Bukas na Liham para kay Arsobispo Ledesma


9 Hunyo 2008
(Bisperas ng ika-20 taon ng Comprehensive Agrarian Reform Program)

Mahal na Arsobispo,

Kami ang mga mamamayang nagbungkal sa lupa, nagpayaman ng bukirin, nagpakain sa sambayanan;
Kami ang mga magsasakang nagdidilig ng pawis sa binhing bubuhay sa lipunan, nagsusunog ng balat;
Mangingisda kaming nakipagtuos sa hanging habagat, sumisid sa mga perlas sa pusod ng karagatan ng buhay;
Kami ang mga tagabundok, mga naninirahan sa mga sapa at baybayin, sa mga dukhang dampa sa kagubatan, na tumuklas sa kayamanan ng lupa, nagdiskubre ng mga kaalaman, nagbuntis sa lahat ng bawat bagong bagay bunga ng aming direktang pakikisangkot sa paggawa.

Kami ang mga timawa sa lipunang alipin; mga Andres Bonifaciong lumaban sa pyudal na panggigipit ng kapangyarihan ng simbahan at estado noong panahon ng Espanyol;
Kami ang mga binansagang bandido sapagkat gusto naming bawiin ang lupang inagaw ng mga prayle; naghimagsik sa harap ng mga walang awang gwardya sibil para ipaglaban ang nararapat at makatarungan;
Kami ang mga tinraydor ng mga nagbenta-ng-kaluluwang mga Makapili.
Kami ang labing-apat na mga magsasakang pinatay sa paanan ng Mendiola.
Kami ang mga hindi isinulat sa mga dahon ng kasaysayan; nakamarka sa aming mga noo ang sumpa ng daan-taong pagkaalipin.

Kami ang walong daang magsasakang nanganganib mapalayas sa kwatro syentos ektaryang lupa sa loob ng Central Mindanao University;
Ipinagpipilitan ng mga may-kapangyarihang ito ay hindi sa amin, at kukunin dahil anila’y hindi para sa gamit pagsasaka;
Sabi nila, hindi ito kasali sa mga ipapamigay; wala kaming payapang gabi sa takot na posible itong dagitin ng patakarang “eksklusyon at eksempsyon” ng batas na gusto mong palawigin pa.
Kami ang mga nagsasakang itinaboy sa kalupaan ng Hacienda Puyat sa Batangas; mga hampas-lupa sa Aguinaldo Estate sa Tartaria Cavite.

Kami ang mga nagbubungkal na nangangarap maangkin ang tatlong libong ektaryang kalupaan sa Tagoloan at Villanueva na pinamamahalaan ng PHIVIDEC, at sa mahigit dos syentos beynte mil ektarya ng Dole at Del Monte Philippines sa Bukidnon;
Kami ang mga umiiyak sa pagbibigay ng higit sa reserbasyon ng lupa para sa kagamitang industriyal;  mga komersyal na negosyo, plantasyon ng kape, cacao at goma handog sa panginoong Amerika habang nauubos ang bukiring pagtatamnan ng kakainin ng ating mamamayan;
Kami ang naniniwala na sapat na ang krisis sa bigas at laganap na kagutuman upang iyong ikondena sa mga pulpito ang dalang delubyo ng kasalukuyang programa sa repormang agraryo.
Kami ang mga nagbubungkal sa Hacienda Zobel sa Batangas.

Kami ang mga nagtitiis sa pagbabayad upang mapasaamin ang lupang pinaniniwalaan naming matagal nang nabayaran;
Sa loob ng mahahabang taon, inihahatid namin ang rentang tersyo, sangkapat, kalahati sa pintuan ng bahay na marmol ng aming mga panginoong walang ibang hawak kundi ang mga papeles na ang lupa’y sa kanila, habang namamaluktot sa gutom ang aming mga supling.
Matagal na kaming nakabayad kahit wala kaming utang.
Kami ang mahigit tatlong daang magsasaka sa Gingoog na nagbayad ng “makatarungang bayad” sa mga panginoon alinsunod sa itinakda ng CARP, subalit binawian pa rin nila ng CLOA, CLT at EP.
Kami ang mga nagsasaka sa Hacienda Looc at Hacienda Roxas sa Nasugbu; mga itinakwil sa Hacienda Yulo sa Laguna.

Kami ang mga magsasakang ipinatawag ninyo sa isang konsultasyon tungkol sa aming kahirapan, madali sanang dinggin ang aming mga hiling; mga anak rin kami ng Diyos na dapat marinig.
Kinamumuhian namin ang kasalukuyang pekeng programa ng repormang agraryo, dalawampung taon nitong ipinagkanulo ang aming mga pangarap.
Nakakapanindig balahibo ang turingang ang programang ito ay katumbas ng panlipunang katarungan at pagkakapantay-pantay, inilibing nito ang anumang natitira pa naming pag-asa.
Nais gamitin ng mga oportunista ang aming kahirapan para magkapera, inilalako nila ang larawan ng aming kawalan saan mang sulok para maghanap ng mananakaw, na para bang hindi pa sapat ang syento kwarenta y tres bilyong piso na kanilang natangay nitong nakaraang  dalawampung mahahabang taon.
Kami ang mga tinuruan ninyong lumaban nang mapayapa, gamitin ang mga batas upang igiit ang aming mga karapatan.  Ngunit anong ginawa nila sa amin sa munisipyo ng Escalante, sa HaciendaLuisita?
Kami ang patuloy na natututo sa mayamang karanasan mula sa pakikipagtunggali sa         aming mga mambubusabos.

Kami ang mga alipin ng modernong panahon; habang kami’y nagkakayod upang kumain, sinisi nila ang kapalaran bilang salarin sa aming kahirapan, habang tinatakan kami ng samu’t saring mga marka sa aming mga noo bilang mga komunista, terorista, at iba pang mga bansag bunga ng aming pagpupunyaging magkalaman kahit mumo ang aming mga bitukang walang laman.
Ginamit nila ang mga rehas, kinitil ang aming mga mithiin; hayun, ang mga magnanakaw, malaya, nakaluhod at sumasamba sa kapital, nalalasing sa mamahaling alak; malinaw na hindi sumasakit ang ulo ng hukom para sila’y habulin.
Mahal sila ng kapalaran.

Kami ang mga magsasaka saan mang dako nitong Amihan, nagbungkal sa lupang hitik sa mga kwento ng magiting na paglaban sa aming parang walang katapusang pagkaalila;
Kami ang Dalmacio Gandinao, Nestor Ladica, at marami pang ibang walang pangalan, nagbahagi ng aming dugo at hininga para sa kalayaan ng kanayunan;
Kami ang mga amang tinadtad ng bala habang humihingi ng aming karapatang bumungkal; mga asawang binunutan ng kuko para umaming NPA; mga inang naghihintay sa anak na dinukot ng mga di-kilalang nagtatago sa dilim ng gabi.
Kami ang mga namatay subalit buhay sa alaala ng bawat mahirap na magsasaka sa lahat ng sulok.

Kami ang mga inismiran ang papel sa bawat pagsulong ng kasaysayan;
Nananaghoy ang lupa habang itinuturo sa mga aroganteng intelektwal, mga mapagkunwaring mga henyo, mga naghahanap  ng daan patungo sa bagong Israel, na kami, kami ang mganawawalang hibla sa krusada, ang pinaghahanap na kaputol sa masaganang bukas.

Hindi man nila lingunin ang kasalukuyang mukha ng aming pagkabusabos, kalikasan ang magtuturong bigyang halaga ang aming panaghoy. Bawat panaghoy, paglaban.  Bawat paglaban, tagumpay.

Huwag asahang aming hihintayin ang mga kamay, kasama ang iba pang uring pinagsasamantalahan, walang tigil naming babaybayin ang daan patungong kalayaan.

This poem was read 8pm of June 9, 2008  in the Vigil Rally at Gaston Park, Cagayan de Oro City. Originally in Cebuano, it was collectively written and edited by the following Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) member organizations in Northern Mindanao:
-Misamis Oriental Farmers’ Association (MOFA)
-Kahugpungan sa mga Mag-uuma sa Bukidnon  (KASAMA)
-Unyon sa mga Mag-uumasa Agusan Norte (UMAN)
-Nagkahiusang mga Mag-uuma sa Agusan Sur (NAMASUR)
-Gingoog City Farmers’ Association (GCUFA)
-Kahugpungan sa mga Mag-uuma sa Lanao Norte (KAMAS LANAO)
-Pambansang Lakas ng mga Mamamalakaya sa Pilipinas (Pamalakaya-North Mindanao)
-Kalumbay Lumad Organizatio

Acronyms Used

PHIVIDEC -Philippine Veterans Investment Development Coporation
CARP – Comprehensive Agreement on Agrarian Reform Program
CLOA- Certificate of Land Ownership Award
CLT- Certificate of Land Title
EP – Emancipation Patent
NPA – New People’s Army

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: