Modus operandi sa matrikula


pataas nang pataas (KJ Rosales)

PASASALAMAT sana si Auline “Au” Hipolito, 19-na-taong-gulang na anak ng mga manggagawa, na di na siya kailangang lumayo para magkolehiyo. Madaling lakarin sa araw-araw ang CMU o City of Malabon University, pamantasang matatagpuan sa pinakapusod ng maralitang komunidad sa Dagat-dagatan, at dating reklamasyong ipinagawa ni dating gobernador Imelda Romualdez Marcos.

Pasalamat sana siya, pero dahil na rin sa pagtindi ng krisis, nagiging mahirap ang manatili sa eskuwela. Senior na siya ngayon sa kursong Political Science, pero pinag-iisipan na ni Au kung kakayanin pa ng mga magulang niya ang magpaaral.

Itinatag noong 1992, nakatuon dapat ang CMU sa edukasyong pangkolehiyo ng kalakhan ng populasyon ng Malabon na binubuo ng mga mangingisda at ordinaryong manggagawa. Pero di kalauna’y tila “nahawa” na ito sa uso: pagtataas ng bayarin ng mga estudyante.

“Maraming freshman ang di na nagtuloy dahil malaki ang itinaas ng registration fee,” ani Au. Sinisingil ang mga residente ng Malabon na papasok ngayong taon ng P3,000 mula sa dating P1,500 lang. Para naman sa mga di residente, P4,000 mula sa dating P2,750.

Nitong nakaraang buwan, mayabang na idineklara ni Pangulong Arroyo na hindi puwedeng magtaas ng matrikula ang mga SCU (state colleges and universities). Di agad naisip ng Pangulo na nang ideklara niya ang pagbabawal, tapos na ang enrollment sa kalakhan ng mga pamantasan. Kung kaya, noong huling linggo ng Mayo, sinabi niyang ire-refund na lang sa mga estudyante ang binayarang dagdag sa matrikula.

Pero matrikula lang ang sakop ng deklarasyon. Sa kaso ng CMU – at marami pang SCU – nailusot pa rin ang pagtaas ng bayarin dahil maraming iba pang fee ang sinisingil sa mga estudyante.

“Sabi nila, hindi matrikula ang binabayaran namin dahil binayaran naman daw ito ng lokal na gobyerno. Pero parang matrikula na rin siya, di ba? Kasi, di ka naman makakapasok kung di mo siya mababayaran agad,” sabi pa ni Au.

Balik-bayad: kaya ba?
Hindi maiwasang magduda ng mga organisasyong pangkabataan kung kayang tupdin ng mga SCU ang balik-bayad na kautusan ng Malakanyang. Una sa lahat, ni wala pang malinaw na mekanismo kung paano ito gagawin.

Maging ang Ched, hanggang ngayon, tahimik pa rin sa kautusang balik-bayad sa mga paaralang pinapatakbo ng gobyerno.

Sa ngayon, wala pang ni isang SCU na nagtaas ng matrikula ang nag-refund alinsunod sa utos ni Arroyo. Sa NCR (National Capital Region), isa sa mga nagtaas ng matrikula ang programang Open University ng PUP (Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas). Mula P12 kada yunit, itinaas ito sa P100. Tutal, nakatuon naman sa nagtatrabaho nang mga estudyante ang Open University, inisip marahil ng administrasyon, na kaya nilang pasanin ang mataas na dagdag-bayarin.

Pero ang masama pa, kapag itinataas ang ibang bayarin bukod sa matrikula, wala nang habol ang mga estudyante.

Sa mga eskuwelahang iniikutan ng NUSP (National Union of Students of the Philippines), alyansa ng mga konseho ng mag-aaral sa iba’t ibang kolehiyo’t pamantasan, di na madalas mapag-usapan ang tuition refund. Imbes na balik-bayad, nagiging taas-bayad pa. Hindi man nadagdagan ang matrikula, todo-larga naman ang pagtaas ng miscellaneous fee at iba pang bayarin.

Ang problema pa, wala namang deklarasyon ang Pangulo ng refund na sumasaklaw sa mga bayaring hindi matrikula.

Ayon kay Alvin Peters, pangulo ng NUSP, ito ang madalas na modus operandi ng mga eskuwelahang pangkolehiyo. Maraming halimbawa rito:

• Sa University of Northern Philippines sa Vigan, Ilocos Sur, mula sa dating miscellaneous fee na P75 kada yunit, nasa P100 na siya ngayon. Bukod pa sa dagdag na P20 sa mga bayarin sa paggamit ng library, serbisyong medikal at dental, athletics at maging sa registration fee.
• Sa Philippine Normal University naman sa Maynila, sinimulan na ang pagsingil para sa 400 porsiyentong taas-matrikula na nagkabisa noon pang 2003, dagdag ni Peters.
• Abala naman ang PUP sa kosmetikong “pagpapaganda” ng main campus nito sa Sta. Mesa, kaya itinaas nito ang sinisingil na energy fee, development and modernization fee, at iba pa. May ilang kolehiyong nagtaas ng miscellaneous fee. College of Computer Management, mula P500-600, naging P1000 ang miscellaneous fee.

“Sa amin naman sa CMU, may ganyang mga dagdag din. Mula sa admission test hanggang sa verification of grades. Huwag nang isama pa ang interes sa hinuhulug-hulugan mong mga bayarin na limang porsiyento. Kapag hindi ka nakaabot sa grade ceiling, may multa ka rin,” himutok ni Au.

Kung di maitatakda ang panuntunan at kung paano ipapatupad ang binabalak na balik-bayad sa sobrang singil sa mga SUC, malabong maisakatuparan ang kautusang ito ni Pang. Arroyo,” sabi pa ni Peters.

Sa eskuwelahang Katoliko…
Samantala, lusot din sa deklarasyon ni Arroyo ang pang-akademikong mga institusyong pinapatakbo ng Simbahang Katoliko – sa simpleng dahilang di naman sila maaaring diktahan ng gobyerno.

Katoliko ang marami sa pribadong mga pamantasan, pero tila hindi Kristiyanismo kundi kapitalismo ang pangunahing prinsipyong namamayani sa mga pamantasang ito. “Market-driven” o nakadepende kasi sa takbo ng pamilihan ang kanilang “produkto,” ayon kay Joel Pagsanjan, kahahalal na direktor-ehekutibo ng Ceap (Catholic Educational Association of the Philippines), samahan ng mga unibersidad at kolehiyong tuwirang pinapatakbo o may kaugnayan sa Simbahang Katoliko.

Binigyang-diin ni Pagsanjan na kung di sila magtataas ng matrikula, di mapapabuti ang mga pasilidad at maitataas ang suweldo ng mga guro na malaking salik para maiangat ang kalidad ng edukasyong ibinibigay ng kanilang institusyon.

Sa kasalukuyan, wala pang datos kung gaano kalaki ang itinaas ng matrikula sa pribadong mga pamantasan at kolehiyo. Gayunman, inamin ni Pagsanjan na karamihan sa mga ito ay inaasahang magtataas. Paliwanag ni Gaudencio Kardinal Rosales ng Maynila, “Tumataas nang tumataas ang bilihin kaya makatuwiran lang na magtaas tayo ng singil.”

“Pinagsusumikapan ng mga paaralan nating mapagbuti ang kalidad ng edukasyon. Isa pa, kahit mataas ang singil, marami pa rin namang nagpapatala sa mga paaralang Katoliko dahil sa de-kalidad na edukasyong iniaalok ng mga ito,” dagdag ng kardinal.

Masasabi marahil na may kalidad nga ang mga pamantasan at kolehiyong Katoliko, tulad ng Ateneo de Manila University, De La Salle System, University of Sto. Tomas, Miriam College, at San Beda College. Pero di maikakailang malaki rin ang taunang kinikita ng mga pamantasang ito.
Samantala, sa ibang pribadong paaralan, gaya nang Emilio Aguinaldo College, sumisirit din ang halaga ng matrikula.

Patakarang gawing negosyo ang edukasyon
Isinisisi ng LFS (League of Filipino Students) at Kabataang Pinoy Party-list sa di pagsunod ng gobyerno sa itinatakda ng Konstitusyong 1987 ang patuloy na pagtaas ng halaga ng edukasyon sa bansa.

Ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng LFS, sa halip na ilaan ang pinakamalaking bahagi ng pambansang badyet sa badyet para sa edukasyon, patuloy pang kinakaltasan ang huli para mabigyang-daan ang aniya’y “komersiyalisasyon” ng pampublikong edukasyon.

“Itinakda ng Artikulo 14 ng ating Konstitusyon na dapat lumikha ng isang mapagkakatiwalaan at mahusay na sistema ng edukasyon ang gobyerno at dapat na maglaan ng mataas na badyet para rito. Pero taliwas sa mga itinatadhanang ito ng Konstitusyon ang nangyayari sa kasalukuyan,” paliwanag ni Crisostomo.

Hindi naniniwala si Crisostomo na walang kakayahan ang gobyerno, partikular ang Ched, na kontrolin ang taas-matrikula sa pribadong mga paaralan.

Aniya, itinatadhana rin ng Konstitusyon ang pagbibigay-kapangyarihan sa gobyerno na pamahalaan at lagyan ng regulasyon ang umiiral na mga institusyong pang-edukasyon sa bansa.
“Mismong pinakamataas na batas sa bansa ang nagsasabing dapat kayang-kaya ng bulsa ng mga Pilipino ang pag-aaral sa kolehiyo. Pero mukhang malabo ito dahil sa palpak na mga patakaran ng gobyerno,” aniya pa.

Binibigyang-laya ng mga polisiya ng gobyerno tulad ng Education Act of 1982 at Higher Education Modernization Act of 1998 ang mga administrasyon ng mga SCU na magtaas ng matrikula. Pero bukod pa dito, mahihinuha ang direksiyong unti-unting tinutungo ng mga SCU – ang pagsasapribado ng edukasyon, tulad ng pagsasapribado sa ibang serbisyong panlipunan ng gobyerno.

Mababatid sa mga SCU tulad ng CMU ang direksiyong gustong tahakin ng gobyerno. Gusto nitong tularan ang pribadong mga pamantasan, na nagsasabing kailangang magtaas para maging “de-kalidad.” May iba pa sanang maaaring tularan, iba pang alternatibo ng libre pero de-kalidad na edukasyon (Basahin ang kaugnay na istorya), pero di na ito tinatanaw ng mga SCU. Nakapailalim sila sa pangkalahatang polisiya ng gobyernong Arroyo.

Ito ang lagay ng pulitikang pang-edukasyon sa bansa, ang uri ng pulitikang natutunan ni Au sa labas ng mga klase sa Political Science sa City of Malabon University.

Alternatibo ng de-kalidad – pero murang – edukasyon

Tulad ng idinedeklara ng Saligang Batas ng Pilipinas, idinedeklara rin ng Saligang Batas ng Germany na responsabilidad ng gobyerno na papag-aralin ang mga mamamayan nito.
Pero kaiba sa Pilipinas, tinototoo ng Germany ang deklarasyong ito. Mula sa kindergarten hanggang unibersidad, may mekanismo ang mga estado ng pederal na gobyerno ng Germany na magbigay ng edukasyon.

Opsiyonal ang kindergarten sa Germany — ibig sabihin, hindi kailangang kunin ng bata bago makapasok ng elementarya. Pero sa mga may gusto, may mga eskuwelahan ang mga estado na nakalaan sa mga batang may edad tatlo hanggang 10. Magmula siyam na taon, required nang pag-aralin ng mga magulang ang kanilang mga anak – na hindi naman kaso, dahil libre ito.

Mahigpit ang Germany sa polisiyang kailangang mag-aral ang mga bata sa regular na eskuwelahan. Kung may seryosong sakit o disabilidad lang ang bata pinapayagan siyang mapasailalim sa home schooling.

Tumatagal ng apat na taon (at anim sa Berlin) ang elementarya. Pag tuntong sa sekundaryong pag-aaral, naihahanay ang mga bata sa apat na uri ng eskuwelahan: (1) Gymnasium, para sa mga batang may espesyal na abilidad; (2) Realschule para sa mga nangangailangan ng malawak na saklaw ng pag-aaral; (3) Hauptschule para sa mga mag-aaral ng edukasyong bokasyonal; (4) Gesamtschule para sa mga batang kailangan ang kombinasyon ng naunang tatlong klase. Mayroon ding Förderschulen para sa mga batang may problema sa pag-iisip o kapansanan.

Matapos ang sekundaryong edukasyon, may opsiyon ang mga estudyante na pumaloob sa sistema ng apprenticeship na tinatawag na Duale Ausbildung kung saan sinasanay ang mga estudyanteng matanggap sa trabaho sa mga kompanya ng Estado.

Kung may sapat na kakayahan ang estudyante, nariyan ang opsiyon ng pagpasok sa pamantasan. Karamihan sa mga unibersidad sa Germany, pag-aari ng Estado – libre ang edukasyon at mangilan-ngilan lang ang pribado.

Kinikilala sa daigdig ang matagumpay at de-kalidad na sistema ng edukasyon sa Germany. Katunayan, sampu sa 200 kinikilalang pinakamahusay na pamantasan sa mundo ang matatagpuan sa bansang ito.

Mga magandang malaman sa edukasyong Pinoy

• 60 porsiyento, o anim sa sampung mag-aaral sa kolehiyo ang nasa pribadong paaralan
• Doble ang itinaas ng matrikula, sa kabuuan, nang maupo sa puwesto si Pang. Arroyo noong 2001
• Pinakamura pa ring mag-aral sa PUP: P12 kada yunit. Pero may dagdag-bayad: P250 para sa proyekto ng pagpapaganda sa paaralan
• Pinakamahal mag-aral sa University of Asia and the Pacific: P124,800 ang kailangang bayaran sa loob ng isang taon
• Pangalawa sa pinakamahal ang De La Salle University (bagaman mura ang ilang kaugnay nitong kolehiyo gaya ng nasa Antipolo, Rizal): P110,447.82 para sa isang taon (trimester kasi)
• Bagaman pimakamahal kada yunit ang mag-aral sa Ateneo de Manila (P2,517), “mura” pa ring mag-aral dito dahil kailangan mo lang magbayad ng P90,613 kada taon, para sa 18 yunit na full-term
• Mahal na ring mag-aral sa UP dahil P1,000 kada yunit na ang kailangang bayaran, o P36,000 para sa buong taon
• Ang matrikula ngayon sa UP ay mas mahal pa kaysa sa San Beda College (P786 kada yunit) at sa College of Holy Spirit sa Maynila (P903.91 kada yunit)
• Kaunti lang ang lamang — P100 lang — ng UP sa bayarin sa FEU (P1,100); P40 naman sa UE (P1,040); P72.90 sa UST (P1,072.90)
• Dahil sa taas ng matrikula sa ngayon, inaasahang sa bawat dalawang papasok ng kolehiyo, isa lang ang makakatapos.

Noel Sales Barcelona(PinoyWeekly)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: