Larga Vista: Illegal logging nga ba ang tunay na dahilan ng malaking baha sa Isabela at Cagayan?


Elizabeth Principe

SA MATA ng nasa kapangyarihan, ilegal na pagtotroso ang dahilan ng malaking baha, kasalanang ipinupukol sa ordinaryong mga sibilyan na gumagamit ng chainsaw, nagbubuhat at naghihila ng mga tabla. Pinawawalang-sala ang mga korporadong pagtotroso, dahil legal daw ang mga ito. Tignan muna natin kung sinu-sino ang sumisira ng kagubatan bago sagutin ang tunay na dahilan ng malaking baha.

Una rito, ang korporadong pagtotroso. Ito ang malalaking kompanya na may-ari, kumokontrol at gumagamit sa malalaki at modernong makinarya sa pagbagsak, pagkarga, at paglabas ng malalaking troso. Higit-higit ang nailalabas nitong kahoy kumpara sa sinasabing ilegal na pagtotroso. May lisensiya silang magtroso sa konsesyon ng daan-daang libong ektarya ng kagubatan. Kinakategorya ang mga ito na legal, kahit na lampas-lampas sa itakdang bilang ng board feet ang kanilang kinukulimbat dahil may pahintulot na nakuha mula sa padulas na daang libo hanggang milyong piso sa DENR, militar at kay Mayor.

Higit pa sa animnapung taon na pinapanot ng korporadong pagtotroso ang kagubatan ng Isabela at Cagayan, bagamat malaki na ang paghupa nito sa pagbabawal ng rebolusyonaryong kilusan. Mula nang ideklara ang batas militar, pinangunahan ng pamilya Dy ang pagtotroso sa Isabela; pati ang mga makinarya ng DPWH sa probinsiya ay nagagamit sa paggawa ng daan sa gubat. Hanggang ngayon, tumitira pa rin ang mga Dy, minus ang kagamitan ng DPWH.

Pangalawa, kahit tapat si Gob. Padaca sa paglaban sa pagtotroso, ang mga meyor ang pumapaspas sa kani-kanilang saklaw na bundok, gamit ang permit sa Integrated Forest Management Agreement (IFMA) na maaaring kanila o nagbabayad ng royalty sa pulitikong may permit.

Sa pamamagitan ng padulas na pera, hawak ni Mayor ang Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO), mga pulis at militar na may mga kampo sa bayan. Bawat kampo at tsekpoint ng 5th ID, sumusungkit ng P300 – P500 bawat trak na dumadaan sa kanila papasok sa gubat. Iba pa ang bigay kay CO.

Sumesegunda sa korporadong pagtotroso ang pag-aari, kontrol at gamit ni Mayor sa mga makinarya sa pagtotroso. Maraming pag-aaring trak at chainsaw, at may ilang buldoser si Mayor. Kumakabit kay Mayor ang mga taong may-ari ng isa o dalawang trak. Magbabayad lang sila kay Mayor na siyang may “lisensiya.” Nakakonsentra kay Mayor at sa mga furniture maker ang mga tabla na galing sa “illegal loggers“.

Ikatlo ang kinakategoryang “ilegal,” yaong mga ordinaryong sibilyan, gamit ang chainsaw sa pagbuwal at pagtatabla ng kahoy. Nahahati sila sa may-ari ng kagamitan sa produksiyon at yaong walang pag-aari kundi lakas.

Karaniwan na mataas na gitna at mayamang magsasaka ang may-ari ng chainsaw; may inuupahan silang chainsaw operator at katulong.

Ang walang kagamitan ay ang dating mga maralita at mababa gitnang magsasaka, at ang mga manggagawang bukid. Sila ang gumaganap na chainsaw operator at helper nito, at mga bogador, yaong nagbubuhat, naghihila, at naglalangoy ng mga tabla sa ilog. Kadalasan, nakautang na ang mga ito ng pagkain na babawiin sa gubat at ang iiwan para sa pamilya, bago pa sila umakyat sa bundok. Mura na nga ang bayad sa bawat board feet kapag “illegal loggers” ang nagbenta, lalo pang nababarat kapag naiutang na nila ang ibubuwal pa lamang na kahoy.

Sila ang kumukuha ng yaman ng gubat. Nasa ibaba ng tatsulok ang mga ilegal, at nasa itaas ang mga korporadong pagtotroso. Marami nang nagpahinto sa pagtotroso, isa na ang simbahan ng Isabela; ang pinakamatagal at pursigido ay ang rebolusyonaryong kilusan. Pinahihinto nitong huli ang mga korporado at di-korporadong pagtotroso sa mga lugar na may kakayahan itong pahintuin. Sa mga taumbaryo, matagal na itong nagbibigay ng mga pag-aaral sa ugat ng kahirapan at sa pangangalaga ng kalikasan kasabay ng pagpapatupad ng rebolusyong agraryo – ang pagpapababa ng upa sa lupa, kalabaw, makina, at interes sa usura, at pagpapataas ng presyo ng palay at mais. Para maengganyo ang mga maralitang taumbaryo na magbungkal ng lupa.

Samantala, kontrapelo ang AFP; masipag silang magbuwag ng mga tunay na organisasyon ng magsasaka. Sa ganitong kalagayan, disbentahe ang paisa-isang magsasaka sa paglaban sa kahirapan.

Ang malaganap at malalang kahirapan sa kanayunan ang nagtutulak sa maraming tao na humanap ng ikabubuhay sa gubat gayong napakamapanganib at mabigat ang gawaing magbagsak ng troso, magkarga sa balikat o ulo ng mga tabla, maglangoy nito sa mga diyablong ilog, maabutan ng bagyo at maubusan ng pagkain sa gubat. Doble pang mapanganib kapag “nabangga” sila ng mga Cafgu na nagsasagawa rin ng illegal logging. Pero kahit anong hirap at pagbabawal, patuloy pa rin silang magtotroso dahil wala silang ipapakain sa mga anak at sa sarili.

Bakit ba isinumpa sa kahirapan ang kanayunan? Unang dahilan ang kawalan ng sariling lupa, ang malawakang pang-aagaw ng lupa ng magsasaka, at mataas na upa sa lupa. Detalyehin natin ito.

Sa silangan ng Cagayan Valley, kung saan naroon ang Sierra Madre, napagdadamutan ng gobyerno ang maraming magsasaka roon sa di pagkilala sa kanilang karapatan sa lupang magmula pa dekada ’50 nabubungkal. Nang-aagaw ng lupa ang mga mapanlinlang na proyektong Integrated Social Forestry (ISF) at Community Based Forest Management (CBFM). Ayon sa mga ito’y walang karapatan ang mga magsasaka sa lupang pinagyaman nila at maaari silang mapaalis doon ng gobyerno anumang oras.

Nang-aagaw rin ng lupa ang kontra-magsasakang Comprehensive Agrarian Reform Program (Carp). Malawak na lupain sa saklaw nito ang napo-foreclose, nakakansela ang mga Emancipation Patent (EP) at Certificate of Land Transfer Award (Cloa) tulad sa 31,000 ektarya ng Hacienda San Antonio – Sta. Isabel, at 3,000 parsela sa Hacienda Dimzon at Hac. Zulueta. At marami pang ibang katulad na hindi kinaya ng magsasaka ang regular na amortisasyon sa Carp. Makakain nga lamang ng magsasaka ay problema na, amortisasyon pa kaya?

Sa kaso ng Hac. Dimzon, nakatakdang mapalayas ang mga magsasaka nitong Nobyembre 23, 2008 gayong 1913 pa nagbabayad ng upa sa panginoong maylupa ang pamilya’t ninuno nila bago ipinaloob sa Carp. Balak kasing gawing plantasyon para sa biofuel (ethanol) at tabako ang lupa. Sa Hacienda San Antonio – Sta. Isabel, matapos magtanim para sa kastila (Compania Tabacalera) ng 100 taon, ipinailalaim sa CARP ang lupa at saka pa mapapatalsik ang mga magsasaka para maging lugar ng agribisnes ni Danding Cojuangco.

Marami pang lupang naka-Carp, matagal nang nahuhulugan ng amortisasyon ang nagagawang maibalik sa panginoong maylupa sa pamamagitan ng butas sa land conversion, sa pakikipagkutsabahan ng Municipal Agrarian Officer (Maro).

Naaagaw na ang lupa ng mga magsasaka sa Carp, pati pa ang mga naunang naihulog na pera sa amortisasyon lumipad na sa hangin.

Isa pang nakakaagaw ng lupa ng mga magsasaka ang pagmimina. Sa kabuuang 2,683,758 ek. sa Cagayan Valley, umaabot ng 785,708.1 ek. ang aprobado na at nasa proseso na ang Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA), Mineral Production Sharing Agreement (MPSA), at Exploration Permits (EP).

Maliliit pero maraming parsela ng lupa ang nakakamkam ng mga komersiyante-usurero sa mabigat na patakaran ng sangla (salda-patay ang isang tipo) at pag-singil sa utang ng magsasaka. Mabilis na nagiging panginoong may-lupa ang mga komersiyante-usurero habang nagiging kasamà ang magsasaka.

Marami ring kaso ng pang-aagaw ng lupa ang mga indibidwal na panginoong maylupa, mayamang magsasaka, mga maton sa baryo, mga dating militar at sindikato sa loob ng DAR.

Kung naagaw at nawalan ng lupang bubungkalin ang dumaraming magsasaka, mataas na upa sa lupa naman ang problema ng may bubungkalin pa. Kasunduang 70-30 at 50-50 (0 30% at 50% ang makukuha ng may-ari ng lupa) ang umiiral na upa sa lugar na hindi pa inaabot ng rebolusyong agraryo. Sa kaso ng 70-30, binabalikat ng magsasaka ang lahat ng gastos at lahat ng pagod; ikatlo kaagad ang bawas sa inani bilang upa sa lupa.

Ikalawang dahilan ng malala at malawakang kahirapan ang maling patakaran ng sunud-sunod na rehimen – ang export-oriented, import-dependent na patakaran sa eko. Sa patakarang ito, ang nais bilhin ng mga imperyalistang bansa ang pinoprodyus natin habang binibili natin sa ibang bansa ang mga kailangan rito. Ito ang paliwanag kung bakit hindi pinapaunlad ang agrikultura.

Ayon sa goberno – mas mura ang mag-angkat ng bigas kaysa paunlarin ang agrikultura ng bansa. Globalisasyong neoliberal ang patakaran para sa layunin ng imperyalistang intrusyon at pangingibabaw sa agrikultura sa Pilipinas. Iyan ang dahilan kung bakit pinilit mapalitan ang dating mabubuting binhi (wagwag, atbp.) na puwedeng ulit-uliting itanim, para palitan ng binhi ng Syngenta at Monsanto na uulit-uliting bilhin. Iyan ang nasa likod kung bakit ang mahal ng bigas ng Vietnam at Thailand ang inaaangkat ng NFA gayung bunabarat ang binibiling isang porsiyento ng palay sa Pilipinas. Iyan ang dahilan kung bakit pinabayaan ang irigasyon at korupsiyon ng NIA, ang patuloy na pagmaha na mga binhi, abono, pestisidyo, mulosidyo, traktora, atbp. Pawang naglulubog sa kumunoy ng utang sa nga magsasaka. P35,000 – P40,000 na ngayon ang gastos sa produksiyon sa isang ektarya.

Deka-dekadang tinitiis ng magsasaka ang 300% na interes sa pautang ng mga usurero, gayong palaging bagsak ang presyo ng palay at mais. Tatamaan pa ng bagyo ang pananim sa inutang mula pag-aararo. Wala namang maisuporta ang gobyerno maliban sa ilang pirasong noodles at isa hanggang dalawang kilo ng bigas. Uulitin muli nilang umutang at magtanim hanggang wala nang gustong magpautang.

Ngayon, maraming magsasaka ang nakasuhan ng estafa, at hindi mabilang ang naging manggagawang bukid ang nawalan ng mapagtatrabahuan sa paglaganap ng gamit ng mga makinarya (handtraktor, traktor, baby thresher) kahit sa mga gitnang magsasaka. Nataboy sila sa bundok at naghangad na kumuha ng kapurit na parte sa yamang gubat na dati’y mga korporadong nagtotroso lamang ang nagmomonopolyo.

Hindi mapahinto maging ng AFP ang maramihang pagpasok sa gubat, nagtayo na lamang sila ng mga network ng mga Civilian Informer (CI) sa mga “ilegal” na nagtotroso. Grupu-grupo maging ang mga Cafgu sa pagtotroso. Lahat ito, nagkokotong sa militar.

Mawawala ang ilegal na pagtotroso kapag nalutas ang kahirapan sa kanayunan. Ibig sabihin, malaganap na maipatupad ang agraryong rebolusyong at maitayo ang ekonomya ng bansa na nagsasarilim malaya sa imperyalistang pagsasamantala, laan sa pangangailangan ng at nagsisilbi sa mga mamamayan. Makasusulong ang pagpapanumbalik at pangangalaga sa kalikasan, masasawata ang korporadong pagtotroso kapag napunas ang burukrata-kapitalista – ang bulok na pulitiko pati bulok na pagpapatakbo ng mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng DENR, DAR, DA atbp; at mapalitan ng mga taong tunay na tagapaglingkod ng mga mamamayan.

Saka lamang maiiwasan ang dumadaluyong na baha at mahahabang tikag.

(Noong Nobyembre 28, ginunita ng mga tagasuporta at kaanak ni Elizabeth Principe ang unang taon ng pagkakapiit niya. – Ed.)

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 53 other followers

%d bloggers like this: