Nanawagan ang daan-daang OFW (Overseas Filipino Worker) sa Hong Kong na agad na ibigay ang dagdag-na-sahod at isabatas ang minimum na sahod para sa lahat ng manggagawa.
Napabalita noong Hunyo na dapat magbigay ng HK$50 na dagdag-na-sahod ang gobyerno ng Hong Kong subalit hindi pa rin ito malinaw hanggang sa kasalukuyan.
“Nasa kalagitnaan na ng taon pero hindi pa rin ibinibigay ng gobyernong Hong Kong ang makatarungang dagdag-na-sahod. Nagtatrabaho kami araw-araw pero hindi nagbabago ang aming kalagayan. Walang pakialam ang gobyerno sa aming sitwasyon,” ayon kay Eni Lestari, tagapagsalita ng Asian Migrants’ Coordinating Body.
Noong mga nakarang taon, inaanunsiyo sa ikalawang kuwarto ng taon ang minimum allowable wage ng mga FDW (Foreign Domestic Workers).
Ngayong taon, ani Lestari, iniipit ng gobyerno ng Hong Kong ang desisyon na magreresulta sa eksempsiyon ng libu-libong FDW sa anumang dagdag-na-sahod sa susunod nilang kontrata.
Nagsampa ng petisyon para sa dagdag-na-sahod ang AMCB noong unang bahagi ng 2008. Idinahilan ng grupo na makatuwiran ang pagtataas ng sahod dahil sa “pagbangon ng ekonomiya ng Hong Kong” na umano’y hindi pa umaabot sa mahihirap.
Soliman A. Santos(PWeekly)