggang P7.46); kerosene (P7.20); at LPG (P88.62 kada 11‐kg tangke). Para sa mga
tsuper, maaring madagdagan ang kanilang kita ng mahigit P212 kada maghapong pamamasada; tricycle
driver, P29 kada pasada; maliit na mangingisdang gumagamit ng bangkang de‐motor, hanggang P69
kada pangingisda. Ilan lamang ito sa mga kongkreto at direktang pakinabang ng ordinaryong
mamamayan kung aalisin ang VAT sa mga produktong petrolyo.

Krisis sa bigas

Bunga naman ng patakarang liberalisasyon ng agrikultura at pribatisasyon ng NFA, hindi mapigilan ng
gobyerno ang pagsasamantala ng kartel sa bigas. Balewala at pakitangtao lamang ang panapanahong
raid na ginagawa nila sa mga warehouse ng mga rice wholesalers. Sa ilang bahagi ng Mindanao, umabot
pa sa P50 kada kilo ang retail price ng bigas at walang palatandaang nag‐iistabilisa ang presyo nito sa
buong bansa. At kahit maging istable, sinasabi na ng NFA na nasa napakataas na P35‐37 range ang
magiging presyo ng commercial rice, malayung‐malayo na sa P24‐28 (maliban sa fancy) na presyo noon
lamang Disyembre 2007.

Mula Disyembre 2007 hanggang nitong ikatlong linggo ng Hulyo 2008, tumaas ang retail price ng
regular milled rice sa NCR ng 50%; well milled rice, 46%; at premium rice, 43 percent.
Patuloy na pagsandig sa importasyon at liberalisasyon ang tanging solusyon ng NFA sa krisis sa bigas at
itinaas pa sa 2.4 milyon MT ang target nitong angkatin ngayong taon mula sa dating 2.1 milyon MT.

Ginagamit din nitong palusot ang krisis sa bigas upang ituluy‐tuloy ang pribatisasyon ng NFA at hikayatin
ang mga pribadong trader na mag‐angkat ng bigas. Lalo nitong pinalulubha ang kawalan ng seguridad sa
bigas ng bansa habang ibayong pinalalakas ang lokal na kartel sa bigas.

Pagsirit ng presyo

Sa pangkalahatan, pumitik sa 11.4% ang inflation rate nitong Hunyo, pinakamataas sa loob ng 14 na
taon. Itinulak ito nang husto ng 17.4% pagtaas ng presyo ng pagkain na bumubuo sa mahigit kalahati ng
badyet ng isang pamilya.

Pinatitindi ng pagtaas ng presyo ang kahirapan sa bansa lalo’t sa kalagayang marami ang walang trabaho
at kulang na kulang ang kita. Sa pag‐aaral, halimbawa, ng ADB, sa bawat 10% pagtaas sa presyo ng
pagkain, 2.3 milyon ang madadagdag sa bilang ng mahihirap. Sa kasalukuyang bilis ng pagtaas ng presyo
ng bigas lamang, tinatayang madaragdagan ang bilang ng mahihirap ng 660,000. Samantala, sa bawat
10% pagtaas sa presyo ng langis, 160,000 Pilipino ang nadaragdag sa bilang ng mahihirap.

Pinahihirapan na nga ng husto ng kawalan ng maasahang programang lilikha ng trabaho, na
pagpapanatili ng mababang sahod at kita, matinding pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at
pabigat na VAT, wala pang maasahang panlipunang serbisyo mula sa rehimeng US‐Arroyo. Mula 2001
hanggang 2008, halos 28% ng taunang pambansang badyet ang inilalaan sa interest payments pa
lamang samantalang napakaliit ng nakalaan para sa edukasyon (15%); kalusugan (1.7%); at pabahay
(0.3%).

Sa halip na panlipunang serbisyo, karahasan at pagpapalayas ang dinaranas ng anakpawis at maralita sa
kamay ng rehimeng US‐Arroyo. Ayon sa tinipong datos ng KADAMAY, halimbawa, mula July 2007

hanggang February 2008, aabot na sa 24 na kaso ng demolisyon ang naitala sa NCR pa lamang na
nagpalayas sa may 12,345 pamilya bukod pa sa 2,650 kabahayan.

Papanagutin ang rehimeng US‐Arroyo

Walang aasahan ang mamamayan sa darating na SONA ni Gloria kundi pawing kasinungalingan.

Ipinapakita ng kasalukuyang sumasahol na kalagayan na dapat nang tapusin ang paghahari ng pahirap,
korap, tuta at pasistang rehimeng US‐Arroyo. Hindi dapat tiisin pa ng dalawang taon ang isang bulok na
pamamahala.

Dapat managot ang kasalukuyang rehimen sa pagkawasak ng kabuhayan at pagdarahop ng milyunmilyong
Pilipino.

Dapat managot ang rehimen sa patuloy na pandarambong sa kabang‐yaman, ekonomya at patrimonya
ng bansa sa gitna ng matinding krisis at kahirapan dinaranas ng mamamayan.

Advertisements

One Response to “Krisis at kahirapan sa ilalim ng rehimeng US‐Arroyo”

  1. hannah Says:

    thanks a lot..more power Godbless!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: