‘Onsehan’ ng Malakanyang


PW Reportorial Team

MINSAN nang iminungkahi ni Pangulong Arroyo na “maghigpit (na lamang) ng sintoron” sa panahon ng krisis. Ngayong todo-todo na ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin at serbisyo – at di na maitatago sa mga katagang pampropaganda na “Ramdam ang Kaunlaran” – mas sopistikado na ang tugon ng Palasyo.

Pero ang tanong, ito ba ang totoong hiling ng taumbayan sa panahon ng krisis?

Itinala ng Pinoy Weekly ang samu’t saring naging tugon ng gobyerno sa kasalukuyang krisis sa ekonomiya. Nilapatan din natin ng kaukulang pagsusuri ang mga tugong ito. Nakasasapat ba, o nakakapalala lang? O pampapogi lang? Hindi kami nagulat kung bakit onse ang bilang namin sa mga tugong ito.

11. Parang PBA, mahilig sa import

HABANG ipinipilit ng gobyerno na may sapat na suplay ng bigas para sa mga mamamayan, pinaplano naman nitong magrasyon ng bigas – tatlong kilo kada pamilya – at nakaangkat na ng tinatayang 2.2 milyong metriko tonelada ng bigas mula sa Vietnam, Thailand at US. Ito ang pinakamalaking bulto ng importasyon mula noong 1998.

Mula sa pagkakaroon ng sariling suplay ng bigas at nag-eeksport pa nga ng bigas noong dekada ’80, naging taga-angkat ng bigas ang Pilipinas mula noong 1993. Sa kasalukuyan, ang bansa ang nangungunang umaangkat ng bigas sa buong mundo.

Ayon sa Ibon Foundation, naging ganito ang kalagayan ng Pilipinas, dahil sa atrasadong produksiyon sa agrikultura at mga polisya ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon na ipinatupad ng gobyerno mula noong dekada ’80.

Dahil sa pagpasok sa Agreement on Agriculture ng World Trade Organization, sapilitang nag-aangkat ang Pilipinas ng minimum na bulto ng bigas mula sa ibang bansa kahit pa may sapat na suplay ito.

Dahil dito, tumaas ang importasyon ng bigas, mula sa wala (0) noong 1994 hanggang 257,260 MT noong 1995 at patuloy pang tumaas hanggang 1.7 milyong MT noong 2006.

Patuloy naman itong binabatikos ng mga magsasaka. Naniniwala ang KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) na walang dahilan para mag-angkat ng bigas ang bansa.

Ayon sa grupo, kung may 7.2 milyong MT ng produksiyon ng palay ngayong anihan, isama pa ang kabuuang imbentaryo ng bigas noong Marso, may sapat na bigas para sa bawat Pilipino hanggang buwan ng Oktubre, kahit pa walang importasyon.

Umaangkat umano ng bigas ang Pilipinas dahil nauna na itong nakipagkasundo sa Vietnam at US.

Soliman Santos

10. Credit card ng mahihirap

UMANI ng batikos ang gobyerno nang tanggalin nito ang bigas-NFA (National Food Authority) sa mga palengke at palitan ito ng mga access card para hindi umano maabuso ang mas murang bigas.

Batay sa programang ito, ang murang bigas ay ibebenta lamang sa mga benepisyaryong may hawak na access card. Ipinamahagi ito sa 150,000 pamilya sa walong siyudad sa Metro Manila.

Maaaring makakuha ng mula dalawa hanggang 14 na kilo kada transaksiyon ang sinumang may hawak ng access card.

Kinutya naman ng Kadamay ang hakbang na ito, kasama na ang P5 Bilyong “Ahon Pamilyang Pilipino” programang subsidyo, na hindi naman umano makapagreresolba sa matinding krisis na kinakaharap ng maralitang taga-lungsod.

“Ang kailangan ng maralita ay trabaho, kabuhayan, sahod na makakabuhay sa kanilang mga pamilya, tiyak at disenteng paninirahan, nakasasapat na serbisyong panlipunan, katiyakan sa pagkain,” ani Carmen Deunida, tagapangulo ng Kadamay.

“Hindi nila kailangan ng limos, lalo na mula sa gobyernong gagawin lamang ito para lamang makapanatili pa ito sa poder. At ang paghihigpit sa kakayanang makabili ng NFA rice, na siyang gagawin ng iskemang family access cards, ay magreresulta lamang sa mas malala at malawakang kagutuman,” dagdag pa ni Deunida.

Soliman A. Santos

9. Lifeline subsidy: Limos sa kinawawang Pinoy

SA unang tingin, dapat lamang na mamahagi sila ng pera. Noong nakaraang taon, ginawa na nila ito, pero hindi sobre lang at hindi P500, kundi isang buong paper bag na naglalaman ng kung ilang bungkos ng papel na pera. Hindi sa ordinaryong mga mamamayan ipinamigay ang “limos” kundi sa mga kongresista at lokal na opisyal – para ibasura ang reklamong impeachment sa Kamara laban sa Pangulo.

Pero sa pamimigay ng gobyerno ng P500 sa bawat kabahayang gumagastos ng mahigit 100 kilowatt hour na kuryente, hindi na impeachment ang pinapatay ng Palasyo. Pinapatay nito, ayon kay Ramon Ramirez, tagapagtipon ng Power (People Opposed to Warrantless Electricity), ang iba pang dapat na hakbang ng taumbayan para ayusin ang power sector.

“Walang magagawa ang subsidyo para maibaba ang rates. Wala itong magagawa para maisaayos ang mga abuso ng power sector. Short-term lang ito, at limitadong tugon na may populistang intensiyon,” ani Ramirez.

Siyempre, bulnerable rin umano ang pondong ito ng gobyerno sa korupsiyon. Makakabuti lang umano sa pansamantala ang pamimigay ng pera kung “nakatarget ito sa mga taong nangangailangan talaga nito.”

Priscilla Pamintuan

8. Nakuryente sa Meralco

BILANG tugon sa halos linggu-linggong pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, biglang pinuruhan ng mga alyado ng Malakanyang sa Senado, kasama si Winston Garcia ng GSIS, ang mga Lopez na mayoryang may-ari ng Meralco (Manila Electric Corp.).

Inakusahan ni Sen. Miriam Santiago ang pagkakaroon diumano ng “sindikato” sa loob ng Meralco na siyang nagpapanatili ng mataas na singil sa kuryente. “Mga konsiyumer ang nagbabayad na matataas na taunang suweldo ng chief executive officer ng Meralco at pitong iba pang senior executive officer na nagkakahalagang P97 Milyon ngayong 2008. Makakakuha naman ang mga opisyal at direktor ng P170-M. Lumalabas na may abuso sa manedsment,” sabi ni Santiago.

Hindi tutol ang militanteng mga organisasyon sa pag-iimbestiga sa mga Lopez at sa Meralco. Gayunman, lumalabas diumano

ang tunay na intensiyon ng gobyerno ngayong nanahimik na ito sa pagbira sa mga Lopez at nagkasya sa pamimigay ng lifeline subsidy para masubsidyohan ang binabayaran ng mga mamamayan sa kuryente.

Para sa mga manggagawa ng KMU (Kilusang Mayo Uno), hindi lamang simpleng pagpuksa sa mga Lopez ang makakapagpababa sa bayarin sa kuryente. “Idinulot ng Electric Power Industry Reform Act at iba pang iskema sa pagsasapribado ng gobyernong Arroyo ang walang habas na pagtaas ng power rates na di na mapasan ng taumbayan,” ayon kay Lito Fadriquelan, miyembro ng National Council ng KMU at presidente ng pederasyong Ilaw at Buklod ng Manggagawa.

Priscilla Pamintuan

7. Barya-baryang dagdag-sahod

GAMUMO na, hindi pa lahat makatatanggap. Ito ang reyalidad ng P20.00 na umento sa sahod (P15 ang dagdag sa mismong sahod at P5 naman ang emergency cost of living allowance). Gaya ni Glee, 40 anyos na nagtatrabaho bilang isang mananaliksik sa isang kompanya sa Makati City, dahil hindi siya saklaw ng P20 na umento sa sahod.

“Sayang din naman kasi, kahit dagdag na pamasahe,” sabi ni Glee.

Ayon sa KMU (Kilusang Mayo Uno), bagaman ipinagmamalaki ng Dole (Department of Labor and Employment) na halos lahat ng rehiyon ay nagtakda na nang kanikanilang taas-sahod, nakatitiyak silang hindi naman lahat ng kompanya ay magbibigay nito.

Sa Iloilo na lamang, ayon kay Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, 80 porsiyento ng mga empresa ang nagpahayag na mag-aaplay sila ng eksempsiyon para hindi maibigay ang P20 umento.

Ang tanging pag-asang House Bill 1722 na inihain noon sa Kamara ni yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran, tila aamagin na at tila ayaw ipasa. Noong 2007, muntik nang makalusot ang kaparehong panukalang batas—na si Beltran din ang naghain—ang HB 345 subalit muling ibinalik sa Kamara, batay na rin sa apela ni Cavite Rep. Crispin “Boying” Remulla at sinabing hindi pa napag-uusapan nang husto ang naturang panukala.

Noel Sales Barcelona

6. Laban o bawi sa matrikula

WALA pa ring balita hinggil sa sinasabing balik-bayad sa matrikula sa pampublikong mga unibersidad at kolehiyo.

“Patuloy na ikinakalakal ang edukasyon at sa panahon ni Pang. Arroyo, sa halip na bumaba, dumoble ang halaga ng matrikula at iba pang bayarin,” sabi ni Dion Cerrafon, pangulo ng Kabataang Pinoy party-list.

Inayudahan naman ito ng NUSP (National Union of Students of the Philippines) at sinabing kung hindi man sa matrikula humahataw nang paniningil ang mga eskuwelahan, sa ibang bayarin naman nito kinukuba ang mga magulang at estudyante.

“Naririyan ang P250 developmental fee sa Polytechnic University of the Philippines, bukod pa sa sinisingil ang mga estudyante ng Open University nang energy fee na nagkakahalaga nang halos P800,” sabi ni Sophia del Prado, student regent ng PUP.

Habang isinusulat ito, tahimik pa rin ang Ched (Commission on Higher Education) kung paano nila ibabalik sa mga estudyante ang sobrang singil sa matrikula.

Noel Sales Barcelona

5. ‘D2 n me, wer n u?’

IDINEKLARA ng DOTC (Department of Transportation and Communication) noong Mayo na pinag-aaralan nito ang posibilidad ng pagtanggal sa singil sa texting. Ayon sa ___ wala namang karagdagang gastos ang texting sa mga kompanya ng telekomunikasyon tulad ng Smart, Globe at Sun Cellular kung kaya hindi ito dapat naniningil.

Ikinatuwa ng Txtpower, isang grupo ng mga nagtataguyod ng IT (information technology) para sa taumbayan, ang panukalang ito. “Matagal na naming sinasabi na bahagi ito ng serbisyo ng GSM standard na ginagamit ng telecommunications companies at dapat maging libre pero hindi nakikinig ang gobyerno,” pahayag ng Txtpower.

Gayunman, sa kanyang kolum sa Business World noong Mayo 30, ipinaliwanag ni Luis Teodoro ang intensiyon ng panukala ng DOTC: “tinitingnang hindi masyadong mabait sa rehimen ang pinakamalalaking telco, at hindi lang magiging popular ang pagtulak sa kanila na gawing libre ang text messaging, tuturuan pa nito ang mga may-ari (ng telcos) ng wisyo ng pagsuporta (sa rehimen.”

Priscilla Pamintuan

4. Masahol na pasahe

MATAGAL nang gipit ang mga drayber na kumikita na lamang ng mahigit P100 sa 24 oras na pamamasada. Laging kunot-noo ng gobyerno, pagbibigyan ba ang petisyon nila sa taas-pasahe? O kikiling sa mga pasahero na hirap din namang bumunot ng karagdagang barya mula sa bulsa?

Kung tutuusin, hindi taas-pasahe ang hiling ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) dahil alam nilang pasanin itong mabigat ng mga mamamayan. Pagbaba ng presyo ng langis ang kanilang panawagan. Pero dahil hindi nga ito matugunan ng Malakanyang, idineklara ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board noong Mayo 18 ang pasahe sa dyip nang 50 sentimos (naging P8 mula P7.50). Sa huling-minuto, mukhang natakot ang gobyernong Arroyo sa magiging reaksiyon ng mga pasahero. Kaya ipinagpaliban ang pagtaas—ng isang araw lang din naman.

Tuloy, disgustado ang mga tsuper pati na rin ang mga pasahero sa katawa-tawang atras-abante. Hindi kasi kailanman solusyon ang taas-pasahe sa pagsirit sa presyo ng langis. Pinaluluwag lamang nito nang bahagya, ang lubid na nakapaikot sa leeg ng kawawang mga tsuper.

Ilang-Ilang Quijano

3. Pamemeke’t pulitika sa iskolarship at pautang

SA tuwing may photo-op ng pamimigay ni Pangulong Arroyo ng iskolarship, hindi mo mawari kung sino ang may ngiting mas matamis; ang kabataang umaasang makapagtatapos sa tulong ng gobyerno, o ang Pangulo na umaasang maiaangat ang kanyang imahe sa mata ng madla.

Noong Hunyo 5, inilunsad ni Arroyo ang Student Assistance Fund for Education for a Strong Republic (Safe-4-SR). Umano’y P1 Bilyon ang kanyang pakakawalang pautang para sa mga estudyanteng naghihirap. Target nito ang 100,000 estudyante sa kolehiyo na pauutangin ng P8,000 kada semestre. Babayaran ang utang dalawang taon matapos ang graduation, ayon sa Ched (Commission on Higher Education) na mangangasiwa sa nasabing pondo.

Para sa grupong Kabataang Pinoy, hindi sila maililigtas ng mga programang wala ring lalim, lalo pa’t may kasaysayan ang gobyernong Arroyo sa paggamit nito para sa pamumulitika.

Matatandaang P185-M Emergency Financial Assistance for Students o Efast ang pinakawalan ilang buwan bago ang 2007 eleksiyon. Binigyan ng tig-P1-M ang mga kongresistang alyado ni Arroyo para sa ipamudmod sa anyo ng mga iskolarship.

Sa aktuwal, P14.2-M lamang ang namonitor ng COA (Commission on Audit) na ipinamigay sa ilalim ng E-fast, at sa mga estudyanteng ‘walang sapat na mga dokumento, walang tamang awtorisasyon, at di kuwalipikado.’

Hinala ni Dion Cerrafon, presidente ng Kabataang Pinoy, na kinasangkapan lamang ito sa pulitika. “Lumalabas na ginagamit ang mga student assistance program, hindi para tulungan ang mga estudyante, kundi para maisalba ang rehimen at sustentuhan ang mga ambisyong pulitikal ng mga kandidato ng administrasyon,” ani Cerrafon.

Ilang-Ilang Quijano

2. Propaganda, pampaganda

SA tugon ng gobyernong Arroyo sa krisis sa ekonomiya, tampok at tawag-pansin ang propaganda. Ginamit nito ang rekurso ng gobyerno at kinatuwang ang midyang mainstream para ipaabot sa publiko ang propaganda nito sa krisis.

Noong mainit na pinapatampok ng midya ang krisis – sa langis at pagkatapos sa bigas – iisa ang tugon ng gobyerno, mula kay Pang. Arroyo hanggang sa mga opisyal niya: Pandaigdig ang krisis, na umaabot kahit sa mayayamang bansa, walang kasalanan ang gobyerno, at hindi sa gobyerno nakasandig ang solusyon.

Matapos itong ipatimo, dalawa ang naging direksiyon ng propaganda ng gobyerno. Una, ang pagmamalaki sa naitalang “pag-unlad” ng ekonomiya noong simula ng taon. Sa isang tarpaulin ng gobyerno na nagkalat sa Kamaynilaan, at sa isang patalastas nito sa telebisyon, sinasabi: “Ramdam ang Kaunlaran.”

Ikalawa, pagpapatampok sa mga tugon ng gobyerno sa krisis. Madalas, kasama ng nabanggit na tarpaulin ang isa pang islogan: “Labanan ang Kahirapan.” Bukod pa rito ang mga propagandang naglilitanya sa mga nagawa ng gobyerno, tulad ng pagtatayo umano ng mga botikang nagbebenta ng murang gamot.

Kapansin-pansin din ang papel na direktang ginampanan ni Pres. Arroyo sa propaganda ng gobyerno sa krisis. Sa midya, lumilitaw na abalang abala siya: Nagsasalita tungkol sa pag-unlad ng ekonomiya sa harap ng mga negosyante, namimigay ng bigas sa mahihirap, nag-aanunsiyo ng paglalabas ng pondo para sa samu’t saring proyektong tutulong umano sa mga apektado ng krisis.

Roberto Andres

1. ‘Kayanin n’yo ang (emergency) powers ko!’

NOONG Abril, isinampa ni Rep. Thomas L. Dumpit, Jr. ng La Union ang Resolusyon 512 sa Kongreso, na humingi ng kapangyarihang pang-emergency para kay Pang. Arroyo. Ayon kay Rep. Dumpit, “hindi ordinaryo” ang krisis sa bigas, kaya kailangan ng pangulo ang dagdag na kapangyarihan para “matugunan ang krisis… sa pinaka-episyente at pinakamatalinong paraan.”

Panukala niya ang dagdag na kapangyarihan para matugunan ang diumano’y pangho-hoard ng bigas at paglilihis ng bigas na sinusubsidyuhan ng estado patungo sa komersiyal na pamilihan, at para lansagin ang kartel sa bigas.

Duda ni Rep. Liza Maza ng Gabriela Women’s Party, gagamitin lang ang kapangyarihan para labanan ang pampublikong ligalig na “puwedeng iluwal ng sumisirit na presyo ng langis, bigas at iba pang bilihin, ng pagdinig ng Senado sa ZTE na nakatakdang magbukas muli sa posibleng testimonya ni dating Espiker Jose de Venecia at muling pag-ikot ni Jun Lozada sa mga paaralan.”

Sa kanyang kolum, tila kinukumpirma ni Alex Magno, kilalang tagapagtanggol ng gobyernong Arroyo, ang kinakatakutan ng gobyerno sa krisis. Aniya, “Hindi tayo puwedeng magpatuloy at magbigay ng subsidyo… Pero hindi rin natin maaatim na humantong sa panlipunang pagsabog sa pamamagitan ng di pagbibigay ng gayong mga subsidyo sa panahon ng napakatinding panlipunang kahirapan.”

Madiin ang naging pagtutol ni Mayor Jejomar Binay ng Makati: “Naiisip ba ninyo kung ano ang gagawin ng administrasyong Arroyo kapag pormal nang ibinigay ng Kongreso ang kapangyarihang… ito? Wala pa mang kapangyarihang pang-emergency, inaabuso na (ni Pres. Arroyo) ang kapangyarihan niya.”

Matapos ang malaganap na pagtutol ng iba’t ibang sektor, nagpahayag ng di pagsang-ayon sa panukala maging ang Malakanyang at ang nangungunang mga alyado ng administrasyon tulad ni Espiker Prospero Nograles.

Roberto Andres

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: