Bobby Balingit ng The Wuds: Walang paglilimot sa lipunan


Darius R. Galang

SA LAHAT ng nauso’t sumikat, isang tradisyon ng musika sa Pilipinas – ang punk rock – ang di masyadong napapansin ng publiko pero lumalaganap sa kabataan. Buti na lamang, may tinitingala silang The Wuds bilang pioneer na pangkista sa bansa.

Kasi naman, sa pamamagitan ng klasiko nilang mga kantang tulad ng Bayan-bayanan, at At Nakalimutan ang Diyos, ipinamalas ng The Wuds na hindi simpleng sikat na banda sila. May sinasabi ito. Sa maingay – pero puwede ring malumanay at hitik sa melodiya – na paraan, nagkokomentaryo ang The Wuds sa lagay ng lipunang Pilipino.

Binubuo ang banda nina Bobby Balingit bilang bokalista’t gitarista, Alfred Guevarra sa bass, at Aji Adriano sa drums. At sa loob ng dalawampu’t limang taon buo pa rin ang grupo, ang musika, at, siyempre, ang matalas na mensahe nila.

Nakapanayam ng Pinoy Weekly si Bobby Balingit ukol sa kanilang nakaraan, ang pakikisalimuha niya sa lipunan, at ang hinaharap ng banda.

Pangkistang lirisita

Ang hindi nalalaman ng mga pangkista ngayon, nagsimula si Bobby bilang isang folk singer. “Nagsimula ako ng 16 tapos naging trabaho ko na iyan, nagsimula ako sa folk singer hanggang 18. Noong edad ko ng 19, punk rock na kami. May nakilala na nakaimpluwensiya sa aming maging punk rock.”

Anu’t ano pa man ang naging sikot ng landas nila bilang grupo, solidong punk rock ang nakatatak sa puso nila. “Nagsimula kami noong una as The Wuds nilang punk band…Hindi kami sumakay noon (sa mga uso). Basta isang araw dumating na lang ang mentalidad namin (bilang punk) at ang rebeldeng galaw,” ani Bobby.

“Ayaw mo lang lahat ng setup (sa lipunan). Kahit ano basta ayaw mo. Unconventional ka,” sabi ni Bobby, na malapit nang mag-50 anyos. “Siyempre darating ang edad (mo) na mas nagiging pino ’yung reasoning mo.”

Sa ngayon, abala siya sa ilang progresibong grupong pangkultura. “May sinasamahan akong grupo, kasama na ang Artists’ Arrest (Artists’ Response to the Call for Social Change and Transformation), grupo ng mga alagad ng sining na nananawagan ng pagbabago sa kasalukuyang pamunuan sa pamahalaan.” Noong burol ng yumaong si Kong. Crispin Beltran, niyaya naman siya ng CAP (Concerned Artists of the Philippines) na magtanghal.

Kakatwa ang kanyang simulain sa pagsabak sa mga rali. Naranasan na rin niya ang mahilam ang mata at hindi makahinga dahil sa teargas. Siguro, ani Bobby, luma na ang teargas na ginamit. ”Matagal na sigurong binigay ni Bush iyon kay Gloria…Iba ’yung kulay. Mabigat na usok. Sabi sa akin nung mga journalist nung ma-teargas ako, iba raw ’yung ipinutok,” pabiro niyang sabi.

Pangkista kahit tumatanda

Mahusay ang paliwanag niya sa tumbok ng punk rock at ang kahulugan nito sa lipunan.

Aniya, ang punk rock ay bahagi ng “rebolusyon” sa lipunan. Ngunit pansin rin naman niya ang kahalagahan ng mga pagbabago – sa musika at sa lipunan – sa paglipas ng panahon. “Habang tumatagal, nagiging makinis ’yung pagtutol mo. Ang pag-ayaw mo (sa sistema), nagkakaroon ng direksiyon. Importante rin iyon, nagkaroon ng rebolusyon.”

Kaiba sa maraming nagsasabing pangkista siya, inaayawan ni Bobby ang anti-sosyal na kultura sa punk rock. Naging tinaguriang “Krishnapunk” siya. Nakita raw niya ang limitasyon ng pagiging anti-sosyal (pagbabasag sa lahat ng produkto at tradisyon ng namamayaning lipunan), na kadikit ng kultura ng punk rock.

“Noong panahon na iyon, mas andun yung tulak ko (sa kilusang “Krishnapunk”). Kaya lang, nakita ko rin na sa paglipas ng panahon, mas nagiging minority yung galaw ko. Maliit ’yung iniikutan ko…Nakita ko na nasa isang community na may parehong (pag-iisip) lang ako,” kuwento pa ni Bobby.

“Ang mahalaga kasi makapasok ka sa malaking pulong o malaking grupo o malaking komunidad at mas maihahayag mo talaga ’yung gusto mong sabihin sa tao,” dagdag niya.

Matalas ang kanyang pagpuna sa naging takbo ng punk rock sa paglipas ng panahon. Isa isa niyang binangga ang pagsasala ng corporate world sa musika hanggang sa repleksiyon nito sa pang-araw-araw na pamumuhay na tao. “Nagtagal-tagal, may pera diyan kaya papasok na ang negosyo.”

Sanay sa hirap ang kanyang banda, ani Bobby, at hindi tulad ng ilang mayayamang musikero. “Iyang mayayaman na iyan, kalokohan na walang pakialam iyan,” aniya. Kasi raw, “nagsisiuwian sa bahay nila e. Kami, kung saan-saan kami napapadpad; si Alfred, titira sa akin ng anim na buwan. Ako titira ako kay Alfred ng anim na buwan.”

Hindi dapat kalimutan?

Karakter man ng punk rock ang hindi pagsunod sa nakagawiang kultura, hindi na nito problema, kasama na rin ang tunay na pangkista, ang pagsakay sa uso. “Mapapansin mo ’yung musika na ginawa namin, wala lagi sa panahon. Sa paglipas ng panahon, dun pa lang nila naiintindihan yung trabaho (namin).”

At sa tinaguriang emo (emotional rock) ng kasalukuyang panahon? “Umulit lang yan,” ani Bobby, na pinansin na isang aktitud ng pangkista ang pagiging “emo.” “Nire-relish lang nila ’yung nakaraan. May tinatawag pa nga silang new school ng punk. Kalokohan iyan. Hindi mabubuhay ’yung new school na punk – ang problema hindi na totoo yung punk kasi nagiging tradisyon na siya. Inulit mo na lang kahit tapos na yung scene pero negoyso na lang.”

Ang mensahe umano ng musika ang pinakamahalaga, pangkista man o hindi. “Mahalaga sa akin kasi siya yung huhubog sa kultura ay siya ang huhubog ng lipunan. Siya ang huhubog ng mga tao. Pag sinabi mong artista ka, pumapabor ka sa sining na mapapakinabangan talaga ng tao. Hindi yung tinatawag na sining na pinakikinabangan ng iba na kikita sila (business oriented).”

Padayon sa daloy ng panahon

Sa ngayon, abala ang banda sa pagtatapos ng kanilang bagong studio album. Dahon ni Juan ang kanilang ibinigay na pangalan. ”Ang philosophy behind that (album), lahat ng kuwento lahat ng istorya, matatapos. So lahat ng libro, may ending sa dulo.”

Kasama ng tatlo si Dennis Fabunan, anak ng bahista ng dating bandang Maria Cafra. Tatayong gitarista si Alfred tulad ng ginawa nilang setup sa pagbubuo ng dalawang naunang album ng banda (ang Gera at Nakaupo sa Puso). “Pero hindi siya (Alfred) kasama dito kasi ang plano namin ay dalawang volume ’yung album,” dugtong ni Bobby.

Siniguro niyang may mahalagang laman ang mabubuong album. “Parang pahina ni Juan, may isang karakter,” ani Bobby.

“Hindi siya katulad noong unang panahon na albums na ginawa ko. Tatawagin kong mas revolutionary iyon kasi naging walang pakialam yung paggalaw ng pagsulat ng tula. Hindi kaparis noon, masyado akong partikular. Binasag ko ’yung ruling kasi nawalan na ako ng kuwenta sa mga nangyayari. Protesta ito tulad ng panahong ng dadaismo, protest siya sa makinis na art. So parang punk rock protest rin ito. Kaya lang mas mabait yung tunog ngayon; hindi siya pounding,” paliwanag pa ni Bobby.

Inaasahan niya na ang album, na pinunan niya ng isyung hinugot na niya sa pakikisalimuha sa lipunan, ay mag-aambag sa panibagong rebolusyong pangkultura sa lipunan.

Higit pa sa mga nauuso’t sumisikat na musika, higit pa sa rakenrol o punk rock, inihahayag ng The Wuds ang mga mensaheng dapat malaman at dapat ipaglaban.

Larawan ni Soliman A. Santos(PinoyWeekly)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: