Programa sa lupa, nauwi sa wala


Soliman A. Santos

Protesta ng mga magsasaka noong 2007 laban sa Comprehensive Agrarian Reform Program (Ilang-Ilang Quijano)

PANAKa-NAKA ang pag-ulan at pag-init, pero balewala ito sa kanila. Malayo ang nilakbay ng mga magsasakang ito – marami ang mula sa iba’t ibang bahagi ng Timog Katagalugan – kung kaya di sila pahahadlang sa pagdadalawang-isip ng panahon. Nagluluto, kumakain at nagpoprotesta sila sa bungad ng DAR (Department of Agrarian Reform).

Balewala sa mga magsasaka ang sakripisyong sandaling mawala sa kanilang pagsasaka. Ano ba naman ito kumpara sa 20 taon ng paghihintay?

“Hinahamon namin si Ginang Arroyo at ang DAR na itigil ang pagapapalit-gamit sa lupa,” bungad ni Orly Marcellana, pangkalahatang kalihim ng Kasama-TK (Katipunan ng mga Magbubukid sa Timog Katagalugan).

Kasama ni Marcellana ang mga magsasaka mula sa Hacienda de Calatagan, Batangas. Tulad ng 80 porsiyento ng mga magsasaka sa Pilipinas, di nila pag-aari ang lupang pinagtatamnan. Pag-aari ito ng Ayala Land Corporation, korporasyong pag-aari ng isa sa pinakamayamang pamilya sa buong bansa, ang mga Zobel de Ayala.

“Hinahamon naming ibalik ang 97 ektaryang lupain ng Hacienda Fule sa mga magsasaka na napalayas dahil sa pagpapalit-gamit ng lupa mula sa pagiging agrikultural tungong komersiyal na lupain ng Ayala Land Corp,” ani Marcellana.

Sa simula ng kanilang pagkakampo sa DAR noong nakaraang linggo, nagpupuyos ang damdamin ng mga magsasaka ng nasabing asyenda. Paano ba naman, pinalayas ng mga Ayala ang mga magsasaka mula sa 19 na barangay ng Calatagan. Matagal na nilang hiling na mapasakanila ang mahigit 10,000 ektaryang lupang sinasaka sa ilalim ng Carp (Comprehensive Agrarian Reform Program). Pero sa halip na ipamahagi ng gobyerno ang lupa, kinatigan pa ang pagpapalusot ng mga Ayala na “pastulan” daw ang lupa at hindi sakahan.

Halimbawa lamang daw ito ng kapalpakan ng gobyerno sa pagpapatupad ng repormang agraryo sa bansa.

Bigong reporma
Ayon sa KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), pito hanggang walo sa 10 magsasaka ang wala pa ring sariling lupa. Hindi umano winasak at winakasan ng Carp ang monopolyo sa lupa sa loob ng 20 taon.

Mahigit sampung milyong ektaryang lupain ang target ng DAR, ahensiyang pangunahing nagpapatupad ng Carp, noong maitatag ito. Ayon sa DAR, nakapamahagi na ito ng mahigit anim na milyong ektarya sa tulong ng Department of Environment and Natural Resources.

Pero mahihinuha sa mismong datos ng gobyerno ang napakalaking limitasyon ng naging saklaw ng Carp. Umabot sa 1.9 milyong ektarya lamang ng pribadong lupaing agrikultural ang naipamahagi sa mga magsasaka simula noong 1988. Kasama pa rito ang kalat-kalat na mga lupang ipinamahagi sa panahon ng diktadurang Marcos sa ilalim ng na Presidential Decree 27. Sa 1.9 milyong ektaryang ito, 82% ang may mga kaso pa, at wala pang aktuwal o pisikal na pamamahagi ng lupa sa magsasaka.

“Marami kasing butas ang Carp na kumbinyenteng ginamit at ginagamit ng mga panginoong maylupa para makaiwas sa makitid na saklaw nito,” paliwanag ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP at hahalili sa yumaong Crispin Beltran bilang kinakatawan sa Kamara ng Anakpawis Party-list.

Kabilang sa mga butas: “Mga lupaing na-exempt dahil sa mga order at exemptions na inilabas ng DAR, Darab (DAR Adjudication Board), at ng korte; mga lupaing nanatili sa kamay ng mga panginoong maylupa dahil sa paggamit ng kanilang karapatang mapanatili sa kanila ang holdings; mga lupa at magsasakang saklaw ng inisyung order for land conversion; mga lupain at magsasakang sinaklaw ng mga order ng ejectment; mga lupa at magsasakang saklaw ng kinanselang certificate of land ownership at emancipation patents,” sabi pa ni Mariano.

Nandiyan din ang mga lupang nababawi sa magsasaka dahil sa iba’t ibang kaparaanan o kaya hindi lang makabayad ng amortisisasyon. Gayundin ang mga lupaing talagang hindi nakasama, na hindi inirehstro ng mga nag-mamay-ari nito doon sa ginanap na land registration noong 1988.
Noong 1995, ang mahigit 10 milyong ekraryang dapat ipmahagi ng DAR ay nabawasan pa ng mahigit dalawang milyong ektarya dahil sa mga executive issuances, administrative orders, Supreme Court rulings, at mga susog sa Carl (Comprehensive Agrarian Reform Law). Sa esensiya, malakihang binawasan ang ipapamahaging lupaing agrikultural.

Ang kabuuang lawak ng mga sakahan sa bansa, ayon sa 1991 Census of Agriculture, ay 9,974,871 ektarya, ang ibig sabihin nito ay saklaw lamang ng Carp ay 43% ng lahat ng sakahan sa bansa. May kabuuang 5.7 milyong ektarya ng sakahan ang hindi nakapaloob sa reporma sa lupa.

Hindi pa umano ibinawas ng DAR sa ”total accomplishment report” nito ang mga lupain na kinansela ang mga Certificate of Land Transfer, Emancipation Patent at Certificate of Land Ownership Award, gayundin ang inaprubahang mga pagpapalit-gamit ng lupa, mga ineksempt sa Carp gamit ang DOJ Opinion No. 44 at Seksyon 20 ng Local Government Code ng 1991), at mga proklamasyon na nagdedeklara sa ilang erya bilang mga “tourism zones”.

Sinagkaan din ng Carp ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino na pakinabangan ang mahigit 800,000 ektarya ng palaisdaan sa buong bansa. Sa ilalim ng huwad na reporma sa lupa, tiniyak ng gobyerno na hindi maisasama sa Carp ang pamamahagi ng fishponds at prawn farms at iba pang katulad nito sa mga kooperatiba, asosasyon at organisasyon ng mga mangingisda, ayon pa sa KMP.

Gatasan
Ang masaklap pa, ginagamit ng gobyerno ang mga magsasaka para mangalap ng bilyong pondo sa labas ng bansa at mga institusyong pampinansiya.

Iniulat mismo ng DAR noong Hunyo 17,2007 na “may kabuuang P62.31-B ang ginastos na mula sa internasyunal na mga institusyong nagpopondo para gumawa ng mga daan, tulay, irigasyon, mga dryer at para sa maiinom na tubig, kuryente, pautang at maging mga pagsasanay at mga programang pangkabuhayan sa mga agrarian reform communities.”

Ayon sa KMP, ginagawa itong ”gatasan” dahil ang nakikinabang sa pondo ay ang administrasyong rehimeng Arroyo at mga tiwaling opisyal ng DAR sa pakikipagsabuwatan ng kolaborisyunista at repormistang mga grupo ng mga magsasaka at institusyon.

Sa nakalipas na 10 taon (1998-2007), umabot sa P 119-B ang ginastos para sa implementasyon ng Carp na nanggaling sa pagbebenta ng non-performing assets ng gobyerno at nabawing nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Labas pa dito ang mga pondo na nakalap mula sa European Union at World Bank at iba pang dayuhang pondo.

Hindi lamang ang KMP ang nakapansin nito. Kahit si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., pinasisiyasat kung ano ang nangyari sa napakalaking pondo ng gobyerno sa Carp.

Nadismaya diumano si Pimentel nang hindi maayos na naipaliwanag ng DAR sa Senado kung ano ang eksaktong mga pinagkagastahan ito sa milyun-milyong pondo sa loob ng 20 taong implementasyon ng Carp.

Kaya hindi nagtataka ang KMP kung bakit ginawang sertipikadong urgent sa Kongreso ang panukalang palawigin pa ng limang taon ang Carp. “Ibig sabihin, napakabulagsak na paraan ng paggamit ng pondo ng publiko. Kailangang mai-account nang maayos ang pondong ito,” sabi ni Pimentel.

Partikular na ipinagpapaliwanag ni Pimentel sa DAR kung paano nito ginastos ang P30 Bilyong mula sa nasamsam na yaman ng mga Marcos na inilaan sa repormang agraryo noong 2003. Hanggang sa kasalukuyan diumano, hindi pa rin ito sapat na nasasagot ng DAR at gobyernong Arroyo.

Tunay na repormang agraryo
Sa kabilang banda, ayaw na ng mga magsasaka na palawigin pa ang Carp. “Isang malagim na halimbawa ang karanasan namin ng kawalang- katarungan at kainutilan ng Carp,” sabi ni Romy Cayao, tagangulo ng Kasama-TK.

Sa halip, isinusulong nila ang “tunay na repormang agraryo.” Sinusuportahan ng KMP at mga alyadong grupo nito sa buong bansa ang Garb (Genuine Agrarian Reform Bill) o House Bill 3059, na isinampa ng progresibong mga party-list na Anakpawis, Bayan Muna at Gabriela sa Kongreso. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Sa kanyang pag-upo sa Kamara, inaasahang lalabanan ni Mariano ang panukalang pagpapalawig pa sa implementasyon ng Carp. Ikakampanya niya ang isang tunay na repormang agraryo sa kalidad ng Garb.

Kuha na niya ang suporta ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan. Kuha niya ang suporta ng mga magsasaka sa buong bayan.

Ano ang CARP?

Magtatapos na sa Hunyo 10, 2008 ang Carp o Comprehensive Agrarian Reform Program, ang batas sa repormang agraryo na mandato ng Republic Act No. 6657, na pinirmahan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Hunyo 10, 1988. Ito ang ika-11 batas sa repormang agraryo sa bansa sa loob ng 50 taon, sumunod sa mga batas sa repormang agraryo ng mga presidenteng sina Manuel Quezon, Ramon Magsaysay, Diosdado Macapagal at Ferdinand Marcos.

Ayon sa RA 6657, layon ng Carp na magkaroon ng pantay na distribusyon at pag-aari ng lupa. Sampung taon ang lawig nito para maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Subalit hindi ito nangyari kaya noong Hunyo 1998, pinalawig pa ang termino nito ng karagdagan pang 10 taon at binigyan ng P50 Bilyong pondo para sa implementasyon nito.

Ipinaliwanag ng RA 6657 ang repormang agraryo bilang “pamamahagi ng lupa, anumang pananim o prutas na produkto nito, sa mga magsasaka at regular na manggagawang-bukid na walang lupa” at “lahat ng kasunduang alternatibo sa pamamahagi ng lupa, tulad ng profit-sharing, labor administration at pamamahagi ng shares of stock na magbibigay-daan sa pagtanggap ng mga benepisyaryo ng makatuwirang hatian sa bunga ng lupang kanilang binungkal.”

Nakasaad rin sa naturang batas na dapat ipamahagi ang malalawak na lupaing agrikultural sa mga magsasakang nagbubungkal, habang hanggang limang ektarya lamang ang matitira sa mga panginoong maylupa at tatlong ektarya sa kanyang bawat anak.
Gayunman dahil sa mga butas ng Carp, natatakasan ng mga panginoong maylupa ang pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng reklasipikasyon ng kanilang lupain. Hindi kasi kasama sa saklaw ng Carp ang mga lupaing residensiyal, komersiyal at industriyal.
Para sa mga magsakaka, nagsilbi at nanatiling instrumento ang Carp upang patuloy na ipagkait ang saligang karapatan ng mga magsasaka na ariin ang lupang sinasaka. Taliwas sa ipinangako nitong pamamahagi ng lupa, pinanatili nito ang monopolyo at konsentrasyon ng malalawak na lupain sa kamay ng iilan.

Soliman Santos

Panukalang ‘totoong reporma sa lupa’

Hindi pa man pormal na nanunumpa bilang kinatawan ng Anakpawis na hahalili kay Crispin “Ka Bel” Beltran sa Kamara, abala na si Rafael Mariano sa pagtutulak sa panukalang batas na Garb, o Genuine Agrarian Reform Bill. Para sa kanya at sa organisadong mga magsasakang kinabibilangan niya, isang hakbang ang Garb para s tunay na reporma sa lupa na di nakamit sa Carp.

Pero batid niya ang limitasyon pakikipaglaban sa Kamara na pinamumugaran ng mga pulitikong panginoong maylupa.

Ito ang ilan sa mga sagot niya nang tanungin ng Pinoy Weekly hinggil sa Garb noong nakaraang taon:

Anong kaibahan ng Garb sa Carp?
Ito ay pusupusan at tunay na reporma sa lupa. Bunga ito ng naging matagumpay na konsultasyon sa hanay ng organisadong mga magsasaka.

Malaki ang kaibahan nito pangunahin sa sasaklawin ng programa. Kasama na rito ang mga lupaing nasa kontrol pa rin ng malalaking agrocorporation lalo na ng mga dayuhan na kalakhang matatagpuan sa Mindanaw. Kasama sa coverage ng bill na ito kahit yung mga lupaing naitakas sa saklaw ng huwad na Carp.

Doon sa mga may-ari ng lupa na nagpapabuwis, na target saklawin ng programang ito, kung mayroon silang ipinuhunan, dahil sa ilang beses nilang piyudal na pagpiga ng land rent, ilang beses na rin namang naibalik sa kanila. Kaya hindi na dapat pagbayarin o singilin pa ng amortisasyon ang mga magsasaka. Kaya nga prinsipyo ito ng libreng pamamahagi ng lupa bilang sentral na nilalalaman ng isang batas sa tunay na reporma sa lupa. Gayundin ang laman diyan, no retention. Walang ititira, lalo na yung lupain ng malalaking despotikong maylupa na mayroong magsasaka. Dapat wala ’yang retention holdings na ’yan.

Ang primary beneficiaries ay mga magsasaka at farmworkers na walang lupa. Naglalayon talaga itong batas na ito na basagin ang monopolyong kontrol sa lupa ng iilan at maipamahagi ito ng libre sa mga magsasaka.

Hindi natin papayagan ang non-land transfer schemes na kung tutuusin corporate landgrabbing tulad ng leaseback agreement, SDO (stock distribution option), profit and production sharing scheme.

Sa mga lugar na hindi pa masasaklaw ng programa, dapat ’yung signipikanteng pagpapababa ng upa sa lupa, pero malaunan dapat saklawin din.

Ang isa pang kaibahan nito, maikli lang ang period ng iplementasyon. Kung limang taon, limang taon lang. Hindi extendable. Nagbubunyi kasi ang mga panginoong maylupa sa ekstensiyon.

Kung may uunahin ’yan ng malalakihan tulad ng lupain ni Danding (Cojuangco), Hacienda Luisita. Isasama natin pati yung mga lupain ng mga military reservation kuno pero may mga magsasaka at produktibo.

Kitang-kita ang malaking kaibahan nito sa huwad na reporma sa lupa na Carp. Magmula sa period of implementation, na maikli lang, hanggang sa moda ng pag-a-acquire, kailangan compulsory acquisition at distribution.

Ang tanong, lulusot ba ito? Maipapatupad ba ito sa isang Kongreso lalo na ang mga kongresista kung hindi man tuwirang panginoong maylupa ay nagtataguyod ng makauring interes ng panginoong maylupa, komprador, at dayuhan?

Bakit gusto ng gobyerno ng ekstensiyon ng Carp?
Magtatagumpay sila sa panloloko at panlilinlang sa Carp. Sasabihin nila naipamahagi na lahat. Sasabihin nilang nagtagumpay na tayo ang kailangan lang tapusin. Hindi lang kailangan tapusin ito ngayon, kailangan iekstend. Pagdating ng panahon na ’yon, inaasahan marahil nila kaya na nilang mapatanggap sa nililinlang nilang mga magsasaka na tapos na ang reporma sa lupa.

Gusto rin ito ng US dahil ang mga lupain ngayon na nakatakas sa tunay na reporma sa lupa. Ang gobyernong papet, inilalako ang mga lupang ito para gamitin sa agribusiness na magsusuplay sa pagangailangan ng merkado ng US.

Ilang-Ilang Quijano

(PinoyWeekly)

About these ads

3 Responses to “Programa sa lupa, nauwi sa wala”

  1. sefsef Says:

    hi♥♥♥♥ pho

  2. J. Kulisap Says:

    Akin pong gagamitin ang artikulong ito para sa aking pamangkin.

    Ilalagay ko ang karapatang-ari ng barangayrp.wordpress.com

    Maraming salamat sa makabuluhang pagbabahagi

    • barangayrp Says:

      maraming salamat kulisap.

      pero ang karapatang ari ay hindi para sa brgy rp. nararapat itong ibigay kay ilang-ilang quijano ng Pinoy Weekly.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 53 other followers

%d bloggers like this: