P2-B subsidyo sa kuryente: Konsiyumer din magbabayad


Ilang-Ilang Quijano

Dahil pinaiikot lamang ng Malakanyang ang buwis na ibinabayad ng mga konsiyumer, hindi tunay na ginhawa ang hatid ng P2-Bilyong subsidyo sa kuryente na iniutos ng Malakanyang, ayon sa grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates).

Inihayag ng Presidential Task Force on Energy kamakailan na sasagutin ng gobyerno ang bahagi ng gastos sa kuryente ng mga kumokonsumo ng 100 kWh (kilowatt hour) pababa. Kukunin ang pondo sa subsidyo mula sa VAT (value added tax) na ibinabayad ng mga konsiyumer ng kuryente.

Limitado
Tinatayang P1,000 kada taon o P100 kada buwan ang mababawas sa binabayaran ng 1.9 milyong maliliit na konsiyumer ng kuryente sa Metro Manila at mga probinsya ng Cavite, Pampanga, Bulacan, Rizal, at Quezon, ayon kay Kal. Esperanza Cabral ng Department of Social Welfare and Development.

Pero ayon kay Engr. Ramon Ramirez, tagapagsalita ng Power, tila nanloloko ang gobyerno dahil mula sa bulsa ng mga konsiyumer mismo ang subsidyo. “Isusubsidyo ng mga konsiyumer ang iba pang mga konsiyumer,” aniya.

Limitado ang saklaw ng subsidyo na para sa mga kostumer lamang ng Meralco (Manila Electric Company), ayon naman kay Sen. Alan Peter Cayetano.

“Kung magbibigay lang naman ng subsidyo ang pamahalaan, sa lifeline users dapat sa buong sa Pilipinas at hindi lamang dito sa Metro Manila. Tumataas ang presyo ng kuryente sa buong bansa,” aniya.

Pinuna naman ni Sen. Mar Roxas ang umano’y “pansamantalang solusyon” ng gobyerno sa mataas na presyo ng kuryente.

“Maganda man ang tulong ng P2-B, mauubos din iyan. Ang punto ay pinagsasamantalahan ba tayo sa singil sa kuryente? Dapat mapigil yung pagsasamantala,” aniya.

Pagbasura sa VAT
Iginiit ng Bayan (Bagong Alysansang Makabayan) na mas maigi ang pagbabasura sa VAT dahil magbebenepisyo ang lahat ng mga konsiyumer ng kuryente. Tinatayang makakatipid ng 70 hanggang 80 sentimos kada kWh ng kuryente ang mga ito kapag inalis sa singil ang nasabing buwis.

“Hindi namin maintindihan kung bakit ayaw ng gobyerno ang pinakasimple at batayang hakbang para mapababa ang singil sa kuryente. Bakit sa panahon ng krisis, prayoridad pa rin ng gobyerno ang pangongolekta ng buwis at bayad-utang?” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Mahigit P18-B kada taon ang nakokolektang VAT mula sa mga konsiyumer ng Meralco. Napupunta ang kalakhan sa bayad-utang.

Ani Reyes, nangongolekta ng VAT ang gobyerno para patuloy na makapangutang sa mga dayuhan.(PinoyWeekly)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: